Ang kaisipan sa pagtatayo ng aklatan para sa Lalawigan ng Bulacan ay nagsimula noong taong 1940. Ito ay nagkaroon ng katuparan at opisyal na pinasinayaan sa panunungkulan ni Gobernador Teofilo E. Sauco noong ika–20 ng Disyembre, 1949. Kinilala ito bilang Bureau of Public Libraries–Bulacan Branch at itinalaga si Gng. Carolina G. Santillan bilang Pinuno ng Aklatan. Ang kauna-unahang aklatan ay isang silid na inilaan ng Tanggapan ng Punong Lalawigan sa loob ng Gusali ng Kapitolyo at nanatili roon hanggang taong 1953. Sa pamumuno naman ni Gobernador Alejo Santos, ang aklatan ay inilipat sa Marcelo H. Del Pilar High School na noon ay Bulacan High School. Taong 1955, nagpapasya naman si Gobernador Alejo Santos na palawakin ang sakop ng nasabing paaralan, kaya’t ang aklatan ay muling inilipat sa bagong tayong gusali sa gilid ng kahabaan ng MacArthur Highway. Taong 1971, sa pamamagitan ng programang pang-instruktura na “Hiyas Complex” ni Gobernador Ignacio Santiago,ang nasabing gusali ay naging Hiyas Cafetorium, kaya’t ang aklatan ay muling inilipat sa Hiyas Library and Museum Building, at hindi naglaon ay pinalitan ang pangalan ng gusali at kinilala bilang Gat Blas F. Ople Building noong 2004.
Malaking pagsulong sa aspetong panteknolohiya sa Panlalawigang Aklatan nang ito ay hirangin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) bilang isa sa mga Tech4ED Centers nito. Ito ay opisyal na inilunsad noong ika–3 ng Pebrero, 2017. Ang kasalukuyang laybraryan na si G. Marlon A. Hipolito ang Tech4ED Center Manager nito.
Sa pamumuno ni Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado isinagawa ang malakihang pagsasaayos ng panloob ng gusali na kinabibilangan ng opisina ng Panlalawigang Tanggapan ng Kasaysayan, Sining, Kultura at Turismo (PHACTO) sa pamumuno ni Dr. Eliseo S. Dela Cruz at ang pasilidad na pinamamahalaan nito, kasama ang Panlalawigang Aklatan.
Taong 2019, sa panunungkulan ni Gobernador Daniel R. Fernando, sa bisa ng Panlalawigang Kautusan BLG.77–2019 ay pinangalanang Hiyas ng Bulacan Cultural Center: Sentro ng Kasaysayan, Sining, Kultura at Turismo ang Gusaling Gat Blas F. Ople na siyang tahanan ng Bulacan Provincial Library nang mahigit sa limampung taon.
Sa kasalukuyan, pagkatapos ng isinagawang pagsasaayos ng gusali, ang BPL ay mayroon ng mga sumusunod na seksyon: Children’s Section; Reference Section; Filipiniana Section; Circulation Section; Periodical Section; Rizaliana Section; Bulacaniana Section; at Special Collection na kinabibilangan ng Bangko Sentral ng Pilipinas Collection at Thesis and Dissertation, at mga sumusuod na serbisyo: Information Desk; Audio-Visual Room (AVR); Tech4ED/E-Library Services; SINEiliskk Research Hub; Online Public Access Catalog (OPAC) at Free WiFi for All.
Pampublikong Aklatan na pagkukunan ng reperensiya sa pamamagitan ng koleksyon at preserbasyon ng mayamang kasaysayan at pamanang kultural, at sa pagpapaunlad at paggamit ng mga impormasyong panteknolohiya para sa pangangailangan sa pananaliksik at pakikipag-ugnayan sa kliyente, indibidwal at institusyon sa loob at labas ng lalawigan.
Pagsasagawa ng hindi pormal na edukasyon
Suportahan at punan ang pananaliksik sa lahat ng larangan at pagpupunyagi
Pagkakaloob ng bibliographic access sa mga pagkukunang impormasyon ng bansa
Pagtataguyod ng libangang magpapabuti sa kaisipan at katawan
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa programa at serbisyo ng aklatan, maaaring bisitahin ang Panlalawigang Aklatan ng Bulacan Facebook Page.
Para sa inyong mga pangangailangan para sa pananaliksik at reperensiya sa anumang anyo: libro, peryodiko o anumang dokumento, maaaring magpadala ng mensahe sa aming email address.