"Bata pa laang mandin si utoy Abel ay makayangas na."
"Inayangas mo laang wari ako?"
"Ano na iring batang iri, anung ligalig na bago yangas pa."
Ang salitang "yangas" bilang pang-uri ay pinakamalapit na maihahambing sa salitang pangkaraniwang Tagalog na "maloko" sa mabuti at magaang paraan. Maaari rin siyang ilarawan sa isang taong makulit o maligalig na kung saan bagama't kalokohan ang alam ay nakapagbibigay naman ito nang aliw at kasiyahan.
Kung ito naman ay usaping pandiwa, maihahambing ito sa salitang "nanloloko" o "nang-aasar" sa kilalang Tagalog. Sa kabila ng lahat, hindi ito uri ng panloloko o pang-aasar na masama o hindi kaaya-aya.
SALITA 2: ERGU AT SALITA
Marahil ay bago lamang sa inyong pandinig ang salitang "ergu"? Lalo na kung kayo'y Tagalog ng Luzon o Maynila, talagang mapapaisip kayo kung ang salita bang ito'y nakapaloob pa rin sa Tagalog o ibang wika. Bilang isang taal na Tagalog ng Marinduque, madalas ko itong marinig sa amin, lalo na sa silangang bahagi ng aming lalawigan. Para sa kanila, ito ay nagsilbing normal nang salitang ginagamit sa pang-araw-araw na pag-uusap hanggang sa ito'y likas na sa kanilang mga dila.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng "ergu" at bakit ko ito inihahambing sa salitang "salita" sa sulating ito? Bakit hindi ito naririnig sa ibang Katagalugan bagkus sa lalawigan lamang ng Marinduque? Ano nga ba ang kahalagahan nito para sa kasalukuyang pagpapaunlad ng ating talasalitaan at wika? Paano ito nagkakaiba sa salitang "salita"? Nais kong sagutin ang lahat ng ito para sa inyong dagdag kaalaman kung kayo man ay curious at bago pa lamang sa inyong pandinig ang salitang ito.
Sa katunayan, binabanggit ko na ang ibig sabihin ng salitang "ergu" sa panimula pa lamang ngunit tila ba ito'y kinukubli ko muna.
Naari ayo, abigyan ta kayong halimbawa at baka mahuyhuna ninyo kung ano baga ang ibig gaunin niring ergu ay.
"Gabi na ay sigi pa rin kamong maergu, antana yang! Magsitulog na raw ay."
"Yanong igi maergu ni Kaloy ng Marindukihin ayo, ang sarap pakinggan sa tainga."
"Ano bagang ergu mo yaan? At-ano't hindi ko maintindihan?"
Alam niyo na ba ang ibig sabihin ng "ergu"? Nagkakaroon na ba kayo ng clue? Kung hindi pa rin ay ito na nga, ang pag-eerguhan natin ngayon ay kung ano ba ang ibig sabihin nito.
Ang "ergu" ay pagsasalita at pakikipag-usap na ating ginagawa sa pang-araw-araw na pamumuhay. Maaari rin itong iugnay sa lengguwahe o wika na dulot ng pagsasambit ng ating bibig ay nakalilikha tayo ng salita kung kaya't atin itong inaergu.
Inilapat ko rin ito sa sariling talasalitaan ng website na ito, kung nais niyong basahin ay bisitahin lamang ito: Marinduque Dictionary | Ergung Marindukihin
Nakatala rin dito ang iba pang mga salita na inyong maririnig sa aming lalawigang Marinduque.
Noon, akala ko'y iisa lamang ang "ergu" at "salita" dahil kung susuriin, tila nga ba wala silang pinagkaiba.
"Anong salita yang inaergu mo?"
"Ang salitang nakapangtala sa libro ay hango rin sa ating inapang-ergu."
Tunay ngang nakakalito ang pagkakaiba nila, hindi sapat ang Tagalog para maipaliwanag ang kanilang kahulugan. Gayunpaman, hindi ibig sabihan ay magkaibang-magkaiba sila, sadyang may kinaaangkupan lang gamit sa bawat pangungusap at ito'y makikita natin kapag aking isasalin ito sa Ingles.
ERGU (talk, conversation, language)
SALITA (word, term)
Ngayon ay mas lalo tayong naliwanagan sa pagkakaiba nila nang isalin ko na sila sa Ingles, palibhasa iisa lamang sa Tagalog ang "word" (abstract) at "talk" (action).
Sa katunayan, hindi ko rin alam ang pinagbuhatan at pinag-ugatan ng salitang "ergu" sa Katagalugan ng Marinduque. Dahil nga ang Marindukihin ay isang diyalekto ng wikang Tagalog, hindi imposible ang pagkakaroon ng kakaibang salita na bukod-tangi sa iba pang diyalekto ng Katagalugan. Sadyang naririnig ko na ito noong bata pa mula sa aking pamilya, kamag-anak, at kakilala.
Sa mga nakakaalam, maaari kayong magbigay ng komento sa post na ito kung ano nga ba ang etymology ng salitang "ergu"?
Sa kabilang banda, magiging malaking tulong ito sa pagpapayabong pa ng ating talasalitaan ng buong Katagalugan. Bukod sa dagdag, maaari nang maging mas ispesipiko ang "salita", dahil ito'y maaring salitang kilos at maaari din namang pangngalan, na kung saan pwede na nating ihiwalay ang salitang nais nating sabihin. Kung susumahin, ganito ang ating magiging huna sa usaping ito:
Marinduque Tagalog: ERGU, SALITA
1. ERGU
Ingles: to talk, to converse (verb)
Tagalog: magsalita, makipag-usap (pandiwa)
2. SALITA
Ingles: word, term (noun)
Tagalog: salita, kataga (pangngalan)
"Ang mga SALITA ay ina-ERGU at ang ERGU ay isang SALITA."
-Supoy na Amu
Ano ba ang Marinduque Tagalog? 😮
Ang "Marinduque Tagalog" o mas kilala sa aming probinsiya bilang "Marinduqueño", ay isang bariyasyon ng wikang Tagalog. Isa ito sa 4 na diyalektong mayroon ang Tagalog. Kung papaanong ang Batangas ay may sariling estilo ng pananagalog (iyon ay ang "Batangas Tagalog") na mas kilalang "Batangueño" , gayundin naman kaming mga Marinduqueño, may sarili ring punto at kaunting dagdag bilang gramatikong Tagalog. Ibang-iba lamang ito sa kung paano sinasalita ang Tagalog sa Kalakhang Maynila (kilala rin bilang "Manileño") ngunit nagkakaintindihan pa rin naman kapag sila'y bumisita sa aming lugar.
Isa akong tubong Marinduque dahil ang aking mga magulang ay parehas ding nagmula rito. Ako ay purong-puro magsalita ng "Marindukihin" (katawagan bilang pangkalahatang Tagalog) lalong lalo na kapag nasa sariling probinsya. Ang mga kilalang salita sa aming diyalekto na kadalasang ipinagmamalaki namin ay ang: "ngani, mandin, baya". Ngunit, mas malawak pa rito ang "Ergung Marindukihin" (katutubong katagha namin sa aming diyalekto o salitang baryasyon ng Tagalog) kung ito lamang ay masusing sasaliksikin at susuriin pa. Hindi lamang ito tumutukoy sa mga salitang kakaiba, maging ang dagdag na gramatika, pagpapakahulugan ng salita, paggamit at porma, ay alin lamang sa nakapaloob pa rito. Sa katunayan, may sarili rin kaming estilo ng pagbabanghay sa pandiwa maging sa pangngalan, pang-uri, at pang-abay na kung saan ang mga ito'y hindi matatagpuan sa "Pamantayang Tagalog" (kilala rin bilang "Filipino" na hinago sa baryasyong Tagalog na "Manileño") na tinuturo sa atin sa paaralan. Ang mga ito'y tatalakayin ko sa mga susunod na aking blog paisa-isa upang sa gayon ay lubos ninyong maintindihan, maunawaan, malaman, at makilala ang kultura at natatanging katangian ng aming probinsiya, hindi lamang sa larangan ng turismo, kundi maging sa sariling pagkakakilanlan at natatagong hiyas ng Katagalugan.
Saan ba matatagpuan ang Marinduque? ⛵
Ang Marinduque ay matatagpuan sa gitna ng look ng Tayabas, silangan ng pulo ng Mindoro, hilaga ng kapuluan ng Romblon, kanluran ng tangway ng Bondoc sa lalawigan ng Quezon, at bahaging timog ng lungsod ng Lucena sa lalawigan din ng Quezon. Isa itong maliit na isla, gaya ng isla ng Polillo at Catanduanes na pawang relatibo ang bahagdan ng sukat nito. Gayunpaman, ang aming pulo ay hitik sa magagandang lugar-pasyalan, kultura, tradisyon, at maging sa mga likas na yaman. Payak at hayahay pa rin ang aming pamumuhay dahilan sa maliit na impluwensiya ng mga "taga-Kabila" (kadalasang katawagan namin para sa mga nasa mainland o "taga-Luzon") sa kabila ng trabaho buong araw at paghahanapbuhay. Ang lalawigang isla namin ay mayroong 6 bayan, binubuo ito ng: Boac, Mogpog, Sta. Cruz, Torrijos, Buenavista, at Gasan. Ayon sa aking obserbasyon bilang mamamayan nito, at ayon na rin sa pananaliksik ni Ginang Rosa Soberano, tubong Australia, ang Marinduque Tagalog ay nahahati pa sa dalawang magkaibang salitain, ito ay ang Silangang Marindukihin at Kanlurang Marindukihin, pawang magkaiba sa estilo ng punto, porma, at bokabularyo. Mararating ang Marinduque sa pamamagitan ng "RORO" sa pantalan ng Lucena o 'di kaya naman biyaheng himpapawid na halos 3 beses sa isang linggo bumibiyahe.
Paano ba kami mag-Tagalog dito? 🔤
Ang punto o tunog ng pananalita ng Tagalog namin dito ay iba sa kung papaano mag-Tagalog ang mga taga-Maynila. Narito ang mga halimbawa:
"Kayo baga'y kailan mauwi dini sa Marinduque?"
"Ailang bayan laang baga mayroon kita?"
"Tingna pa yuong bilot ay, anong taba."
"Ay utoy, ulaha na roon yu'ng baka ay. Hapon na baya!"
"Hamos kamo dini sa aming probinsiya, ang Marinduque!" (Silangang Marindukihin)
Ilan lamang ang mga ito sa halimbawa kung paano kami magsalita. Mas nakakatuwang pakinggan ang mga Silangang Marindukihin sapagkat buhay na buhay at aktibong-aktibo ang kanilang punto, bukod tangi at mistulang nilapatan ng pattern ang tunog. Ako naman ay kabilang sa mga tubong Kanlurang Marinduque kung kaya't pantay at simple lamang ang tono ng aking boses, marahan lamang ang pagkakasalita.
Kami ba ay Bisaya o ibang lahi? 👥
Halos lahat ay Tagalog ang mga Marinduqueño, may mangilan-ilan ding etniko ng Asi (Wikang Bisaya na tubo sa lalawigan ng Romblon) sa parteng timog ng Marinduque, sa bayan ng Buenavista sapagkat halos tatlong oras ng pagbangka lamang ito sa isla ng Banton, Romblon. Makikita rin na ang ibang salita at pagbabanghay ng mga pandiwa sa amin ay may pagkakahalintulad sa kanila kung kaya't marahil nabuo ang aming diyalekto.
=======================================================================
Noon kundi may isang pugaran ng maya sa isang garahihan. Nang ang kanilang mga magulang ay nagsilampayog para magsunsun ng apampakain sa kanilang pispis, napang-iwan silang wala man lang kasama.
Hindi man nagtagal, umuli ang tatayin.
"Anong nangyari dini? Sinong nagpangbangay sa inyo? At kayo'y anung tatakot?"
"Tatay, may nagparini bayang halimaw kaykanina lamang. Yun baya namang mukha niya'y anang tapang bago nakakapagulat. Nagpanglisik pa ngani ng malalaki niyang mata. Kundi kaya kami'y gulping takot baya!"
"Bagay naman?" naganun ang tatayin, "Saan pala nagpar'on?"
“Anduon ay, nagpar'on"
"Hintaya ako dini," gumanun ang tatayin, "Asunsunin ko pa ah. Huwag na mag-alala mga anak! Ako'ng bahala." Hindi man naglao'y lumampayog siyang muli para sunsunin ang halimaw.
Nang makadako sa bungad, nasagintawan niya ang leong nadaan.
Kaso ang ibong maya kundi di man talaw. Humapon pa ngani siya sa balugbugan ng leon bago binusaan. "At ika'y nagpar'on sa aming inagapugaran at pinangtakot mo pa ang aking mga anak?"
Hindi man siya inimikan ng leon at nagpatuloy lamang sa paglakad.
Ang tataying ibon kundi nagpakagalit at nagpakabusa. "Wala man ikaw karapatan pumay-par'on. Inagaon ko baya sa'yo, huwag ka nang mapay'par'on aso bali na. Hindi ko iri agaw-in sana," habang inaangat ang isa niyang paa, "apangbaliin ko yang buto mo, namakaisang segundo pagka ika'y pumay'par'on ulit!"
Pa'kayari kundi umuli ang tatayin sa kanilang pugaran.
"Tinuruan ko manding leksyon, mga anak ko. Hindi man na yu'n gaata-ata pang pumarito at apangbangayin uli kayo."
- Wakas -
=======================================================================
Kundi - ay, e 'di ; therefore, hence, thus, so
Uli - balik
Bangay - gulo
At - baki't
Parini - parito
Anang - (sobrang...)
Gulpi - grabe, (napaka-...)
Bagay - (pang-abay na pananong na sumasagot sa tanong na "oo" o "hindi" lamang)
Ganun - sabi ; ganoon
Sagintaw - tanaw, kita, tingnan
Talaw - duwag
Busa - sermon, pagalit
Aso - (interjection na katumbas ng "nako")
Bali - (parang gusto kong...)
Iri / Idi - ito
Ata-ata - subukan, magbabalak, (mangangahas na gawin)
=======================================================================
Noo'y may pugaran ng maya sa isang garahihan. Nuong nakalampayog na ang magulang ng mga pispis para magsunson ng agapakain, naiwan sila dining makawalang kasama.
Indi kalauna'y umuwi nang muli ang amahin.
"Anta namang nangyari dini? Sino nagpangtakot sa inyo; at-anu't kamo'y napapanlaw?"
"Ama, may pumarito bayang halimaw kikanina lamang. Yu'ng mukha baya naman niya'y yanung tapang bago nakakagitla. Nagpangnisik pa ngani. Kaya baya naman makatakot kami ayo!"
"Baga?" nagaon ang amahin, "Saan nagpar'on?"
“Nayon ay! Nagpar'on ayo."
“Paghintay kamu dini", gaon ng amahin, "Asundan ko siya. Huwag kamo mag-alala mga anak! Ako'ng bahala." Hindi man naglao'y lumampayog siya muli't sinundan ang halimaw.
Nang makapar'on na sa bungad, nahiling niya ang isang leong napadaan.
Kaso ka'y ang amahi'y di napanlaw. Humapon pa ngani sa balugbugan ng leon at nagsimulang magmustra sa kanya. "At-ano't pumar'on-par'on ka sa aming inagapugaran at siyang pinangtakot mo pa ang aking mga anak?"
Hindi man na siya kinibuan pa ng leon at nagpatuloy lamang na lumakad.
Makagalit pa rin ang amahi't sige pang maergu. "Wala kang karapatan pumar'on. Inagaon ta sa'yo, huwag ka nang gadaho-dahong bumalik o kung ayaw mong may mangyari sa'yong maiba. Hindi ko ari inabalak," habang inaangat niya ang kanyang paa, "ay siya kang apangbaliin ko yang buto mo sa amakaisang segundo, purbahi pang umuli do'n!"
Pakayari'y bumalik muli ang amahin sa kanilang pugaran.
"Naari na ayo mga anak ko, tinuruan ko manding leksyon. Hindi na mabaybalik pa yun dini para kamu'y gambalaain pa."
- Wakas -
=======================================================================
Lampayog - (lipad ng ibon)
Pispis - inakay, (anak ng mga hayop)
Sunson - hanap, hagilap
Dini - dito
Indi - hindi
Anta - (pagalit na "ano")
At-anu't - baki't
Kamo - kayo
Panlaw - matatakutin
Baya - (enclitic particle na nagbibigay babala)
Yano - sobra, grabe, labis
Ayo - (interjection na nagsasabing "tingnan mo")
Baga [Konteksto sa Sipi] - (ganoon ba?)
Gaon - sabi ; ganoon
Nayon - naroon, nandoon
Hiling - kita, paningin
Hapon - dapo, landing
Ngani - nga
Balugbog - (likurang bahagi ng katawan)
Mustra - sermon ; magturo
Ergo - salita, wika
Daho-daho - (mangangahas na sumubok)
Ari - ito
Purba - subok, to try
Yari - tapos
Naari - narito, nandito
Mandin - (enclitic particle na pagsang-ayon sa sariling sinasabi)
"Antana naman yang tindera na yan, kulang laging masukli sa'kin ay!"
"Par'una raw muna si Aling Bebang ay at singila muna sa utang, antana yang!"
"Antana naman aring mga lamok na ari ay, pangkagat nang pangkagat aeh!"
Ang pariralang "antana yang!" ay nagsasaad lagi ng pagkadismaya, pagkagalit, at pagkainis sa tao, bagay, o pangyayari na siyang pinagtutuunan ng pansin. Nagaon ang aking lulahin nuon na iri raw ay pinaigsing "ano ta naman ya'an!" na ang katumbas sa pangkaraniwang Tagalog ay "ano ba naman iyan!".
Ginagamit lang ang pariralang ito sa pagkakataong ang isang tao ay naiinis o nagagalit bilang katumbas ng nararamdamang emosyon patungo sa isang salita. Hindi sa lahat ng oras ay masama o mabuti ang konotasyong ito, sadyang nagpapakita lamang ito na tayong mga tao ay may likas na damdaming minsan ay inilalabas lang natin sa pamamagitan ng salita.
"Si Nico baya'y makawalang tuos sa kanyang inagagagaon."
"Antana iring batang iri! Wala mang tuos sa pagpatakbo ng motor ay!"
"Ang taong inagaong walang tuos ay kundi hindi man muna inaisip ang asabihin, basta may maigaon na lamang kundi siya na niya iring abukambibig."
Ang pariralang "walang tuos" ay tumutukoy sa mga taong walang ingat sa mga sinasabi o ginagawa. Narinig ko lang ito sa aking ama na kung saan binanggit niya ang isang taong hindi marunong magsalita nang naaayon sa oras at kaayusan. Hindi lang ito tumutukoy sa pagsasalita kundi maging sa kung paano tayo kumilos o gumalaw.
Hindi maganda ang konotasyong ito lalo na kung ipangangaral ito sa isang tao. Mabuting magbago ka na kung ika'y nasabihan man nito. Ang pinakamalapit na katumbas nito sa kilalang Tagalog ay "padalos-dalos" o "hindi maingat". Kung sa Ingles naman ito'y may katumbas na: reckless, careless, not mindful, not cautious, heedless.