Letra at numero: Mga bagay na naglalaro sa isipan ni Ivan
✒️Barbie Forteza| Nobyembre 22, 2024
Letra at numero: Mga bagay na naglalaro sa isipan ni Ivan
✒️Barbie Forteza| Nobyembre 22, 2024
Puno ng mga hindi inaasahang pangyayari ang mundo at palagi tayo nitong gugulatin sa mga hindi natin inaasahang pagkakataon. Mayroong mga bagay na agaran na lang nangyayari sa pagitan lamang ng ilang pagkurap ng mata. Mga pangyayari na magdudulot ng malawakang pagbabago sa kung paano natin pipiliing mabuhay sa kasalukuyan at maging sa hinaharap.
Lahat ng nabubuhay sa mundo ay may pagkakaiba-iba, walang pagkakatulad at hindi maaaring ihambing sa iba. Sa bawat taong nakakasalamuha natin, nakamamanghang isipin na binubuo sila ng pagkakaiba. May mga opinion at pananaw tayo na nakakubli lamang sa kailaliman ng ating isipan at ibinabaon sa kalaliman ng karagatan dahil sa akala natin na hindi ito mauunawaan ng iba.
Sabi ng iba, sa paaralan unti-unting nabubuo ang mga pangarap na mula sa ating pagkabata. Ito ang nagsisilbing tulay na magdadala sa atin sa tagumpay. Ito ang nagsisilbing mga tala at buwan na nagbibigay ng tanglaw sa kadiliman ng ating paglalakbay.
Sa loob ng isang silid na napupuno ng mga ingay, naagaw ni Ivan Calizar na tahimik lang ding nagmamasid ang aking pansin. Siya ang pinakamatalino sa aming klase at madalas namin siyang ihambing kay Albert Einstein dahil sa unti-uting pagkalat ng puting kulay sa hibla ng kaniyang mga buhok sa kabila ng kaniyang murang edad dulot ng pagbababad niya sa kaniyang pag-aaral na nagdudulot ng stress.
Lumitaw sa aking isipan ang ilang kakatuwang alaala na naganap sa loob ng aming silid-aralan. Ang pakikipagtalastasan niya sa iba pa naming kaklase ay nagbigay ng hindi maipaliwanag na tensyon sa loob ng silid na puno ng mga alaala ng mga indibidwal na noon ay hindi magkakakilala.
Si Ivan na laging tahimik at hindi nagsasalita ay biglaang nagpapalit ng pagkatao, kakatuwang tila siya ay nagliliyab sa tuwing siya ay nakikipagsagutan at inilalaban ang kaniyang sagot. Kusang natatanggal ang kaniyang maskara at walang nakakaalam kung ano ang mga bagay na naglalaro sa kaniyang isipan.
Sa likod ng kaniyang katahimikan ay ang isipan niyang napupuno ng mga letra, numero at iba’t ibang kaalaman na nagsusumigaw at nagpupumilit na marinig at mabigyang pansin. Malayo na ang kaniyang narating ngunit malayo pa rin ang kaniyang lalakbayin. Sa paglipas ng panahon, patuloy pang madaragdagan ang kaniyang kaalaman na magagamit niya sa mahaba pa niyang paglalakbay tungo sa kaniyang mga pangarap.
REKOMENDASYON:
Tanglaw sa kadiliman: pag-asang hatid ng mga guro
✒️Barbie Forteza| Nobyembre 22, 2024