Tumalima sa tawag ng katarungan. Ipagtanggol yaring karapatan.
Pebrero 25, 1986 nang matagumpay na mapatalsik sa panunungkulan ang diktador na si Ferdinand E. Marcos. Matapos ang 14 taong pagsasailalim ng bansa sa batas militar, nawaksi ito ng kolektibong pag-aaklas na naganap hindi lamang sa Kamaynilaan ngunit pati na rin sa iba’t ibang mga bayan at lalawigan.
Makalipas ang tatlumpu’t walong taon, siya namang nakaupo sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan ang anak ng diktador na si Bongbong Marcos. At sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, ilang kaganapan ang sumalamin sa pangyayari ng nakaraan.
Matatandaan na patuloy pa ring pinagkakaitan ng katarungan ang mga biktima ng “giyera kontra droga” na kampanya ng dating pangulong Duterte. Bunsod ng kultura ng karahasan, maraming alagad din ng midya ang pinaslang sa kanilang pagbabalita ng katotohanan. Ilang mga aktibista ang patuloy na ginigipit sa pamamagitan ng pwersahang pagkakakulong at pagpapataw ng samu’t saring kaso.
Ayon sa ulat ng Karapatan Laguna, nagkalat ang police checkpoints sa lahat ng bayan sa probinsya para sa komemorasyon ng EDSA. At ngayong araw, iniulat na daan-daang mga delegado ang hinarang ng kapulisan sa isang checkpoint malapit sa munisipyo ng Los Baños. Nariyan din ang malakas na pagpapatugtog ng kanilang puwersa habang dumadaloy ang programa ng mga hinarang na delegado. Dagdag pa rito ang karahasang dinanas ng mga kabataang delegado mula sa mga di-unipormadong indibidwal.
Pagsasaad ng BAYAN Southern Tagalog, kabilang ang mga ito sa listahan ng mga atraso ng kapulisan sa anibersaryo ng Rebolusyong EDSA. Sa balatkayo ng “public safety” nagkukubli ang intensyong hadlangan ang mga panawagan laban sa pag-amyenda sa konstitusyon na siyang tema ng EDSA anniversary mobilization.
Sa ating pag-alala sa ika-tatlumpu’t walong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, kasabay ang pag-alaala sa kalapastangangan ng diktaduryang rehimen at pagtuligsa sa kasalukuyang mapagpahirap na administrasyon.
Kaisa ang UPLB DevComSoc sa pagkilala at pag-alaala sa anibersaryo ng Rebolusyong EDSA. Kahit pa inalis ang EDSA People Power Revolution sa mga holidays ngayong taon, pag-alabin ang diwa at aral na ibinunga ng tagpong ito sa bawat Pilipino. Tutulan ang ChaCha! Ikundena ang panggigipit sa demokrasya!
Other stories
Feature: Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
Opinion: Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!