Ni: Maria Izza Christina Arce
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
Ayon sa isang kandidata, ang pagiging babae daw ay regalo ng Panginoon. Na ang isang supling ay isinilang sa mundo ng mga nanay, na isang babae. Na ang tunay na kakanyahan ng isang kababaihan ay ipakita sa kalalakihan kung ano ang pagbabahagi, pag-aalaga, at pagmamahal.
Kung hihimayin ang sagot na ito, makikitang nakaugat sa pagiging babae ang pagiging ina at mga katangian na tungkol sa pangangalaga. Hindi malayo sa realidad kung paano tingnan ng mundo ang kababaihan dahil totoo namang pagdating sa biyolohikal na aspeto ay babaeng may gumaganang matres ang may kakayahang magdala at magsilang ng supling.
Ngunit ano nga ba ang tunay na kakanyahan ng isang kababaihan? Saan nga ba siya dapat matagpuan? Ano nga ba ang gampanin niya sa lipunan?
Hindi mali ang naging sagot ng kandidata dahil ito ang kaniyang palagay. Ngunit kung ako siguro ang tatanungin, ang tunay na kakanyahan ng isang kababaihan ay ang pagiging malaya. Dapat siyang maging malaya.
Malayang pumili ng karerang kanyang tatahakin, na hindi maging hadlang ang kanyang kasarian upang maipamalas niya ang kanyang kakayahan at kagalingan. Kahit na anong trabaho, karera, propesyon o gawain ang kaniyang piliin ay kailanman ay hindi dapat siya kwestyunin at husgahan.
Malayang magdesisyon sa kanyang pangangatawan at kalendaryo ng kaniyang buhay. Hindi kailanman dapat na siya ay diktahan ng sino man sa mga desisyong siya ang nakaramdam at nakakaalam.
Malayang ipahayag ang kaniyang nasa isip at damdamin nang hindi isinasawalang bahala ang kanilang opinyon at saloobin. Mahalagang maipakita na ang boses ng kababaihan ay hindi kailanman mas kaunti ang halaga kaysa sa iba.
Malaya mula sa karahasan, diskriminasyon, opresyon at pang-aabuso. Hindi kailanman dapat maramdaman ng kababaihan na ang mundong kanyang ginagalawan ay mapanganib at malupit. Hindi dapat siya mangamba sa kung ano ang sasabihin ng iba, lalo na sa kung paano niya ihayag ang sarili. Hindi dapat ibang tao ang magdedepina kung ano o sino siya. Hindi dapat kailanman maging malupit ang lipunan sa kababaihan, o sa kahit sino man, nang dahil lamang sa kaniyang suot, pinagmulan o identidad.
Ang tunay na kakanyahan ng isang kababaihan ay ang pagiging malaya ngunit hindi ganoong kadali upang ito ay makamtan. Kahit na nakatatamasa ng karapatan at pribilehiyo ang kababaihan, kung patuloy ang hindi pantay na pagtingin sa lipunan ay hindi magiging patas ang mundo para sa isang babae.
Ang laban ng kababaihan ay hindi natatapos. Hangga’t may biktima ng kalupitan at karahasan, hindi kailanman makakamtan ng kababaihan ang tunay na kalayaan.
Hindi pantay ang trato ng mundo sa bawat tao, lalong hindi ito madali kung babae ka sa lipunang ito. Ang laban ng kababaihan ay hindi natatapos. Hangga’t may biktima ng kalupitan at karahasan, hindi kailanman makakamtan ng kababaihan ang tunay na kalayaan.
Malayong tahakin pa upang makamtan ang tunay na kalayaan para sa kababaihan, ngunit walang mangyayari kung hindi tayo lalaban. Hindi natin kaaway ang mundo, ngunit kailangan natin ng boses at tindig kung gusto nating magkaroon ng mas mahalagang puwang dito. Para sa ikabubuti, hindi lamang ng isang tao ngunit para sa kapakanan ng higit na apat na bilyong kababaihan sa mundo.
Other stories
EDSA UNO: Mga Tao sa likod ng Rebolusyon
Sa pagtindig ng bawat isa sa pakikibaka, ay may ilan ang nagsisilbing ilaw sa gitna ng dilim upang maging sandigan tungo sa demokrasya at buksan ang panibagong pintuan para sa mga Pilipino sa panahon ng rehemeng Marcos...
Remembering Chad Booc - a teacher, an activist, a Filipino
Three years after his passing we remember Chad Booc–not just as a dedicated activist, a passionate teacher, and a selfless kababayan...