Ni: Joleana Mae M. Villaflores
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!
Ang Araw ng Manggagawa ay ang taunang paggunita at pagkilala sa kontribusyon ng manggagawang Pilipino sa bansa. Layunin din ng selebrasyon na ito ang pagkilala sa mga karapatan ng masang anakpawis at mga polisiyang naglalayon na pagbutihin ang kalagayan ng mga manggagawa. Minarkahan ang araw na ito noong 1903 nang nagmartya ang libo-libong manggagawa sa lansangan ng Maynila. Isang panawagan sa pagkakaroon ng sapat na sweldo at mas maayos na kalagayan ng pagtrabaho.
Subalit, ang karangalan at pagkilalang ito ay tunay na nga bang naipapakita?
Sa mismong pagsalubong sa araw na ito, nasa 70 guwardiya sa UPLB ang nawalan ng trabaho dahil sa natapos na kontrata ng Aaron Eagle Agency. Ang araw na pagkilala sa kanilang mga karapatan ay naging simula ng kawalan nila ng hanap-buhay. Bunsod nito, hindi maipagkakaila na danas pa rin ng mga manggagawang Pilipino ang mga pasakit na dala ng mababang sahod, kakulangan sa benepisyo, hindi maayos na kalagayan ng mga manggagawa, hindi makataong pagtanggal sa trabaho, at lalong lalo na ang kontraktwalisasyon.
Nagkaroon ng Management Committee Meeting ang UPLB Security and Safety Office (SSO) noong ika-30 ng Abril tungkol sa nasabing pagbabago ng mga itinalagang guwardiya. Naiulat na ang mga guwardiya ay mula sa Aaron Eagle Agency na mapapalitan ng mga trabahador mula sa VSM Security Agency. Isinaad ng SSO na matagal nang natapos ang kontrata ng ahensya at kanilang hiniling sa VSM Security Agency na mabigyan din ng trabaho sa unibersidad o sa labas nito ang mga guwardiyang nawalan ng kabuhayan.
Ang bumungad na realidad ngayong araw ay repleksyon sa huwad na pagkakapantay-pantay sa pribilehiyo, at ang tuloy na panggigipit na dala ng kontraktwalisasyon. Marapat na maibigay hindi lamang sa mga guwardiya ng unibersidad, pati na rin sa masang manggagawa ang regulasyon, seguridad at pangmatagalang trabaho, nakakabuhay na sahod, at kasiguraduhan na matamasa ang kanilang mga karapatan.
Other stories
She wore usual clothes and so subtle makeup, had her hair often messy, and stretched her back like she owned the day ...
Trans women are women. Hindi ito diskurso.
Kulay lila ang namamayagpag tuwing buwan ng Marso. Ito ay dahil sa taunang selebrasyon ng buwan ng kababaihan na ginugunita ang gender equality at women empowerment...