Ngayong Mayo Uno, itampok ang mga manggagawang Pilipino!
Ayon sa National Historical Commission, ang unang naitalang Labor Day sa bansa ay naganap noong Mayo 1, 1913.
Kinikilala ngayong araw ang malaking kontribusyon ng mga manggagawa sa ekonomiya ng bansa. Ngunit sa kabilang banda, tila ba hindi parehong nakikilala ang hinaing ng uring manggagawa.
Ito ay dahil sa patuloy na banta ng presyo ng mga bilihin, nananatiling maliit ang pasahod sa mga manggagawa. Ayon sa ulat ng GMA Integrated News nitong umaga, isinaad ni Primo Amparo, Workers for People's Liberation (WPL) secretary, sa isang panayam na hiling nila ang lehisladong pagtaas ng sahod. Partikular nilang hinihingi ang sapat na living wages.
“Kailangan talaga magkaroon na ng dagdag ngayon kasi matindi na talaga ang epekto ng krisis sa buhay ng manggagawa,” pagsasaad ni Amparo.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva sa isang hiwalay na ulat, liban sa dagdag na sahod, marapat lamang din ang pagpapatibay sa proteksyon at kalinangan ng mga manggagawa.
“Batid po natin ang kalagayan at kapakanan ng ating manggagawa lalo na po sa panahong ito. Panawagan po natin sa ating mga employer na tignan ang iba’t ibang alternatibong working arrangement kagaya ng [work from home] para maibsan ang kalbaryo ng mga manggagawa na nagtitiis pumasok sa gitna ng matinding init at traffic” dagdag ni Villanueva.
Sa kasawiampalad, nananatiling tugon ng pamahalaan sa mga umiindang manggagawa ay ang Cha-cha, na ayon sa IBON foundation ay hindi naman tahasang makatutulong sa bansa at paiigtingin lamang ang kondisyon ng mga Pilipinong nahaharap sa krisis sa trabaho. Sa kabilang dako, ang tugon naman para sa mga jeepney operators ay ang Public Utility Vehicle Modernization Program, isang programang mabuti ang hangarin pero sa kasalukuyan, dahil sa kawalan ng maayos na implementasyon at suporta, ay siyang nakaambang na sasagasa sa kabuhayan ng mga tsuper at sa anong liit na kitang mayroon sila. Apektado rito maging ang mga komyuter na epektibong mawawalan ng murang anyo ng transportasyon.
Kaya naman, hangga't nanatiling maliit ang rason ng mga manggagawa na ipagdaos ang unang araw ng Mayo, patuloy ang pakikiisa ng UPLB Development Communicators' Society sa panawagang patuloy na isulong ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa tamang pasahod at ligtas at makataong mga kondisyon sa trabaho.
Muli, isang pagpupugay para sa mga manggagawang Pilipino!
Other stories
Feature: Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
Opinion: Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!