Limampu’t dalawang taon man ang nakalipas, nanatili pa ring nakaukit sa kasaysayan ng bansa ang kalapastanganan ng rehimeng Marcos nang kaniyang ideklara ang pagsasapatupad ng batas militar sa bansa.
Ang naging aksyong ito sa ilalim ng noo’y pamahalaang Marcos ay nagresulta sa pagiging biktima ng libu-libong Filipino kung saan ayon sa Task Force Detainee of the Philippines, umabot sa 5,531 ang bilang ng kaso ng tortyur, 2,537 summary executions, 783 na bilang ng pagkawala at 92,607 na kaso ng paglabag sa pampublikong kaayusan at pag-aresto mula Setyembre 1972 hanggang Pebrero 1986 (Melencio, 2019).
Bukod sa bilang ng indibidwal na nakaranas ng karahasan at pang-aabuso sa panahong ito, maging ang ekonomiya ng bayan ay isa sa lubhang naapektuhan sa ilalim ng pamamahala ni Marcos Sr. noong batas militar. Mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin at pagtaas ng bilang ng mahihirap sa bansa ang ilan sa mga pangyayaring pang-ekonomiya sa kasagsagan ng rehimeng Marcos. Nang bumaba sa posisyon si Marcos at mawakasan ang Martial, iniwanan niya ang bansa ng 26.28 bilyong dolyar na utang mula sa iba’t ibang bansa.
Hindi rin nakatakas ang medya sa pang-iipit at panggigiit ng rehimeng Marcos sapagkat sa panahon ng Batas Militar ay sapilitang ipinasara ang ilang mga estasyon ng radyo at telebisyon, maging ilang mga pangunahing dyaryo sa bansa. Sa panahong ito, tanging ang mga estasyon ng medya na pagmamay-ari ng Marcos cronies ang pinahintulutang magpatuloy ng operasyon. Dagdag pa rito, maraming mamamahayag at manunulat ang naging biktima ng sapilitang pagdakip, pang-aabuso at karahasan sa panahon ng Batas Militar.
Taon man ang nakalipas, ang naging perwisyong dulot ng pangyayaring ito ay hindi na mabubura sa kasaysayan ng bansa. Magpahanggang ngayon, maraming biktima pa rin ang hindi nakamtan ang katarungan. Ang pagkakaluklok muli ng isang Marcos sa pinakamataas na posisyon sa bansa ay isang tahasang panglalapastangan sa katarungan at pananagutang ipinagkait ng mga Marcos sa mga Pilipino. Ang bahaging ito ng kasaysayan ay hindi dapat mapagsawalang bahala at hindi dapat makalimutan.
NEVER AGAIN, NEVER FORGET
Other stories
Feature: Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
Opinion: Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!