Ni: Mishael B. Defeo
Sa tuwing sasapit ang buwan ng Hunyo, ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan. Kalat na naman ang kulay pula, dilaw, at bughaw sa iba’t ibang materyales na makikitang nakasabit sa maraming gusali. Sa kabilang banda, may mga matitingkad ding kulay ang bumubuhay sa lansangan, isang uri rin sana ng paglaya ngunit ilang dekada nang ipinaglalaban sa kalsada — ang Pride Month.
Sa Kawit, Cavite, noong ika-12 ng Hunyo, 1898, iwinagayway natin ang watawat bilang simbolo ng ating paglaya sa pananakop ng Estados Unidos. Ngunit kung tunay ngang nakalaya na ang Pilipinas mula sa banyaga, bakit hindi pa rin tayo makalaya sa heteronormatibong ideya at problematikong konsepto ng gender at sexuality na itinanim ng Kanluranin noong panahon ng pananakop? Tunay nga ba tayong malaya?
Ginugunita naman ang Pride Month tuwing Hunyo bilang pag-alala sa Stonewall Riots na naganap noong 1969 sa New York. Isa itong serye ng mga protesta na pinangunahan ng mga queer, transwomen of color, at iba pang miyembro ng LGBTQIA+ community bilang pagtutol sa sistematikong pang-aapi sa komunidad. Mula noon, sumasabog ang mga kulay tuwing buwan ng Hunyo bilang simbolo ng paglaban sa pantay na karapatan, pakikibaka para sa mas malayang lipunan, at selebrasyon para sa mga hakbang pasulong ng komunidad.
Sa konteksto ng Pilipinas, bago pa man ang Stonewall Riots, maging ang pananakop ng mga dayuhan, yakap-yakap na ng ating mga ninuno ang konsepto ng fluidity at inclusivity kung saan higit sa kanilang kasarian at sekswalidad ang kanilang papel sa lipunan. Patunay rito ang mga iginagalang na mga Babaylan, Balyan, Katalonan, at Asog—mga espiritwal na pinuno, at manggagamot na hindi nakakulong ang mga gawi sa heteronormatibong ideya na mayroon tayo ngayon. Ang kanilang kakayahan na gampanan ang papel ng parehong lalaki at babae ay itinuturing na sagrado at makapangyarihan.
At sa pagdating ng mga mananakop partikular na ang Espanya, kinondena nito ang pagiging malaya ng ating mga ninuno at niyurakan ang makulay nating kultura na naging dahilan ng pagkakakulong ng ating bansa sa relihiyon, kultura, at kaisipan na itinanim ng mga Kanluranin.
Tiyak na nakalaya ang Pilipinas sa direktang pananakop ng mga banyaga, ngunit kung susuriin, nakakulong pa rin ang bansa sa kolonisadong ideya ng mga dayuhan dahilan sa hindi pag-usad at hindi progresibong takbo ng lipunan.
Sa kasalukuyang danas ng LGBTQIA+ community, tunay bang mayroon tayong laya? Hanggang sa ngayon, nakabinbin pa rin ang SOGIESC Bill sa senado, batas na naglalayong bigyan-proteksyon ang mga miyembro ng LGBTQIA+ sa pertinenteng diskriminasyon at karahasan base sa kasarian. Tutugon ang batas na ito sa tunay na danas ng mga nasa komunidad at panawagan para sa pantay na karapatan.
Sa kabila ng naggagandahang kasuotan, nagtitingkarang mga kulay ng mga telang iwinawagayway, at masikhay na pagsigaw at palakpakan, ang pagmulat sa kamalayan ng mga tao na higit sa selebrasyon, musika, at pista ang Pride Month. Ang Pride ay isang malaking plataporma para sa reklamasyon ng layang kinamkam at niyurakan ng mga dayuhan. Plataporma ang Pride sa pagpapa-ingay ng mga panawagan para sa pantay na karapatan, at tunay na inklusibo at malayang lipunan. Daan din ang Pride upang hindi manatiling alaala at nakaukit sa mga pahina ng ating kasaysayan ang mga naging laban ng sangkabaklaan.
Mahaba pa ang lakbayin ng ating pakikibaka ng para sa hangad nating laya. Kasabay ng pagwagayway natin ng watawat ngayong Araw ng Kalayaan ay siya ring paglalim ng ideya sa tunay na esensya ng pagiging malaya —hindi lamang malaya sa mga dayuhan kundi malaya rin sa karahasan, diskriminasyon, pang-aabuso, at pang-aapi.
Sa maraming gimik at pakulo na mayroon ang Pride Month, huwag sanang lumabnaw ang protesta at panawagan na unang naging adhikain ng Pride. At sa lumalabnaw at bumababaw na panawagan, hindi sana matapos sa buwan ng Hunyo ang paglaban dahil hindi sasapat ang bawat Hunyo sa bubuuin nating pagbabago.
Other stories
World Press Freedom Day, Hight sa Selebrasyon
Ngayong ika-3 Mayo, ipinagdiriwang natin ang World Press Freedom Day kung saan binibigyang halaga ng araw na ito ang malayang pamamahayag...
Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!