Ni: Mishael B. Defeo
Ngayong ika-3 Mayo, ipinagdiriwang natin ang World Press Freedom Day kung saan binibigyang halaga ng araw na ito ang malayang pamamahayag. Sentro sa araw na ito ang pagpapatibay sa prinsipyo ng press freedom, pagsusuri sa danas ng mga mamamahayag, at paalala sa estado sa kanilang tungkuling itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag. Ngunit malayo ang mga ito sa danas ng ating mga mamamahayag kung saan kaliwa’t kanan ang kaso ng pagpatay at pangha-harass sa kanila.
Ilang araw bago ipagdiwang ang World Press Freedom Day, umugong ang balitang pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Juan “Johnny” Dayang nitong ika-29 ng Abril.
Kilala si Dayang bilang isang batikang peryodista sa mundo ng pamamahayag at chairman emeritus ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI). Nakilala siya sa kanyang mga naisulat na kolum at pagsisiwalat sa panggigipit at pangha-harass ng estado. Sa kabila ng kanyang edad at pagreretiro, nanatili siyang aktibo sa pagsusulong ng malayang pamamahayag. Ngunit marahas siyang pinatahimik matapos na barilin sa sarili nitong tahanan sa Kalibo, Aklan.
Isa lamang si Johnny sa daan-daang mamamahayag na pinatay dahil lamang sa pagtugon nito sa tungkulin bilang isang “media practitioner”. Sa ulat ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), mahigit 200 na ang naitalang kaso ng mga pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa mula 1986 at marami sa mga kasong ito ang nananatiling walang hustisya.
Bukod pa rito, kali-kaliwang red-tagging din ang nararanasan ng mga Pilipinong mamamahayag. Ayon sa datos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), 32 ang naitalang kaso ng red-tagging laban sa mga Pilipinong mamamahayag at 23 sa mga kasong ito ang nauwi sa pagpatay mula 2016 hanggang 2022. Mula rito, sa ulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ), kabilang ang Pilipinas sa itinuturing na “most dangerous country” para sa mga mamamahayag sa buong mundo.
Sa ganitong hulma ng pamamahayag sa Pilipinas, at bilang isang development communication student kung saan binibigyang-diin ang pagiging kritikal sa mga isyung panlipunan, ano nga ba ang naghihintay sa atin sa hinaharap kung ngayon pa lamang ay litaw na litaw ang pagyurak sa kalayaan sa pamamahayag? Paano natin paninindigan ang pagiging mamamahayag kung patuloy ang pangha-harass at pagpapatahimik sa boses ng mga katulad natin?
Ngayong World Press Freedom Day, hindi na lamang ito simpleng paggunita at selebrasyon; bagkus isa itong panawagan. Panawagan para sa tunay at malayang pamamahayag. Panawagan na kondenahin ang karahasang danas ng mga mamamahayag, at panawagang maprotektahan ang mga peryodista sa anumang panggigipit at pagpapatahimik.
Hindi na bago para sa atin ang usapin ng press freedom. Ngunit hangga’t patuloy ang paglobo ng kaso ng red-tagging, pagpatay, pangha-harass, at panggigipit sa mga mamamahayag, hindi matatapos ang laban at pagsulong para sa tunay at malayang pamamahayag. Dahil higit kailanman mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa danas ng lipunan sa kasalukuyan.
Other stories
Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!
She wore usual clothes and so subtle makeup, had her hair often messy, and stretched her back like she owned the day ...