Ni: Mishael B. Defeo
Sa pagtahimik ng mga medalyang nagkakalampagan, maingay ang mga nananahimik at hindi napapansing danas na problema ng student-athletes ng ating unibersidad.
Ngayong buwan ng Nobyembre ipinagdiriwang ang International Students’ Day. Sa araw na ito binibigyang pugay ang mga estudyanteng nagsusumikap at nagpupursigi para sa kanilang mga pangarap kabilang dito ang mga lider-estudyante, mamamahayag pang-kampus, maging ang mga ordinaryong mag-aaral at lalong lalo na ang mga student-athletes.
Malaking bahagi ng sangka-estudyantehan ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) ang mga student-athletes. Sa katatapos lamang na 2024 Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Olympics nitong Oktubre, 2024 student-athletes ang umarangkada upang ipamalas ang lakas ng unibersidad pagdating sa isports. Ngayon namang Nobyembre, babandera naman ang mga talento sa iba’t ibang kategorya ng student-athletes para sa 2024 STRASUC Culture and Arts Festival. Mula rito, malinaw na may mahalagang gampanin ang student-athletes sa paghubog sa pagkakakilanlan ng pamantasan bukod sa pang-akademiko nitong identidad.
Para sa mga student-athletes, mayroong malalim na dahilan ang paglalaro at pagsasanay sa kani-kanilang isports. Hindi sila mga pawang estudyante na nakita na lamang ang sarili sa loob ng court o nagtatanghal sa entablado, bugso ito ng kanilang determinasyon at paninindigan na hinugis ng kanilang pagmamahal sa isports. Ngunit sa likod ng maiingay na palakpakan at kalampagan ng mga medalya ang nananahimik at hindi napapansing hirap na danas ng mga atleta.
Dagok para sa mga student-athletes ang pagsabayin ang akademikong responsibilidad habang gabi-gabing kinakain nang kinakain ang kanilang oras sa pageensayo. Ang ilang oras na dapat ay kanila na lamang ipinahihinga mula sa pagpasok sa eskwela o ‘di kaya’y oras na ilalaan para sa pagtapos ng gawaing pang-akademiko ay napupunta pa sa nakakapagod na pagsasanay.
Sa kabilang banda, may iilang pribilehiyo namang natatamasa ang mga “varsity” o student-athletes ng unibersidad, tulad na lamang ng Special University Performers Student Assistantship (SUPSA), Human Kinetics (HK) 12 Exemption, at Enlistment Prioritization na kamakailan lamang naipatupad at umani ng samu’t saring reaksyon mula sa UPLB constituents. Kung susuriin, sapat na nga ba ang mga ito upang mabawi ang oras at sakripisyong inilalaan ng ating mga atleta kapalit ang pagbitbit sa pangalan ng unibersidad?
Bukod pa rito, maging ang akses sa maayos na pasilidad ay malaking isyu para sa kanila. Ayon sa isang DevCom student-athlete, hirap silang mag-ensayo dahil sa kakulangan ng pasilidad. Kadalasan ay dumadayo pa sila ng ibang bayan para dito. Pasilidad din ang daing ng ilang mananayaw ng pamantasan — walang maayos na lugar at kagamitan tulad ng salamin at blue mats na nakalaan para sa kanila kaya’t hirap din na makapag-rehearsals.
Ugat ng problemang ito ang malaking isyu rin ng alokasyon sa budget para sa ating mga atleta. Makikita sa pasilidad at kagamitan na mayroon ang ating mga atleta kung naibibigay ba ang tamang budget at suporta na dapat para sa kanila. Tamang paglalaan ng pondo ang hiling ng mga atleta ng ating unibersidad.
Samantala, isang hakbang pasulong naman para sa mga student-athletes at sa unibersidad ang panukalang pagtataguyod ng Office of Sports and Development na naglalayong paunlarin at paigtingin ang programang pampalakasan at suporta para sa mga atleta ng pamantasan, ayon ito kay UPLB Chancellor, Dr. Jose V. Camacho Jr.
Kasabay ng paggunita natin sa International Students’ Day ngayong Nobyembre ay ang patuloy nating pagsama sa pakikibaka na mabigyan ng tunay at sapat na suporta ang ating mga atleta. Naniniwala ang UPLB Development Communicators’ Society na ang pagpapahalaga natin sa mga student-athletes ay salamin na atin ring pinahahalagahan ang kanilang determinasyon at pagmamahal sa larang na nais nila.
Ngayong International Students’ Day, ito ang araw ng sangka-estudyantehan kabilang na ang malaking populasyon student-athletes, kaya maging kabahagi tayo sa pagsulong nila sa pagpapaigting ng suporta, benepisyo at pribilehiyong na dapat nilang natatamasa. Sa pagtagaktak ng pawis. Sa bawat puntos na ikinakamada. At sa bawat tropeyo’t medalya habang baon ang determinasyon at ang pangalan ng unibersidad, sana’y huwag silang maiwanan.
Other stories
Klase ng Sakripisyo: Ang mga Guro sa Gitna ng Krisis sa Edukasyon
Sa ulat ng World Bank noong 2022, tinatayang 90% ng mga batang Pilipino ay nahaharap sa tinatawag na learning poverty, isang nakakaalarmang estadistika na nagpapakita...
Ma[y]laya nga ba ang Wikang Filipino?
Ngayong Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika na may temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya”...