Ni: Janelle Louise Deducin
Sa ulat ng World Bank noong 2022, tinatayang 90% ng mga batang Pilipino ay nahaharap sa tinatawag na learning poverty, isang nakakaalarmang estadistika na nagpapakita na siyam sa bawat sampung batang Pilipino na nasa edad sampu ay hindi pa nakakabasa o nakakaintindi ng simpleng teksto. Isang buong henerasyon ang nahihirapang makamit ang mga pangunahing kasanayan, at sa gitna ng nakakatakot na numerong ito, ang ating mga guro ang humaharap sa mabigat na hamon ng pagsalba sa kinabukasan ng bawat kabataan.
Gayunpaman, sino ang sumusuporta sa kanila? Sa kabila ng di-mabilang na sakripisyo, marami sa ating mga guro, lalo na sa mga pampublikong paaralan, ang nagtatrabaho sa ilalim ng hindi makataong mga kondisyon. Maraming guro ang nagtratrabaho nang lampas sa itinakdang oras, umaabot ng labindalawang oras araw-araw dahil sa dami ng mga gawaing administratibo tulad ng pag-check ng mga papel at paggawa ng lesson plans. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), sa kabila ng Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) na nagsasaad na ang mga guro ay dapat magtrabaho lamang ng walong oras, marami sa kanila ang sapilitang nag-overtime upang matapos ang kanilang mga responsibilidad.
Bukod sa oras, malaking problema rin ang napakababang pasahod na tinatanggap ng mga guro. Ayon sa ACT, isang Teacher I na may Salary Grade 11 ay tumatanggap lamang ng ₱27,000 kada buwan—isang halagang hindi sapat upang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Bilang resulta, maraming guro ang napipilitang mag-loan o umutang upang masustentuhan ang kanilang mga pamilya, dahilan kung bakit marami sa kanila ang nababaon sa utang.
Hindi rin maikakaila ang kakulangan ng pasilidad at kagamitan sa mga paaralan. Batay sa datos ng DepEd noong 2022, nasa 5,000 paaralan sa bansa ang may kakulangan sa mga silid-aralan, habang 40,000 paaralan naman ang walang sapat na kagamitan tulad ng mga computer at internet connection, na higit na kinakailangan sa implementasyon ng blended learning. Dahil dito, maraming guro ang napipilitang mag-ambag mula sa sarili nilang bulsa upang makabili ng mga materyales na kinakailangan para sa klase.
Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na naglilingkod ang ating mga guro, hindi para sa materyal na gantimpala, kundi dahil sa kanilang paniniwala sa kapangyarihan ng edukasyon. Maraming guro, lalo na sa mga liblib na lugar, ang kinakailangang maglakad ng malalayong distansya, tinatahak ang maputik na daan, o umaakyat ng bundok upang maabot ang kanilang mga estudyante. Sa kabila ng hirap at pagod, patuloy nilang iniaalay ang kanilang serbisyo, nagiging gabay sa mga batang salat sa oportunidad. Ang mga ganitong halimbawa ng dedikasyon at sakripisyo ng mga guro ay hindi palaging napapansin, ngunit ito ang tunay na salamin ng kanilang malasakit.
Ngunit, sa kabila ng dedikasyon ng mga guro, napakabigat pakinggan sa balita na napakaraming bahagi ng budget ng DepEd ang hindi maayos na nagamit sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, dating DepEd Secretary. Ang malaking pondo na dapat sana’y inilaan para sa mga pasilidad, kagamitan, at mga programa para sa mga guro at estudyante ay tila nauwi sa walang saysay na paggasta, ayon sa mga ulat. Lubos itong nakakadismaya, lalo na sa gitna ng kakulangan ng mga silid-aralan at materyales.
Nararapat lamang na itaas ang sahod ng mga guro mula ₱27,000 patungong ₱33,000 bilang panimula upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan. Kailangan din ng mas maayos na pasilidad, sapat na kagamitan, at makabagong teknolohiya sa mga paaralan. Ang mga guro ang nagbibigay ng liwanag sa madilim na sulok ng edukasyon sa bansa. Kung nais nating masolusyunan ang krisis na ito, kailangan nating bigyan sila ng nararapat na suporta—hindi lamang sa salita, kundi sa kongkretong aksyon.
Nananawagan ang UPLB Development Communicators' Society sa pamahalaan at sa mga mamamayan: Ibigay natin sa ating mga guro ang respeto, pagkilala, at suporta na nararapat sa kanila. Hindi lamang para sa kanila, kundi para sa bawat batang Pilipino na umaasa sa kanilang pagtuturo, pang-unawa, at pagmamalasakit.
Sa bawat guro, kami ay lubos na nagpapasalamat. Kayo ang pag-asa ng bayan, at kasama ninyo kami sa laban para sa mas makatao at de-kalidad na edukasyon para sa lahat.
Other stories
Ma[y]laya nga ba ang Wikang Filipino?
Ngayong Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika na may temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya”...
What happens after the month of pride? Rainbow washing, of course...