Ni: Aini Jimielle Santiago
Ngayong Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika na may temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya”. Kasabay nito, ngayong taon din ipinatigil ang pagtuturo ng Mother Tongue sa mga magaaral mula Kinder hanggang Grade 3. Kung ang Kagawaran ng Edukasyon na mismo ang gumagawa ng paraan para ikulong ang pagkakakilanlan ng wika sa kabataan, masasabi nga ba nating malaya at mapagpalaya ang ating wika?
Alinsunod sa nilulunsad na MATATAG curriculum ng DepEd, pinal na ngayong taon na mas bibigyang pansin sa bawat silid aralan ang kakayahan sa matematika at pagbabasa ng mga mag-aaral. Ngayong taon din nagkaroon ng lakas ng loob ang Komisyon ng Wikang Filipino na tawaging “mapagpalaya” ang ating wika gayong wala naman silang ginawa upang tutulan at ipagtanggol ang pagtuturo ng Mother Tongue sa mga batang naguumpisa pa lang ang pagkilala sa kani-kanilang sariling katutubong wika.
Isang repleksyon din ang pagtanggal ng Mother Tongue sa mga pang-akademikong hamon na kinahaharap ng wikang Filipino. Kung simula elementarya ay limitado na ang binibigay na importansya sa ating lokal na lenggwahe, paano pa sa mas matataas na antas kung saan nababaon na lang sa limot na mayroon tayong sariling wika na dapat gamitin at palaguuin.
Kung ako ang tatanungin, marapat lang na malaya at magbigay laya ang ating wika, at malaki ang papel ng edukasyon upang maiparating ito sa masang kabataan. May papel ang wika hindi lang sa aspeto ng komunikasyon, ngunit pati na rin sa sariling pagkakakilanlan, koneksyon sa kultura, at lalong pagpapatibay ng kani-kanilang pagkamakabansa.
Ngayong Buwan ng Wika, hindi sana tayo mabulag sa mga magarbong selebrasyon, ngunit lalong mas maging kritikal sa hinahain sa atin ng mga kagawarang dapat na nagtatanggol at nangunguna sa pagpapalago ng ating wika upang ito’y tunay na maging malaya at mapagpalaya.
Other stories
What happens after the month of pride? Rainbow washing, of course...
World Press Freedom Day, Hight sa Selebrasyon
Ngayong ika-3 Mayo, ipinagdiriwang natin ang World Press Freedom Day kung saan binibigyang halaga ng araw na ito ang malayang pamamahayag...