Ni: Abigail Job F. Alla
Dibuho ni: Margaret P. Obien
Mula noong pumasok ako sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), marami na akong naririnig at nababasa tungkol sa ika nga “agawan ng units”. Para sa isang baguhan noon sa unibersidad, ako ay napuno ng takot at pangamba. Kailangan ba talagang magmakaawa para sa bagay na dapat naman talaga ay atin?
Ngayong taon, ang UP ay kumakaharap sa tumataginting na P2.076 bilyong budget cut, ang pinakamalaki na natamo nito sa halos dalawang dekada. Mula sa P24.77 bilyong pondo noong taong 2024, naging P22.69 bilyon na lamang ito ngayon. Apektado rin ang Philippine General Hospital (PGH) sa budget cut na ito dahil ang kanilang pondo ay nagmula sa UP. Ang kanilang Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) Program ay dumanas rin sa pagbaba ng pondo mula P633.8 milyon noong nakaraang taon hanggang sa P549.8 milyon na lamang ngayong taon.
Natalakay naman ng University Student Council (USC) sa isang lightning rally ang kanilang pagtutol sa budget cut na siyang nag-uugat sa kakulangan ng guro, kawalan ng pondo para sa mga dormitoryo, scholarship, pasilidad, at iba pang mga pangangailangang pang-edukasyon.
Pagtungtong ng ikalawang semestre sa unang akademikong taon ng isang estudyante ng UPLB, siya ay nakaatas na bumuo ng sariling iskedyul ayon sa mga kursong kukunin. Ang ganitong uri ng pagpapatala ay ang sistemang sinusunod ng sangkaestudyantehan hanggang makapagtapos. Aking matatandaan ang unang karanasan sa ganitong sistema ay may halong kaba at swerte. Dahil sa isang pindot ko lamang sa “enlist all” ay nabigyan na ako ng slot sa aking mga kurso–panandaliang swerte lamang dahil sa sumunod na semestre ay naranasan ko rin namang maubusan ng slot dahil puno na ang klase.
Sa isang sistematikong problema kagaya ng kakulangan sa units, sangkaestudyantehan talaga ang parating tatamasa. Kakapit sa swerte na magkaroon ng mataas na tsansa upang makapasok kaagad at makapag-enlist sa UPLB Academic Management Information System (AMIS), mag aantay ng panibagong magbubukas na klase, o kakapit ulit sa swerte upang matanggap sa klase sa pamamagitan naman ng pag prerog o ang direktang pakikipag-usap sa mga propesor.
Nakasaad sa 1987 Constitution ng Republika ng Pilipinas na ang bawat estudyante ay may karapatang magkaroon ng isang dekalidad at makamasang edukasyon. Ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon ay hindi dapat naaayon sa swerte lamang. Ngunit sa edukasyong ating natatamasa, ito nga ba ay dekalidad at makamasa? Isang matinding ebidensya na may malaking kakulangan sa sektor ng edukasyon ay ang danas ng mahabang prosesong walang katiyakan para lamang makakuha ng sapat na units at makapag aral ang mga estudyante.
Hindi na dapat kinakailangan pang magmakaawa o makipag-agawan ng isang mag-aaral para lamang makakumpleto ng kurso. Dapat ay mayroong sapat na espasyo para sa lahat ng estudyante—espasyong hindi isiniksik lamang kundi espasyong inilaan.
Karapat dapat ang bawat estudyante na maging enlisted nang walang kaba at pangamba.
Sanggunian:
[1] Tinig ng Plaridel | https://www.tinigngplaridel.net/up-budget-2025/
[2] University Student Council | https://www.facebook.com/share/19HkNBB2vN/
[3] Philippine 1987 Constitution| https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/1987-constitution/
Other stories
World Press Freedom Day, Hight sa Selebrasyon
Ngayong ika-3 Mayo, ipinagdiriwang natin ang World Press Freedom Day kung saan binibigyang halaga ng araw na ito ang malayang pamamahayag...
Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!