Dibuho ni: Chris-J D. Ramos
Mariing kinokondena ng UPLB Development Communicators’ Society ang harapang korapsyon sa mga ghost flood control projects na kinakasangkutan ng iba’t ibang politiko at mga kontraktor. Hindi ito maaring palampasin lamang, ating panagutin ang mga kurakot.
Noong ika-11 ng Agosto ay inilabas ni Pangulong Marcos ang listahan ng mga kontraktor na sangkot umano sa flood control projects na nagkakahalaga ng hindi bababa sa isang daang bilyong piso. Katakot takot na halaga ng pera ang pinag uusapan na sangkot sa korapsyon.
Umabot ng 118.5 bilyong pagkalugi sa ekonomiya ng Pilipinas mula taong 2023 hanggang 2025 dahil sa mga maanomalyang ghost flood control project, ayon ito kay Finance Secretary Ralph Recto. Ang ganitong kalaking pera ay katumbas na ng ilang ospital, silid aralan, at trabaho para sa mga Pilipino. Ang buwis na binabayad ng mga Pilipino ay napupunta lamang pala sa bulsa ng mga kurakot, at hindi para sa masang Pilipino.
Mga paa na nakalubog pa rin sa baha, trabahador na may mababang sahod, komyuter, magsasaka, mangingisda, mga estudyanteng walang maayos na silid aralan, mga kabataang hindi makapag aral, mga nasa pampublikong ospital na walang maayos na pasilidad, at iba pang uri ng Pilipino na nanatiling nasa laylayan at nahihirapan dahil sa mga korap na magnanakaw ng bayan.
Ilan sa mga sangkot na kontraktor ng mga ghost flood control project sa bansa ay ang St. Timothy Construction nina Sarah Discaya at Ma. Roma Angeline Rimando, Wawao Builders ni Mark Arevalo, SYMS Construction Trading ni Sally Santos, at ang IM Construction Corporation ni Robert Imperio. Naghain naman ng reklamo ang Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal at kontraktor na sangkot sa naturang isyu na ito.
Kasama rin sa inireklamo ang dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, dating District Engineer Brice Hernandez, at dating Assistant District Engineer Jaypee Mendoza. Umamin si Santos ng IM Construction na ginamit lamang ang kanyang lisensya at kumuha lamang ng tatlong porsyentong bahagi ng pera at binigay kay Hernandez ang iba.
Hindi lamang ang mga kontraktor o opisyal mula sa DPWH ang sangkot sa isyung ito. Pinangalan ni Discaya ang mga miyembro ng kongreso na ‘di umano ay nanghihingi ng komisyon mula sa kanila na hindi bababa ng sampung porsyento at hindi tataas ng 25% kada kontrata. Ilan sa mga pinangalanan ay sina Ako Bicol Representative Zaldy Co at House Speaker Martin Romualdez. Ang iba pang nasa kongreso na nadawit ang pangalan ay mariing itinanggi ang paratang ni Discaya.
Ayon naman kay Senator Pangilinan, “2016 pa sila sa flood control projects pero mula lang 2022 ang mga pinangalanan…”.
Kung susumahin ay ilang taon na nila isinasagawa ang katiwalian na ito. Dalawang administrasyon na ang inabutan at patuloy ang naging pagkulimbat ng pera ng bayan. Kung mapapatunayan, masakit na katotohanan na ang mga politiko ay nadadawit sa mga ganitong usapin–taliwas sa kanilang tungkulin napagsilbihan dapat ang bayan, hindi pagnakawan.
Ang matinding korapsyon na ito ay hindi na bago at patuloy pa ring lumalaganap sa ating bansa, dahil hindi lamang ito ang siwalat na katiwalian. Hindi lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kundi mayroon rin sa ibang ahensya gaya ng Department of Education (DepEd) na mayroong 500 milyong confidential funds na ang mga tumanggap ay wala man lang tala ng kanilang kapanganakan sa Philippine Statistics Authority (PSA). Tunay na nakakapanlumo at nakakapagtaka ang mga ganitong pangyayari.
Ang mga Pilipinong patuloy na lumalaban ng patas sa buhay ay hindi karapat dapat na maloko sa sariling bayan. Hindi lamang pera ang usapan na kanilang ninakaw, pati na rin ang kinabukasan ng mga Pilipino ay kanilang ninakawan. Dapat lamang na managot ang mga tao sa likod ng ano mang uri ng korapsyon.
Bilang mga Pilipinong harap harapang inaapi, tungkulin natin na tumindig at huwag hayaang lumipas lang ang isyung ito. Hindi na sana kailangan pang gumamit ng mga gawa-gawang tulay at bangka, hindi na sana nakalubog sa baha ang mga Pilipino, at mabigyang hustisya nawa ang ating bansa mula sa matinding katiwalian.
Paano nasisikmura ng mga taong tahasang ginagamit ang pera ng taumbayan na hindi para sa kanila? Sa kabila ng pagpapakasasa nila sa yaman na hindi sa kanila ay patuloy na lumulubog ang mamamayang Pilipino. Nananawagan ang organisasyon na ang lahat ng mga opisyal, kontraktor, mga pumirma, o kahit sinong naging parte sa pagnanakaw na ito ay dapat makulong. Dapat ay panindigan nila ang kanilang pagkakasala sa bayan at panagutan ito. Sila naman ang lumubog sa pangil ng batas na kanilang tinatakbuhan at damhin ang kanilang kahihinatnan na dulot ng sariling kasamaan.
Mga Sanggunian:
[4] https://newsinfo.inquirer.net/2015753/1322-ovp-confidential-fund-recipients-lack-birth-records-psa
Other stories
World Press Freedom Day, Hight sa Selebrasyon
Ngayong ika-3 Mayo, ipinagdiriwang natin ang World Press Freedom Day kung saan binibigyang halaga ng araw na ito ang malayang pamamahayag...
Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!