Ni: Abigail Job F. Alla
Dibuho ni: Nicole C. Brosas
Mapapansin na sa kabila ng selebrasyon tuwing Agosto, tila taliwas ang mga pangyayari ukol sa pagpapahalaga sa wika sa ating bansa. Ito ay isang nakakalungkot na realidad dahil kahit ang mga bata ngayon ay mas marunong na sa salitang ingles kaysa sa sariling wika.
Ang wika ay hindi lamang simpleng salita, ito ang nagbubuklod sa atin at ang nagbibigay kaalaman–ganyan kalakas ang kapangyarihan ng isang wika. Dito rin maimamapa ang ating pinagmulan at mga kultura. Kung kaya naman sa mga pagkakataong sariling wika ay nakakaligtaan, iba’t ibang resulta ang maaaring matunghayan.
“Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” ang tema para sa buwan ng wika ngayong taon. Ating pagdiriwang taon-taon ang buwan ng wika, ngunit gaya ng nasa tema, tunay nga bang ang paglinang sa Filipino at Katutubong Wika ay matagumpay na nagagawa?
Hindi naman ipinagbabawal ang mag aral ng ibang wika, dahil ito ay makabuluhan rin naman. Mahalaga rin naman ito upang makapag-ugnayan sa mga ibang lahi o sa pagkatuto ngunit hindi ito dahilan upang hindi na maging maalam sa wikang Filipino o lokal na dayalekto.
Sa kabila naman ng pagkakaroon ng mga batang bihasa sa ingles, maraming Pilipino pa rin naman ang gumagamit ng sariling wika. Ngunit kahit sila ay nasa Pilipinas at gumagamit nang sariling wika sa pang araw-araw, may mga bagay pa rin na magiging mahirap maintindihan tulad ng batas o mga opisyal na dokumento dahil ito ay kadalasan nakasulat sa salitang ingles.
Ating matatandaan na noong taong 2019 ay tinanggal na ang Filipino at Panitikan bilang pangunahing asignatura sa kolehiyo. Ito ay ayon sa naging desisyon ng Supreme Court (SC) dahil wala ng bagong argumentong mai-harap ang mga nag petisyon. Maiging alalahanin ang naging pasya na ito ngayong buwan ng wika. Dahil bilang isang mag-aaral sa kolehiyo, hindi man obligado, mas mainam pa rin na aralin at kilalanin ang wikang sariling atin.
Ngayong buwan lamang ng Agosto, naghain si Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ng isang batas na naglalayong isalin ang mga batas sa Pilipinas sa wikang Filipino at ibang dayalekto tulad ng Bisaya at Ilokano, ito ang Batas sa Sariling Wika Act. Ayon kay Diokno, paano susundin ng mga mamamayan ang batas kung ito ay nakasulat sa wikang hindi nila maintindihan. Hindi lahat ng Pilipino ay bihasa magsalita at umintindi ng salitang ingles, at walang mali rito, sapagkat hindi naman ingles ang kanilang kinalakihan at pinagmulan.
Mas matalino ako sa sarili kong wika, hindi dahil ayaw ko sa salitang ingles o ibang lenggwahe, sapagkat hindi ko na kailangan pang isalin ang aking mga ideya at damdamin. Hindi nawa maging hadlang ang lenggwahe upang makaintindi at malinang ang mga kaalaman.
Iba't ibang selebrasyon man ang naidaos ngayong buwan ng wika, nawa ay mas mapakita pa natin ang pagmamahal para sa sariling wika–hindi lamang tuwing buwan ng Agosto, ngunit sa ating araw araw na pamumuhay. Dahil kaakibat ng pagkilala sa sariling wika ang siyang pagtanggap at pagmamalaki sa ating kultura at bansa.
Mga sanggunian:
Other stories
World Press Freedom Day, Hight sa Selebrasyon
Ngayong ika-3 Mayo, ipinagdiriwang natin ang World Press Freedom Day kung saan binibigyang halaga ng araw na ito ang malayang pamamahayag...
Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!