Balitang Lathalain
ni: Abigail Job F. Alla
Hindi nagpatinag sa buhos ng ulan ang makapal na hanay ng mga estudyante, faculty, at organisasyon upang ipatambol ang kanilang mga bitbit na panawagan na sumentro sa karapatan sa edukasyong dekalidad at para sa lahat.
Hapon ng ika 12 ng Agosto isinagawa ang taunang First day Rage na inumpisahan sa Carabao Park sa loob ng UPLB. Ang ganitong paghanay ay natutunghayan sa iba't ibang kampus ng UP system. Isinasagawa ito hindi lamang ng mga estudyante, kasama rin ang mga faculty at organisasyon sa UPLB.
“Ang FDR ay isang ligtas na espasyo kung saan naipapahayag ang panawagan ng mga minoryang patuloy na pinagsasamantalahan ng mapanupil na estado”, saad ng estudyanteng humanay mula sa batch 2024 ng Development Communication.
Dagdag pa niya, “kahit malakas ang ulan, ay patuloy na lumahok at pinanatili ang militante at makasaysayang tradisyon ng First Day Rage”.
Saad naman ng isa pa sa mga humanay na isa sa kanilang naging panawagan ay ukol sa pinakamalaking budget cut na kinakaharap ng UP system na siyang dahilan ng kakulangan sa units, dormitoryo, student spaces, pasilidad sa mga kolehiyo, at iba pang mga usapin na nasa ilalim ng pondo ng UP.
Sangkestudyantehan ang unang nakakakita at nakararanas ng mga problemang ugat sa budget cuts dahil ang pondong ipinagkait sa mga estudyante ay ang dapat sanang solusyon sa mga problemang ito. Isa na rito ang nabanggit ng Students Rights and Welfare (STRAW) ng University Student Council ukol sa kakulangan ng units nitong nagdaang pre- enlistment at general enlistment; na siyang dahilan ng kasalukuyang pag-aagawan ng units ng mga estudyante.
Naging panawagan din ang danas tungkol sa panghihimasok ng mga pulis at militar sa pamantasan, at paniniktik sa mga lider estudyante. Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nabalitaan ang kasong red-tagging sa ilang lider estudyante katulad nina JPEG Garcia at USC Chairperson Geraldine “Wes” Balingit.
Samantalang ang All UP Academic Employee Union (AUPAEU) - Los Banos naman ay bitbit ang panawagang PHP 1,200 ang tamang pasahod at pagreregularisa sa mga kontraktwal na mangagawa.
Ilan sa mga iba pang panawagan na tinampok ay tungkol sa pagtaas ng presyo ng mga dormitoryo sa labas ng pamantasan, danas ng mga publikasyon sa loob ng unibersidad, at ang mga patuloy na panunupil sa mga kanayunan.
Sanggunian: UPLB Perspective
https://x.com/uplbperspective/status/1955180446997950910?s=46
Other stories
Feature: Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
Opinion: Manggagawa muna ngayong Mayo Uno!
Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!Sa pagpatak ng unang araw ng Mayo sa kalendaryo, karapatan ng manggagawang Pilipino ang dapat na ipaglaban!