Sinulat ni: Ivan C. Combate
Ang lupa ni Mang Kanor, dating hininga ng bukid, ngayo’y pabrika.
Ang nagkunwaring kaibigan, ahas na may bulsa ay naghasik ng lagim.
Isang libong kapalit at tahanang matutuluyan
ipinangakong ningning, gintong kalawang produkto ng proyektong may patong.
Sa loob ng pabrika’y ang pawis ni Linda ay tubig sa asin,
binabarat dahil babae raw, patay-sinding kandila sa loob ng paggawaan.
'Di makakilos, walang benepisyo, tanging tanikala ang hawak.
Ubos ang lakas, ilaw ng tahanang pinagkaitan ng sariling mitsa.
Tumigil na si Niko, ang aklat niya’y pinulbos na pangarap—
libre ang pangakong pag-aaral, pero nanatiling uhaw ang bulsa sa salapi.
Sa lungsod, baha ang kalye at pati sikmura’y umaagos sa gutom,
’di pa tapos ang araw at ang sahod ay pait na tira-tira ng lason.
Busog ang lamesa ng iilan, subalit ang masa’y kalansay sa lansangan,
ito ang bunga ng kontratang niluto sa dugo at panlalamang.
Muling gigising at haharap sa kamera ang nagpapakilalang kaibigan,
hindi kayang hubarin ang maskarang tinatago ang ganid na ipinapakikilalang kariktan.
Ngunit nangangalit ang barikada ng bawat sinulid—pinagtutugma ng galit ang bawat hibla.
Maniningil ang masa: bubuo ng lubid na papatay sa tiraniya.
Ang masa ang sinulid.
Sinulid ang masa.
Other stories
Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
EDSA UNO: Mga Tao sa likod ng Rebolusyon
Sa pagtindig ng bawat isa sa pakikibaka, ay may ilan ang nagsisilbing ilaw sa gitna ng dilim upang maging sandigan tungo sa demokrasya at buksan ang panibagong pintuan para sa mga Pilipino sa panahon ng rehemeng Marcos...