Sinulat ni: Ivan C. Combate
Litrato mula kay: Leila Andrea L. Abella
Hinabi nang matagal na tunggalian ang pananatili sa lupang tinubuan,
bawat piraso’y sinuklian ng pawis at pagdurusang tila walang hanggan.
Sa ilalim ng araw na saksi sa bigat ng kalyo ng palad,
ang binhi ng buhay iyo’y itinanim sa pagitan ng pag-asa’t alat.
Ngunit, habang bumubungkal ka ng lupang unang naging sa iyo,
ang panginoong may lupa ang nag-aani ng ginto.
Ang isang patak ng ulan ay katumbas ng santimbang luha,
sapagkat busog sila sa ani, ikaw nama’y gutom sa bunga.
Saksi ang bawat sigad ng araro sa tanikalang humihigpit,
ang Estado’y bantayog ng pang-aabusong ‘di humihinto’t umiimik.
Buwis, batas, balang ligaw— lahat sa’yo ay itinanim,
habang binhi ng hustisya’y patay bago pa tumalim.
Ikaw ang nagsasaka ng hapag ng bayan,
ngunit sa sariling pinggan, wala ni mumo ng ani’t kariktan.
Ang bawat butil ng bigas na masa ang sumasandok,
may kasamang dugo ng bawat magsasakang sinusubok.
Ngunit kung hindi na tutubo ang binhing pinilit nilang lunurin,
masa ang mag-aaklas at ang maniningil.
Tutubuan ng sigaw ang mga basang bukirin,
at sa gitna ng dilim, sasalubong ang apoy at sila’y uusigin.
Kung hindi na tutubo, tayo mismo ang magiging binhi.
Lalago sa galit at sisibol sa pagkakapit-bisig.
Ang lupa’y babawiin ng mga tunay na nagbubungkal,
at sa araw ng ani, atin na muli ang buong dangal.
Other stories
Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
EDSA UNO: Mga Tao sa likod ng Rebolusyon
Sa pagtindig ng bawat isa sa pakikibaka, ay may ilan ang nagsisilbing ilaw sa gitna ng dilim upang maging sandigan tungo sa demokrasya at buksan ang panibagong pintuan para sa mga Pilipino sa panahon ng rehemeng Marcos...