Sinulat ni: Faith Dhenyll C. Balote
Dali-dali sa aking paglalakad na ako’y tumungo sa simbahan sapagkat rinig ko na ang dupikal ng mga kampana, hudyat na ang komunyon sa misa ng kapistahan ng isang santo ay nalalapit. Hinahabol man ang hininga ay ako’y pumasok nang tahimik. Ang unang bumati sa aking mga mata ay ang mahabang upuan na malapit sa may pintuan. Sa aking pag upo ay dali-dali naman akong lumuhod at nanalangin habang ang pari ay nag-aalay ng dasal sa pagkain at inumin.
Taimtim na aking ipinagdasal ang pamilya at sarili, nang sumagi sa aking isip ang kalagayan ng ating bansa. Tila ang bigat ng mga pagsubok na nangyayari—lindol, bagyo, pilit na pagpapatahimik sa mga mamamahayag, panggigipit sa mga kababayan, pati kakulangan ng hustisya sa ating lipunan na hindi binibigyang sapat na aksyon ng mga ating lider. Dahil sa halip na bigyan ng solusyon ay sila mismo ang nangunguna sa korapsyon. At sa aking panalangin, lahat nang ito’y aking binanggit sa aking labi.
“Alam mo hija, noon pa man ay ‘yan din ang aking hiling.”
Napalingon ako nang marinig ang isang bahagyang paos at matatag ang tinig, ngunit ako’y nanatiling nakatungo sa aking pagdarasal habang nakikinig sa taong nasa aking tabi.
“Na hindi dapat hayaan na lamang ang mga dayuhan,” wika niya, “na mahalin ang isa’t isa, ipaglaban ang karapatan, at ialay ng buo ang sarili sa inang bayan.”
“At sa aking kahilingan,” sambit niya, “hindi na muling sapitin ng sinuman ang katapusan mula mismo sa kamay ng ating mga kababayan.”
Pagkarinig ko noon ay tila umihip ang malamig na hangin sa loob ng simbahan. May bigat ang kanyang mga salita, bigat na tila nagmula sa mismong puso ng kasaysayan. At sa pagdilat ng aking mga mata ay ako’y tumingin sa aking tabi upang sumang-ayon sa mga salitang aking narinig, ngunit blangko ang laman ng upuan sa maliit na espasyo. Aking nilingon ang paligid at nakita ang isang lalaking naka-kamiso, na unti-unting naglalakad palayo.
Nais ko sanang siya’y tawagin at kausapin, ngunit nahagilap ng aking mga mata ang isang pulang panyo. Habang ang hakbang ng lalaki na aking natatanaw ay mabilis, sa kanyang tindig ay para bang aking nakilala ngunit hindi ko mawari kung saan ko siya nasilayan.
Tila nagpatuloy ang kanyang tinig sa aking isipan, kahit wala na siya sa aking tabi.
Nawa’y sa ating mga sarili ay magpahayag ng buong lakas
Ang damdamin nang walang pumipigil,
At ng mahanap ang kalayaan,
Sa sariling bayan.
Nawa’y ating mapulot ang ating mga pagkakakilanlan,
Upang wala nang manggagawang nalalamangan,
wala nang magsasakang naaapi,
at wala nang bayan na makaranas ng pagpapakasakit.
Bilang mga Pilipino, ito ang dapat nating tandaan
Katulad ng isang supremo mula sa nakaraan,
ang Ama ng Rebolusyon,
ang Ama ng Katipunan.
Sa mga alaalang kanyang iniwan,
ipagpatuloy natin ang rebolusyon para sa pagbabago.
Nawa’y hindi natin makalimutan ang kasaysayan
At dalhin ang aral nito sa hinaharap.
Other stories
Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
EDSA UNO: Mga Tao sa likod ng Rebolusyon
Sa pagtindig ng bawat isa sa pakikibaka, ay may ilan ang nagsisilbing ilaw sa gitna ng dilim upang maging sandigan tungo sa demokrasya at buksan ang panibagong pintuan para sa mga Pilipino sa panahon ng rehemeng Marcos...