Ni: Ivan C. Combate
Ang maingay na lungsod ng Maynila ay minsang biningi ng katahimikan. Isang upuan ang naiwang bakante, simbolo ng pangarap na sinupil ng sistema.
Lumaki tayo sa paniniwalang ang edukasyon ang tanging maipapamana sa atin. Sa mga tahanang salat sa rekurso, diploma ang ginagawang kayamanan; kaalaman ang inaasahang mag-aahon sa pamilya mula sa hirap. Kaya bilang mga iskolar ng bayan, may bigat ang bawat pagbangon tuwing umaga. Buwis ng taumbayan ang nagpapaaral sa atin, kaya marapat lamang daw na magtiis, magsumikap, at huwag magreklamo.
Ngunit may mga pagod na hindi naaampat ng pahinga at may mga laban na hindi nalulutas ng kasipagan.
Walang karapatang kusang ibinigay sa atin ang estado; lahat ng ito’y bunga ng kolektibong paglaban. At isa sa mga pangalan na nakaukit sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka para sa tunay na libreng edukasyon ay si Kristel Tejada.
Si Kristel ay isang mag-aaral ng BA Behavioral Sciences mula sa UP Manila. Pangarap niyang maging doktor—magsuot ng puting uniporme para pagsilbihan ang sambayanan. Katulad ng marami sa atin, dala niya ang pag-asa ng pamilya, tahimik na pangakong makababawi siya balang araw. Ngunit bago pa man niya maisuot ang puting uniporme at sablay na kanyang inaasam, nauna na niyang pinasan ang bigat ng sistemang mas mabigat pa sa kanyang mga aklat.
Noong 2013, hindi siya pinayagang makapag-exam dahil sa hindi nabayarang matrikula sa ilalim ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP). Sa sistemang ito, sinasabing ang laman ng resibo ay nakabatay sa pang-ekonomikong kakayahan ng isang mag-aaral. Ngunit masyado nang mahigpit ang sinturon ni Kristel at wala nang mapagkuhanan pa para matugunan ang hinihinging halaga ng pamantasan. Kalaunan, mapipilitan siyang mag-file ng Leave of Absence.
Buo at malinaw ang pangarap ni Kristel, pero dahil sa sitwasyon ay wala siyang mapagpilian kundi saglit itong talikuran.
Hindi awa ang naging tugon ng administrasyon. Nakalimutan nilang maging tao. Lalong ginipit ang isang batang nangangarap. Hindi nagtagal, nagpasya si Kristel na tapusin na ang paghihirap at wakasan ang sariling buhay.
Hindi na muling nakita sa pamantasan si Kristel pagkatapos non.
Saglit na napuno ng katahimikan ang maingay na syudad. May hinahanap na pangalan ang bawat kantong minsan niyang nilakaran.
Sa bakanteng upuang naiwan niya, sumiklab ang galit ng masa. Naging mitsa ang kanyang pagkawala sa mas malawak pa na panawagan para sa tunay na libre at aksesibleng edukasyon. Naging patunay ang pakikipagbuno ni Kristel na may krisis sa lipunan at nabubulok ang sistema sa edukasyon.
Pagkalipas ng ilang taon, naisabatas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931). Isang hakbang ito tungo sa libreng matrikula sa mga state universities and colleges. Isang tagumpay na bunga ng kolektibong pagkilos. Kung andito lamang si Kristel, paniguradong isa siya sa mga magpupunyagi sa unahan ng hanay.
Ngunit sapat na ba?
Sa kasalukuyan, libre man ang matrikula ay nananatiling mahal ang mangarap. Tumataas ang pamasahe, renta, pagkain, at mga gastusing pang-akademiko. Maraming estudyante pa rin ang napipilitang maging murang lakas-paggawa. May mga magulang pa rin na lubog sa utang. Malayo pa rin sa kamay ng mga kabataan ang isang bagay na sa dapat ay isang karapatan.
Sa kabila ng mga reporma, hindi pa rin ganap na prayoridad ang edukasyon sa pambansang badyet. Ayon sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), dapat maglaan ang mga bansa ng hindi bababa sa 4–6% ng GDP para sa edukasyon. Sa Pilipinas, matagal nang hindi naaabot ang ganitong pamantayan; sa loob ng mahabang taon ay nasa 2–3% lamang ng GDP ang aktuwal na inilalaan. Habang lumalaki ang pondo para sa iba’t ibang ahensya at proyektong malayo sa direktang pangangailangan ng mamamayan, nananatiling kapos ang silid-aralan, kulang ang guro, at bitin ang suporta sa estudyante.
Kung ganito pa rin ang imahe ng edukasyon, tunay nga bang nabigyan ng hustisya ang buhay ni Kristel?
Ang kasalukuyang edukasyon ay nakasentro sa kita, huwad na academic excellence, at kompetisyon sa pandaigdigang merkado, patuloy nitong itinutulak ang mga kabataan bilang primaryang biktima ng sistema sa halip na maging kritikal na mamamayan.
Ngunit kung patuloy natin itong ipaglalaban bilang isang karapatan na naka-angkla sa pambansa, siyentipiko, at maka-masang tipo ng edukasyon ay magagamit natin ito bilang instrumento ng kolektibong paglaya. Doon pa lamang tunay na magiging sandata ang edukasyon.
Tuloy ang laban
Ang bakanteng upuan ni Kristel ay hindi lamang alaala ng pagkawala. Isa itong hamon at panawagan.
Hindi natin kayang ibalik ang buhay na nawala. Ngunit sana’y ituring nating hamon ang hindi nakuhang diploma ni Kristel na ipagpatuloy ang laban. Nabubuhay ang diwa ni Kristel sa loob ng bawat iskolar ng bayan. Kaya ngayon higit magpakailanman ay kailangan nating tiyakin na wala nang ibang kabataan ang mapipilitang maipit sa pagitan ng dangal at diploma, ng kahirapan at kinabukasan.
Sa bakanteng upuang naiwan ni Kristel Tejada, mananatili ang sigaw at pakikibaka. Nasa atin kung ito’y mananatiling bulong na lamang ng nakaraan o magiging apoy na magpapalakas sa tinig ng kasalukuyan at magiging sandata para sa tunay na kalayaan.
Paalala: hangga’t may isang kabataang napagkakaitan, hindi dapat mapuno ang bawat klasrum ng katahimikan.
Dahil, lagi’t lagi, ang edukasyon ay karapatan at hindi pribilehiyo lamang ng iilan. At walang upuang dapat manatiling bakante dahil lamang sa kahirapan.
Other stories
Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”
EDSA UNO: Mga Tao sa likod ng Rebolusyon
Sa pagtindig ng bawat isa sa pakikibaka, ay may ilan ang nagsisilbing ilaw sa gitna ng dilim upang maging sandigan tungo sa demokrasya at buksan ang panibagong pintuan para sa mga Pilipino sa panahon ng rehemeng Marcos...