Unang Roundtable Discussion
Ang Sikolohiyang Pilipino sa Nagdaang Panahon
Moderator: Kat. Prop. Charmaine P. Galano, MA, Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Nilalayon ng unang panel na ilarawan ang naging personal na paglalakbay sa Sikolohiyang Pilipino (SP) ng apat na namuno sa Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) sa magkakaibang dekada at kung paanong ang SP ay naging mahalagang lente sa pag-unawa ng sarili, kapwa, at lipunan. Magsisimula ang mga tagapagsalita sa pagbabahagi ng kanilang akademiko at personal na pinagmulan, kabilang ang mga karanasang nagsilbing “entry point” sa SP—mga guro, mentor, o yugto ng pagbubukas ng kamalayan. Sa pagtalakay ng kanilang paglalakbay, ilalahad ang mga hamon at tagumpay sa pagtanggap at pagsasabuhay ng SP, pati na ang pagbabagong dulot nito sa kanilang pagtuturo, pananaliksik, at adbokasiya.
Kasunod ng mga presentasyon, ang panel ay magbubukas ng diskusyon sa hinaharap ng SP: mula sa usapin ng pagkakakilanlan at direksyon, pluralismo at inklusibidad, pandaigdigang posisyon, hanggang sa aplikasyon sa polisiya at adbokasiya, at pagpapatuloy ng henerasyon ng mga iskolar at praktisyoner. Layunin nitong maglatag ng kritikal at mapagnilay na usapan hinggil sa kung paano mapapanatili at mapauunlad ang Sikolohiyang Pilipino bilang buhay na praxis para sa susunod na henerasyon.