Mensahe Mula sa Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino
Maalab na pagbati sa lahat ng kalahok, tagapagpataguyod, at katuwang na institusyon ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP)!
Ang ating ika-49 Pambansang Kumperensiya at ika-3 Pambansang Kumperensiya sa Ginhawa ay mga makasaysayang pagtitipon, hindi lamang dahil ipinagdiriwang natin ang ika-50 anibersaryo ng PSSP, kundi dahil ito rin ang unang pagkakataon na tayo ay muling nagtitipon nang harapan matapos ang mga taon ng pandemya. Ang pagsama-sama natin ngayon ay sagisag ng ating pagbangon, pag-asa, at patuloy na pagnanais na itaguyod ang Sikolohiyang Pilipino (SP) bilang isang buháy at lumalakas na disiplina at kilusan.
Sa temang “Sikolohiyang Malaya’t Mapagpalaya, Lipunang Mapagkalinga,” pinagtitibay natin ang adhikain ng SP bilang isang sikolohiyang nakaugat sa karanasan, kultura, at pagpapahalagang Pilipino, isang sikolohiyang naglalayong magpalaya ng kaisipan, magtaguyod ng dignidad, at magsulong ng makataong ugnayan sa lipunan.
Ipinagpapasalamat natin ang masikhay na pakikipagtulungan ng Departamento ng Sikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman at UP Diliman PsycServ, na naging katuwang ng PSSP sa pagsasakatuparan ng kumperensiyang ito. Ang kanilang pakikiisa ay patunay na nananatiling matatag ang ating komunidad sa pagsusulong ng maka-Kapwang kaisipan at nakagiginhawang praktikang pansikolohiya.
Taos-puso rin ang ating pasasalamat sa ating mga sponsor, kabilang ang Optum at Center for Educational Measurement (CEM). Ang kanilang walang sawang suporta ay nagpapalakas sa ating kakayahang makapaghatid ng isang makabuluhan, de-kalidad, at inklusibong kumperensiya para sa lahat.
Sa ating mga kalahok – mga propesyonal, guro, mananaliksik, estudyante, at mga tagapagtaguyod ng SP – maraming salamat sa inyong presensiya at pakikiisa. Nawa’y patuloy kayong maging katuwang sa pagsusulong ng isang sikolohiyang tunay na nagsisilbi at nagbibigay ng kapangyarihan sa sambayanang Pilipino.
Mabuhay ang PSSP sa ika-50 taon! Mabuhay ang Sikolohiyang Pilipino!