Ginhawa, Kalayaan, at Kalinga: Mga Pahalagang Gumagabay sa Isang Kontemporaryong SP
Elizabeth P. De Castro, PhD, RPsy
Propesor (Retirado)
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Sa simula pa lang ng kilusang Sikolohiyang Pilipino (SP), malinaw na ang pagpapahalaga nito sa kalayaan, partikular na ang pagpapalaya ng sikolohiya at mga kaalyadong disiplina sa preso ng Kanluraning pag-iisip patungkol sa pagkataong Pilipino. Sa limampung taon ng pamamayagpag ng SP, naging matagumpay ito sa pagpapalutang ng mga boses at karanasang hindi karaniwang nabibigyang espasyo. Para sa isang kontemporaryong SP, naka-angkla sa mga usapin ng kasalukuyan at may malinaw na tanaw sa hinaharap, gagalugarin natin ang ugnayan ng kalayaan sa dalawang mahalagang hangarin, ang ginhawa at kalinga. Ang pagbibigay kalinga at paglikha ng mga landas tungo sa ginhawa ay maituturing na kontemporaryong usapin na marapat lang na pagkaabalahan ng SP bilang bahagi ng paninindigan nito sa kalayaan.