Tampok sa symposium na ito ang pagsisiyasat sa diskarte ng mga indibidwal na humaharap sa mga sitwasyong mas hayag ang hadlang na kanilang kinakaharap. Tatalakayin sa symposium na ito ang mga paunang resulta ng pagdalumat ng diskarte ng mga 1) mag-aaral na una sa kanilang pamilya na makapag-aral sa kolehiyo, at 2) mga may hindi pangkaraniwang pamamaraan ng pag-iisip at pakikitungo, partikular na ang mga may ADHD. Nabubuhay ang mga indibidwal na ito sa konteksto kung saan wala silang nakukuhang suporta mula sa sistema, ngunit patuloy silang nagpupunyagi patungo sa kanilang mga pangarap. Panghuli sa symposium na ito ang pag-aaral kung ano ang mga katangiang nakikita sa mga taong “ma-diskarte.” Hangarin ng mga papel sa symposium na ito ang pag-aralan ang diskarte bilang tugon sa mga gipit na sitwasyon at bilang isang katangian. Pag-uusapan din sa symposium na ito kung sino ang ma-diskarte, bakit kailangang dumiskarte, anong diskarte ang kadalasang ginagawa, at ang kadalasang kinahihinatnan nito sa iba’t-ibang konteksto. Nilalayon ng mga symposium na ito na isulong ang pagsisiyasat pa sa diskarte bilang pamamaraan ng pagharap sa problema, upang mas mapalalim ang pag-aaral kung paano binabaybay ng mga Pilipino ang mga tila imposibleng sitwasyon sa buhay.