Sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, napapanahon ang pagsisiyasat sa lawak ng impluwensya ng Sikolohiyang Pilipino (SP) sa iba't ibang akademikong larangan. Magandang isagawa ang ganitong pagsisiyasat sa pamamagitan ng pagtuon sa mga dalumat na pinayaman ng SP tulad ng kapwa, loob, diwa, isip, pagkatao, at iba. Isang partikular na konseptong interesanteng suriin ay ang "ginhawa."
Layunin ng panel na galugarin ang saysay ng Sikolohiyang Pilipino, partikular ng konsepto nitong ginhawa, sa tatlong piling disiplina bilang kinatawan ng tatlong mas malalaking sangay ng kaalaman: Kasaysayan (Agham Panlipunan), Araling Pangkalusugan (Aplayd na Agham), at Teolohiya (Humanidades).
Nakatuon ang papel ni Arvin Pingul sa papel ng ginhawa sa pagbabalangkas ng pambansang kasaysayan sa Bagong Kasaysayan, sa pangunguna ni Zeus Salazar (isa sa mga kasaping tagapagtatag ng PSSP). Sa pamamagitan ng pagsangguni sa mga lumang diksiyonaryo mula ika-17 hanggang maagang ika-20 dantaon, ipinakita ni Atoy Navarro ang saysay ng ginhawa, gayundin ng galing at lusog, tungo sa pagsasakatutubo ng Araling Pangkalusugan bilang larangan sa Pilipinas. Iminapa naman ni Mark Joseph Santos ang potensyal na aplikasyon ng ginhawa sa mga sangay ng sistematikong teolohiya (hal. Kristolohiya, soteriolohiya, eklesyolohiya, eskatolohiya, atbp.) bilang pag-aambag sa Teolohiyang Pilipino.
Sa pamamagitan ng mga ito, minimithi ng panel na magsilbing isang panawagan, tungo sa pag-usbong ng iba pang pag-aaral ukol sa bisa/saysay ng SP at mga dalumat nito sa iba pang disiplina/kilusan tulad ng Antropolohiya, Sosyolohiya, Ekonomiks, Pampublikong Administrasyon, Pilosopiyang Pilipino, Pilipinolohiya, Araling Kabanwahan, Araling Kababaihan, Araling Etniko, at iba pa.