Threads of Tradition: Embracing the Practice of Tawas
Jomar Tristan E. Nerizon, Chelsea Mae M. Torres, Marie Agatha Beatrice B. David, Ruzzel A. Rivera, & Don Alvinson Cuenco, Angeles University Foundation
Ang deskriptibong fenomenolohikal na pag-aaral na ito ay inililihis ang pokus mula sa mga albularyo patungo sa mga nagpapatawas partikular sa ilang bahagi ng Pampanga. Nilalayon nitong tuklasin ang mga motibasyon, karanasan, at gawi sa kalusugan ng labindalawang kalahok—anim mula sa Generation X at anim mula sa Generation Z—gamit ang pakikipagkwentuhan, isang pamamaraan ng pananaliksik sa Sikolohiyang Filipino na nagtitipon ng malalalim na salaysay sa pamamagitan ng di-pormal ngunit makabuluhang pag-uusap. Ang mga nakalap na kuwento ay sinuri sa pamamagitan ng thematic analysis, alinsunod sa pitong-hakbang na proseso ni Colaizzi, upang matiyak ang masusi at sistematikong pag-unawa sa mga naranasang karanasan ng mga kalahok.Ipinakita ng mga resulta ng pag-aaral na may pagkakatulad ang mga motibasyon ng dalawang henerasyon: kapwa nila itinuturing ang tawas bilang isang maaasahang paunang lunas sa mga karaniwang karamdaman o mga kondisyon na may kultural na kahulugan, kabilang na ang mga pinaniniwalaang kakaibang nilalang o di nakikitang pwersa. Bagamat magkaiba ang kanilang kinalakgang henerasyon at access makabagong pangangalagang pangkalusugan, nananatiling matatag ang paniniwala ng mga kalahok sa bisa at kahalagahan ng tawas sa pagpapagaan ng kanilang mga karamdaman. Ang mga motibasyon ng mga kalahok sa pagpapatawas ay hinuhubog ng kanilang personal na paniniwala sa pagiging epektibo nito, gayundin ng kultural at pang-pamilyang impluwensiya na naipapasa sa bawat henerasyon. Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy na isinasagawa ng dalawang henerasyon ang pagpapatawas ay ang kadalian nitong mahanap at ang abot-kayang bayad sa mga albularyo. Ipinapakita ng kanilang mga karanasan bago at pagkatapos ng ritwal ng tawas ang magkakatulad na mga gawi, bagaman may bahagyang pagkakaiba sa bawat henerasyon. Ipinapakita ng mga gawi sa kalusugan ng mga kalahok ang pagsasanib ng tradisyunal at makabagong panggagamot. Ginagamit ng parehong henerasyon ang tawas bilang pantulong sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan, ngunit lumalapit sila sa mga modernong serbisyong medikal kapag ang karamdaman ay mas seryoso o nangangailangan ng propesyonal na atensyon. Itinatampok ng mga pananaw ng bawat henerasyon ang kakulangan ng mga pag-aaral hinggil sa patuloy na kahalagahan ng tawas bilang isang paraan ng pangangalaga sa kalusugan. Binibigyang-diin din nito ang pangangailangan para sa mga modernong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan na maging mas sensitibo sa kultura at kilalanin ang posibilidad ng sabayang pag-iral at pagsasanib ng tradisyunal at makabagong pamamaraan ng pagpapagaling.