Pagpapatibay ng Bersyong Filipino ng HEXACO-PI-R-100: Isang Paunang Pagsusuri
Christie P. Sio, PhD, Adrianne John R. Galang, PhD, Kathlyn T. Caragay, Marie Rose H. Morales, PhD, & Angelica Cielo B. Gozar, Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Ang mga modelo ng katangian ng personality ay tumutulong sa atin na maunawaan ang iba't ibang aspeto ng karanasan ng tao, kabilang ang well-being at mga kaugnay na konsepto. Dalawa sa mga pangunahing modelo ay ang Five-Factor Model (FFM)—na binubuo ng Neuroticism, Extraversion, Openness to Experience, Agreeableness, at Conscientiousness—at ang six-factor HEXACO model. Ang dalawang modelong ito ay pawang napag-aralan at napatunayan sa iba't ibang kultural na konteksto. Ayon sa pananaliksik, ang mga katangian mula sa FFM ay nagbibigay-liwanag sa kasalukuyang pag-unawa sa subjective at psychological well-being (Joshanloo, 2023; Anglim et al., 2020; Melendez et al., 2019; Abdullahi, 2020), eudaimonic at hedonic happiness (Bojanowska & Urbańska, 2021), at quality of life (Abdel-Khalek et al., 2023). Ang HEXACO model, na may karagdagang ikaanim na salik na tinatawag na Honesty-Humility, ay natukoy din na may mahalagang ambag sa pagpapaliwanag ng kalusugang pangkaisipan, pati na rin ng mga kilos na nagpapabuti o nagpapahina ng kalusugan (Pletzer et al., 2024).Maaaring sukatin ang Five-Factor Model gamit ang Masaklaw na Panukat ng Loob (Mapa ng Loob; Del Pilar et al., 2016)—isang napagtibay na panukat ng personality na binuo batay sa wika at karanasang Pilipino—ngunit wala pang katumbas na napagtibay na bersyon para sa HEXACO model. Dahil dito, limitado ang kakayahan ng mga lokal na mananaliksik na gamitin ang six-factor personality model sa pag-aaral ng well-being at iba pang kaugnay na konsepto gaya ng ginhawa. Upang matugunan ang pangangailangang ito, sinusuri sa pag-aaral na ito ang katibayan ng isinaling bersyon sa Filipino ng 100-item HEXACO Personality Inventory-Revised (HEXACO-PI-R-100; Lee & Ashton, 2018) sa pamamagitan ng isang sarbey (n = 240), kasama ang maikling bersyon ng Mapa ng Loob at ang subscale ng Pagkamatapat mula sa mas mahabang anyo nito.Sa papel na ito, inilalahad ang paunang resulta ng pagsusuri sa ugnayan sa pagitan ng mga katangiang nasusukat ng HEXACO at ng Mapa ng Loob gamit ang mga pamamaraang pang-factor analysis. Ipinakita ng mga iskala ng bersyong Filipino ng HEXACO-PI-R-100 ang sapat na katatagan, na may Cronbach’s alpha na higit sa 0.70 para sa lahat ng anim na salik na sinusukat nito. Tatalakayin din kung paano makatutulong ang sabayang paggamit ng dalawang modelong ito sa higit na masusing pag-unawa sa well-being at mga kaugnay na konsepto (Pilch, 2023; Anglim & O'Connor, 2018; Anglim et al., 2020).Ang pag-aaral na ito ay isa sa mga unang hakbang sa pagpapatibay ng bersyong Filipino ng HEXACO-PI-R-100. Inaasahang makapag-aambag ito sa pagsusulong ng teorya at metodo ng Sikolohiyang Pilipino para sa mas malalim na pag-unawa sa ugnayan ng mga katangian ng personality at ang karanasan ng ginhawa sa kontekstong Pilipino.