Ihahayag sa symposium na ito ang mga paunang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa diskarte, na binigyang kahulugan bilang paggamit ng mga di-pangkaraniwang paraan ng paglutas ng problema sa na kinakaharap sa pang-araw-araw (Morales, 2017). Karaniwang makikita ang diskarte sa trabaho, kung saan kahit na mas maluwag ang mga batas at pamantayan kung ikukumpara sa eskuwelahan, ay may mga pagkakataon pa ring kakailanganing dumiskarte. Tampok sa symposium na ito ang pagdalumat ng diskarte ng mga manggagawang nagtatrabaho sa white-collar na mga posisyon at manggagagawa sa tinatawag na “gig economies” (hal. mga virtual assistant), mga miyembro ng LGBTQIA+ na pangunahing nagtataguyod sa kanilang mga pamilya, at mga sikolohista na nagsisimula pa lamang sa kanilang mga praktika. Hangarin ng mga papel na ito ang tingnan at pag-usapan kung paano isinasagawa ang diskarte sa trabaho: ano ang mga hadlang na karaniwan nilang nararanasan, paano nila ito inaareglo, at ano ang mga kinahihinatnan ng kanilang pagdidiskarte. Tampok din dito ang pagsusuri ng kahalagahan ng diskarte sa trabaho, mga motibasyon para sa pagdidiskarte, at kung para kanino dumidiskarte ang mga kalahok. Layon ng symposium na ito na siyasatin ang mga katangian ng mga konteksto ng iba’t ibang trabaho ng mga Pilipino upang maaninag kung paano nito inuudyok ang mga manggagawa na solusyonan ang mga kinakaharap nilang problema sa di-pangkaraniwang paraan.