Ang apat na paglalahad sa symposium na ito ay galing sa pananaliksik at pagbubuo ng isang pang-komunidad na programa para sa pagbabagong buhay mula sa probelatikong paggamit ng droga gamit ang lapit na kontekstuwal, mapagsanib, at nakatuon sa ginhawa. Isinagawa ang “Pagtalikod sa Droga, Pag-usbong ng Ginhawa” (PDPG) sa isang rural na komunidad sa mga taong 2018 hanggang 2022. Layunin ng programang PDPG ang suportahan ang komunidad na baguhin ang pananaw, mula sa pananaw na mapanghusga, mapangbukod, at nakatuon sa kriminalisasyon, tungo sa pananaw na mahabagin, nagbibigay kapangyarihan, at nakatuon sa pagpapaigting sa ginhawa ng mga gumagamit ng droga (sa Ingles, persons who use drugs o PWUD) at ng kanilang mga pamily na magbagong buhay.
Ilalarawan ng bawat paglalahad ang apat na bahagi ng programang PDPG. Ang una ay tungkol sa mga batayang kaisipan, konsepto, at pamamaraan sa community preparation o ang paghahanda sa komunidad tungo sa pag-angkin at pagmamay-ari ng programa. Ang pangalawang paglalahad ay tungkol sa pagsasanay sa mga likas na tagapangalaga ng komunidad na maging tagapagpadaloy ng programa. Ang pangatlong paglalahad ay tungkol sa mga katangian ng programa na may kinalaman sa positibong kuwento at karanasan ng pagbabago ng mga kalahok. Ang huling paglalahad ay tungkol sa pagsuporta sa mga pamilya sa kanilang pagbibigay kalinga sa kapamilyang nagbabagong buhay at kung paanong sila rin mismo ay makaranas ng ginhawa sa prosesong ito.