PAYASO: Pag-unawa sa Tunay na Kahulugan ng Kaligayahan mula sa mga Tagapaghatid ng Saya
Francine Mae E. Adame, Thea Mayreen E. Perez, Mary Ruth Campanero, Andrea Nicole Mendoza, & Dianne S. Cullar, Batangas State University TNEU-Pablo Borbon Campus
Sa kabila ng mahalagang papel ng mga payaso sa tunay na mundo bilang pangunahing pinagmumulan ng kasiyahan sa iba’t ibang larangan, karamihan sa mga pag-aaral sa pandaigdigang antas ay nakatuon lamang sa epekto ng mga payaso sa kasiyahan ng ibang tao, subalit hindi naman nabibigyang pansin kung ano ang nagpapaligaya sa kanila. Layunin ng pag-aaral na ito na tuklasin ang kahulugan ng kaligayahan para sa mga Payaso, na sumasaklaw sa kanilang personal, emosyonal, relasyonal, at propesyonal na aspeto ng buhay. Gumamit ng lapit na grounded theory ang pananaliksik na ito, kung saan isinagawa ang mga isa-sa-isang panayam gamit ang semi-structured na gabay ng tanong sa piling apat (4) na Payaso na naninirahan sa Batangas. Isinailalim ang mga panayam sa tematikong pagsusuri upang matukoy ang mga pattern at kahulugan mula sa mga datos.Limang (5) pangunahing tema kasama ang mga kaukulang subtema ang lumitaw sa kinalabasan ng pananaliksik na bumubuo sa kahulugan ng kaligayahan para sa mga Payaso: (1) Aliw: Kakayahang Maghatid ng Saya sa mga Manonood sa Pamamagitan ng Pagganap bilang Payaso (Aliw na Handog sa mga Manonood), (2) Hagod: Maayos na Ugnayan sa mga Haligi ng Buhay (Hagod ng Kalinga mula sa Nagkakaisang Pamilya), (3) Agos: Tagumpay na Nagdudulot ng Pangkalahatang Pag-unlad ng Sarili (Agos ng Tagumpay tungo sa Pansariling Banyuhay), (4) Hangarin: Pag-asa na Mapanatili ang Matibay na Dedikasyon sa Propesyong Pagpapatawa (Hangaring Mapagtibay ang Dedikasyon sa Pagbibigay-Halakhak), at (5) Adhikain: Mithiin na Maiwan ang Pamana ng Tuwang Walang Hanggan (Adhikaing Pamana ay Diwa ng Saya).Ipinakikita ng mga natuklasan na ang mga halagahang kultural ng mga Pilipino ay malaki ang impluwensiya sa paraan ng pagtanaw at pagdanas ng mga Payaso sa kaligayahan. Binibigyang-diin ng mga temang ito ang kahalagahan ng pakikipagkapwa, bayanihan, gaan ng loob, at pagsisikap sa kanilang makabuluhang paglalakbay bilang mga alagad ng kasayahan. Dagdag pa rito, inilahad ng pag-aaral ang isang panimulang balangkas na tinawag na HAHAHA Framework (Happiness in Aliw, Hagod, Agos, Hangarin, and Adhikain), na naglalarawan sa multidimensiyonal na kaligayahan ng mga Payaso sa konteksto ng kulturang Pilipino. Ang nasabing balangkas ay nagbibigay ng mas malalim at kontekstuwal na pag-unawa sa kanilang personal at propesyonal na kaganapan bilang tagapaghatid ng tuwa at aliw.