Upang higit na nakagiginhawa ang praktis ng Sikolohiyang Pang-Klinika sa lipunang Pilipino, kinakailangang malapit ito sa karanasan ng mga Pilipino. Ngunit dahil ang larangang ito ay nagsimula sa labas ng bansa, bahagi ng pag-usbong ng Sikolohiyang Pang-Klinika sa Pilipinas ay ang malimit na pag-aangat-patong ng mga teorya, konsepto, at pamamaraang hindi sumasalamin sa pamumuhay ng mga Pilipino at maaaring hindi akma sa kliyenteng Pilipino. Nagbubunga ito ng praktis na nagpapalaganap ng mga Kanluraning ideya at pagpapahalaga tungkol sa kalusugan at kaginhawahan na malayo sa kulturang kinagisnan ng mga mamamayan, grupo, at komunidad na pinaglilingkuran ng mga sikolohistang pang-klinika. Kaya naman mahalagang hamon ang pagbubuo ng mga programa at interbensyong nakaugat sa kulturang Pilipino nang sa gayon ay makabuo ng tunay na Sikolohiyang Pilipinong (SP) Pang-Klinika. Masisilayan ang hangarin ng pagsasakatutubo sa mga inisyatibo ng ilang mga Pilipinong sikolohistang pang-klinika, tulad ng balangkas ng ginhawa ni Villaroman-Bautista, modelo ng pagdadala ni Decenteceo, at konsepto ng tagasalo ni Carandang, atbp.
Upang patuloy na isulong ang adhikain ng pagsasakatutubo, itatampok sa learning session kung paano mapapayaman ng mga piling konseptong Pilipino ang praktis ng pagpapadaloy ng paghilom at ginhawa—hindi lang para sa iba kundi para rin sa sarili. Hango ang learning session sa isang workshop na binuo para sa mga taong nagbibigay-kalinga sa kanya-kanyang komunidad (hal. mga terapist, nars, boluntir, atbp.). Sinadyang piliin ang populasyong ito dahil para sa mga nagbibigay-kalinga, hindi biro ang pagsasakripisyo ng sariling ginhawa upang gampanan ang kanilang tungkulin. Dahil ang kulturang kinabibilangan natin ay lubos na nagpapahalaga sa pag-uuna sa kapakanan ng iba, madalas nakakaligtaan na ang konsepto ng kapwa ay hindi lang basta nakatuon sa ginhawa ng iba—kundi sa pagkakaisa ng loob ng sarili at ng iba. Kaya naman walang ginhawa ang kapwa kung walang ginhawa ang sarili.
Ang workshop na ginawa para sa mga nagbibigay-kalinga ay nakaangkla sa mga konsepto ng loob, kapwa, pagkatao, at pagdadala. Ilalahad sa learning session ang halaga ng mga konseptong napili sa pagpapadaloy ng ginhawa. Ibabahagi din sa sesyon ang aming naging karanasan sa pagpapatakbo ng workshop sa iba’t ibang grupo ng kalahok. Upang higit na mapukaw ang loob ng mga kalahok ng learning session, magkakaroon din ng mga gawaing eksperyensyal (experiential activities) mula sa workshop para bigyang-buhay ang halaga ng pagsasakatutubo ng praktis ng Sikolohiyang Pang-Klinika.
Sa pangkalahatan, nilalayon ng learning session na magsilbing inspirasyon sa pagdebelop ng mga programa at interbensyon na angkop sa mga pagpapahalaga at pangangailangan ng mga Pilipino tungo sa pagbubuo ng isang tunay na SP Pang-Klinika.