“Ako Ba Yung Gago?” Dekolonyal na Pagsusuri ng mga Sosyo-Moral na Dilemang Idinudulog sa Isang Online Komunidad
Jan Jhio A. Navarro, Unibersidad ng Pilipinas Visayas; Khia Mae T. Gunday, Saint Tonis College, Inc.; Jubilee Ira L. Marquez, Pangasinan Polytechnic College; Diana Q. Cillo, RPsy, Caraga State University - Butuan City; Jay A. Yacat, Charmaine P. Galano, Princess Lovella G. Maturan, Laia R. Goyena, & Danielle P. Ochoa, PhD, Unibersidad ng Pilipinas Diliman
May mga panahon sa buhay natin kung saan ay nahaharap tayo sa mga sitwasyon kung saan napapatanong tayo ng “mali ba ako?/ako ba yung mali rito?”. Ito ay dahil sa mga sitwasyon na ito ay hindi malinaw o eksakto kung ano ang tama at kung ano ang maling kilos, o kaya ay dahil may kakabit na mga pagpapahalaga na nagbabanggaan. Ang sitwasyon na ito ay maituturing na mga sosyo-moral na dilema. Anu-ano kayang mga pang-araw-araw na karanasan ang maituturing na sosyo-moral na dilema sa karanasang Pilipino? Anu-ano ang mga katangian ng mga dilemang ito? Upang masagot ito, sinuri namin ang 35 orihinal na post sa Reddit forum na r/ABYG (Ako Ba Yung Gago). Ang mga post na ito ay naglalarawan ng mga pang-araw-araw na karanasan na idinudulog upang humingi ng opinyon o pagpapasya kung tama o mali ba ang ginawa ng orihinal na nag-post (OP). Gamit ang metodong KJ, isang kulektibong metodo ng pagsusuri ng datos, ay bumuo kami ng mga tema mula sa mga tinukoy naming dilema mula sa mga post. Matingkad na tema mula sa mga dilema ang mga may kinalaman sa (1) mga ekspektasyon sa mga relasyon, partikular sa kung ano ang nararapat versus pagtatakda ng hangganan; (2) paglabag sa mga pagpapahalagang Pilipino at panlipunang inaasahan, partikular sa ugnayang hindi ibang tao - ibang tao; at (3) lebel o bigat ng intensiyon na magdulot ng pinsala o pananakit sa tao. Tatalakayin ang mga temang ito sa konteksto ng sikolohiya ng moralidad at panlipunang pag-uugali sa kontekstong Pilipino.