Daluyan ng Kabutihang Loob o Sama ng Loob?: Ang Pagpapakahulugan sa Utang na Loob ng mga Pilipinong Emerging Adult
Charmaine P. Galano, Danielle P. Ochoa, PhD, Samantha N. Erika Mendez, PhD, Michelle G. Ong, PhD, Tracey Dela Cruz, Maria Gwyneth Meneses, Lourdes Gail Ortiz, Lorraine Anne P. Aquino, Jamie Gundaya, Katrina Tala Ocampo, Johnson L. Santos, Jr., Marco Lorenzo Edralin, & Enrico Emmanuel Lacson Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Ang pagtanaw ng utang na loob ay isa sa mga pagpapahalaga (value) na matibay na kakabit ng pamilyang Pilipino. Madalas na inaasahan ang mga anak na tumanaw ng utang na loob, lalo na sa kanilang mga magulang at mga nakakatanda sa pamilya. Ang ganitong ekspektasyon ay kadalasang nasa porma ng pagrespeto sa magulang at pag-aalaga sa kanila kapag sila’y tumanda, pagbibigay ng materyal o pinansiyal na suporta sa magulang at/o mga kapatid, at pagtulong sa mga kamag-anak. Mas nagiging matingkad ang paggampan sa mga inaasahan na ito kapag ang anak ay tumuntong sa debelopmental na yugto ng emerging adulthood kung kailan sila ay nagsisimulang magtrabaho, pumipili ng karerang tatahakin, nag-aasam na unti-unting magsarili, o nagsusumikap magkaroon ng katatagang sosyal at pinansiyal. Sinasabing ang pagtanaw ng utang na loob sa konteksto ng pamilya ay nagiging daan upang mapanatili ang matibay na pagkakaisa at pagpapakita ng malasakit, pagmamahal, at pasasalamat sa isa't isa. Ngunit, hindi maikakaila na marami ang may negatibong pagtingin sa utang na loob, lalo na sa konteksto ng mga relasyon sa loob ng pamilya. Sa papel na ito ay ilalahad namin kung paano binibigyang kahulugan ng mga emerging adult sa Pilipinas ang utang na loob sa pamilya. Pagtutuunan namin ng pansin ang mga panlipunang diskurso at naratibong humuhubog sa kanilang pananaw tungkol sa utang na loob. Ang datos ay galing sa mga kwalitatibong sagot sa isang mas malawak na sarbey tungkol sa filial piety, mga etikal na pagpapahalaga (ethical values), at ginhawa (well-being) ng mga emerging adult sa Pilipinas. Gamit ang reflexive thematic analysis at balangkas ng social constructionism, sinuri namin ang sagot ng 205 kalahok na may edad 18-29 (edad na iniuugnay sa debelopmental na yugto ng emerging adulthood), nakatira sa Pilipinas, mayroong kahit isang magulang na nabubuhay pa, at nakakabasa’t nakakapagsalita ng Ingles. Mula sa resulta ng aming analisis, naging matingkad ang tema ng mga tensiyon sa pagitan ng (1) pagbabalanse ng sariling ginhawa at ginhawa ng buong pamilya, (2) pagkilala sa importansiya ng pagbabalik sa pamilya at kagustuhang umunlad ang sarili, partikular na sa ekonomikong aspeto, at (3) paggiit sa pagkakaroon ng mga hangganan (boundaries) sa harap ng isang kulturang nagpapahalaga sa pagiging kolektibo. Ang pagtanaw ng utang na loob ay maaaring daluyan ng sama ng loob kapag ito ay pinipilit, sinisingil, nagpapataw ng higit sa kakayanan ng anak, at ginagamit na kasangkapan para manakit o mang-abuso. Sa kabilang banda, ang utang na loob ay maaaring daluyan ng kagandahang loob kung ito ay ginagawa nang kusang loob, dala ng totoong malasakit at pagmamahal, at ng likas na intensiyong mapabuti ang kalagayan ng magulang at pamilya. Tatalakayin ang implikasyon ng mga temang ito sa pag-unawa sa utang na loob sa konteksto ng ginhawa ng mga anak at mga pamilya. Tatalakayin din ang potensiyal ng paggamit ng isang lapit na debelopmental-katutubo (developmental-indigenous approach) sa pag-aaral ng utang na loob na nakaugat sa reyalidad at karanasan ng mga anak na emerging adult.