Habang ang kapwa ay naituturing sentrong halagahin ng Sikolohiyang Pilipino, ang pakikiramdam ang nagsisilbing pangunahing halagahang interpersonal nito. Ayon sa paglalarawan ni Matarognon (1987), ang pakikiramdam ay sumasaklaw sa matalas na kamalayan at madaling pagtugon kung saan nagkakaroon ang isang tao ng kakayahang makita ang higit sa nakikita at marinig ang higit sa naririnig. Tinutulungan nito ang mga indibidwal na umayon sa mga di-tuwirang pagpapahayag, mga natatagong damdamin, at sa mga bahagyang pagkakaiba-iba ng mga kumplikado at madalas na malabong sitwasyong panlipunan.
Bagamat ang pakikiramdam ay itinuturing na isang mahalagang kakayahang panlipunan na nagbibigay-daan sa matiwasay na pakikipag-ugnayan, umiiral ang palagay na ang kahulugan nito ay pangkalahatan sa lahat ng konteksto, at hindi nagbabago sa iba’t ibang sitwasyon at grupo. Ang mithiin ng symposium na ito ay mas palalimin pa ang pagsisiyasatsa kahulugan, gampanin, at manipestasyon ng pakikiramdam. Sa pamamagitan ng ginabayang talakayan bilang metodo, nilayon ng mga pag-aaral na bigyang kahulugan at suriin ang pakikiramdam ayon sa pagusbong at paggamit nito sa magkakaibang konteksto at pangkat panlipunan.
Ang unang pag-aaral ay tumutok sa mga kabataang edad 18-20 taong gulang para masipat kung paano binibigyang-kahulugan ng mas nakababatang henerasyon ang pakikiramdam sa konteksto ng pag-usbong ng online communication, social media, at digital spaces. Ang ikalawang pag-aaral naman ay nakasentro sa mga frontliner ng local government units (LGU) upang makita kung paano umiiral ang pakikiramdam sa isang uri ng trabaho kung saan lumilitaw ang iba’t-ibang mga stressor at suliranin. Ang ikatlong pag-aaral ay naglalayong pakinggan ang tinig ng mga kababaihan upang maunawaan kung paano nararanasan at nadarama ang pakikiramdam sa kanilang hanay. Bukod ito, saklaw ng ikaapat na pag-aaral ang komunidad ng LGBTQIA+ upang maunawaan kung paano ginagamit ng mga marhinalisadong grupo ang pakikiramdam. Ang panghuling pag-aaral na kasama sa symposium na ito ay sisilip sa pag-abat bilang patnubay sa pansariling-pangkapwang pandama, pandamdamin, at pakikiramdam ng mga Leyte-Samar Waray.
Ang pagpili ng iba’t-ibang grupo ay nagbibigay-diin sa magkakaiba ngunit makabuluhangmga konteksto na nagdudulot ng sari-saring pananaw na lalo pang nagpapalalim sa pag-unawa sapakikiramdam.