Pagsisiyasat sa Halaga ng Pakikiramdam at Kagandahang-Loob ng mga Balubatang Guro sa Konteksto ng Kanilang Pakikipagkapwa sa Trabaho
Alicia Q. Tablizo, Rachel Ruth Nicolabo, Kristine Paula Z. Elecanal, Joyce R. Rodriguez, & Catherine Joy P. Soberano, Our Lady of Fatima University
Tinatalakay ng pananaliksik na ito ang kahalagahan ng pakikiramdam at kagandahang-loob ng mga balubatang guro ayon sa konteksto ng kanilang pakikipagkapwa sa trabaho. Ipinaliwanag din nito ang mga salaysay ng mga guro tungkol sa pakikiramdam at kagandahang-loob at tinuklas kung paano ito naipapakita sa kanilang mga kaugalian sa pakikipagkapwa sa loob ng paaralan. Ang disenyong ginamit sa pag-aaral na ito ay Narrative Analysis na naglalayong suriin ang mga salaysay ng mga karanasan ng isang tao. Ang mga impormante sa pag-aaral na ito ay anim na balubatang gurong nagtuturo sa pampublikong elementaryang paaralan sa CALABARZON, at higit sa anim na taon ng nagtuturo. Reflexive Thematic Analysis ang ginamit sa pag-aanalisa ng mga datos upang mapalalim pa ang pag-unawa sa mga salaysay sa pamamagitan ng pagbuo ng mga tema. Matapos suriin ang mga datos na nakalap, ang mga mananaliksik ay nakabuo ng sampung pangunahing tema: kaalaman tungkol sa pakikipagkapwa, kaalaman tungkol sa pakikiramdam, kaalaman tungkol sa kagandahang-loob, pakikipagkapwa bilang pag- uugali, pakikiramdam bilang pag-uugali, kagandahang-loob bilang pag-uugali, pakikipagkapwa sa trabaho, pakikiramdam habang nakikipagkapwa sa trabaho, kagandahang-loob habang nakikipagkapwa sa trabaho, at kahalagahan ng pakikiramdam at kagandahang-loob sa pakikipagkapwa sa trabaho. Lumalabas sa pananaliksik na ito nang pakikiramdam at kagandahang-loob ay mga pagpapahalagang parehong ginagamit ng mga balubatang guro kapag sila ay nakikipagkapwa sa trabaho. Iba-iba man ang paraan ng pagpapakita nila nito sa kanilang kaugalian, hindi naman nagkakaiba ang kanilang mga kaalaman tungkol dito. Lumabas din sa pag-aaral na lubos na pinapahalagahan ng mga balubatang guro sa pampublikong elementaryang paaralan ang pakikiramdam at kagandahang-loob ayon sa konteksto ng kanilang pakikipagkapwa sa trabaho upang masiguro ang pagkakaroon ng maayos na pakikipag-ugnayan ng mga balubatang guro sa mga nakakasalamuha nila sa kanilang trabaho.