Pagsipat sa Karanasan at Pahiwatig ng Pagmamahal ng mga Gen Z sa Panahong Digital
Gillian Francesca T. Parangan, Ace E. Dela Cruz, Ella Marie SL. Demandante, Mharjorhey P. Villa, & Justine Phillip A. Opetina, Manila Tytana Colleges
Ang pagpapahiwatig ng pagmamahal ay hindi gaanong natutukan ng pansin sa mga pananaliksik sa Sikolohiyang Pilipino. Ganoon pa man, ang konsepto ng pagpapahiwatig ng pagmamahal ay pumapasok pa rin sa kamalayan ng mga nasa kasalukuyang henerasyon lalo na sa pag-usbong ng social media. Tinalakay sa pananaliksik na ito ang pagsiyasat sa mga pahiwatig ng pagmamahal ng mga Gen Z sa panahong digital. Layon nito na alamin kung (1) Ano-ano ang mga pagpapahiwatig ng pagmamahal, (2) Ano-ano ang pagkakaiba ng pagmamahal sa panahong digital at tradisyonal na pahiwatig ng pagmamahal at (3) Paano ipinahihiwatig ang pagpapahiwatig ng pagmamahal ng Gen Z sa Panahong Digital. Sa pananaliksik na ito ginamit ang pakikipanayam bilang pangunahing paraan ng pagkalap ng datos. Ang mga nakalap na datos mula sa dalawampu’t anim (26) na kalahok ay dumaan sa proseso ng Thematic Analysis nila Braun at Clarke.Ang mga mananaliksik ay nakabuo ng limang distinkong tema: (1) Antas ng ugnayan na tumutukoy sa lalim ng ugnayan ng mga indibidwal, ito ay nahahati pa sa dalawang kategorya, ang (a) Hindi ibang tao na may malalim na ugnayan at (b) Ibang tao na may mababaw na ugnayan; (2) Pagpapahiwatig ng pagmamahal na tumutukoy sa mga kilos na ginagawa ng isang indibidwal upang ipakita at iparamdam ang kanyang pagmamahal, ito ay hinati sa dalawang kategorya (a) paraang pisikal na tumutukoy sa pagpapahiwatig na may impluwensiya ng harapang interaksiyon at (b) paraang digital na tumutukoy sa pahiwatig na may impluwensiya ng teknolohiya. (3) Integrasyon ng teknolohiya sa pakikipag-ugnayan at pagmamahal na tumutukoy sa kung paano nakakaapekto ang teknolohiya at ang pandemya sa daynamiks ng pakikipagugnayan at pagmamahal. (4) Paghahambing ng pagpapahiwatig ng pagmamahal na tumutukoy naman sa mga pagbabago at kamalayan ng mga Gen Z sa pagpapahiwatig ng pagmamahal, (a) tradisyonal ang mga pagpapahiwatig na nakasanayan ng lumang panahon at ito ay inuugnay sa paraang pisikal, at (b) moderno naman ay ang mga pagpapahiwatig ng pagmamahal na nabuo dahil sa integrasyon ng teknolohiya. (5) Pagmamahal sa bayan at kapwa ay tumutukoy sa pakikialam sa estado ng bansa, pagpapahalaga sa paligid, at malasakit sa kapwa na itinuturing na pagpapahiwatig ng pagmamahal ng mga Gen Z. Sa kabuuan, ginamit ng Gen Z ang pinagsamang pisikal at digital na pamamaraan ng pagpapahiwatig ng pagmamahal upang mabuo ang modernong pagpapahiwatig ng pagmamahal. Gayunpaman, hindi nito pinalitan ang tradisyonal na pamamaraan at sa halip, dinagdagan lamang nito ang mga paraan ng pagpapahiwatig.