MGA PANINIWALA SA PATAY
Kapag ang patay ay nakahimlay pa lamang sa tahanan, mahigpit na ipinagbabawal ang salubungin at ihatid ng mga namatayan ang mga bisita. Hindi rin pwedeng magsangag ng kanin at mag-ihaw sa bahay ng namatay. Naniniwala rin ang mga Yogad na hindi dapat naliligo sa bahay ang mga namatayan.
Ang malalapit na kamag-anak gaya ng mga ina, anak na babae at asawang babae ay nagsusuot ng itim na tela sa ulo na tinatawag nilang mantu. Sa ikatlong araw ng patay, ang mag-anak ay nagkakaroon ng gawain kung saan tinatawag nila ang pangalan ng namatay habang iniikot ang buong bahay na may hawak na puting tela. Pinaniniwalaang ang gawaing ito ay upang hindi maiwan ang kaluluwa ng namatay sa mismong bahay.