Mga Halimbawa Ng Paglabag Sa Karapatang Pantao Sa Pamayanan, Bansa, At Daigdig
Paano mo tutugunan ang mga paglabag sa karapatang pantao? Paano ka magsusulong ng iyong karapatan at ng karapatan ng iyong kapwa?
Malalaman mo naman sa araling ito ang iba’t ibang uri ng paglabag sa karapatang pantao. Hihikayatin ka rin ng araling ito na magsulong ng iyong karapatan at ng karapatan ng iyong kapwa. Maraming anyo at halimbawa ng paglabag sa mga karapatang pantao ang araw-araw na nagaganap sa halos lahat ng bahagi ng mundo. Nadidinig, napag-aalaman at napapanood pa natin ang mga paglabag na ito. Ating tatalakayin ngayon ang tatlo sa mga pinakamaraming halimbawa ng mga paglabag sa karapatang pantao. At unawain natin ang mga taong naging biktima ng mga ganitong paglabag. Pag-isipan din natin kung paano nating matutulungan ang mga biktima sa mga halimbawang tatalakayin.
Malalaman mo sa araling ito ang sumusunod:
Halimbawa ng Paglabag sa Karapatang Pantao
Mga Hakbang Upang Maiwasan ang paglabag sa Karapatang Pantao
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang:
1. Makapagsusuri ng iba’t ibang halimbawa ng paglabag sa karapatang
pantao;
2. Makapagpapaliwanag ng mga sitwasyon ng paglabag sa karapatang
pantao sa iba’t ibang kapaligiran; at
3. Makapaglalahad ng mga hakbang upang matugonan ang mga isyu
karapatang pantao
Gawain 1: Pag-isipan Mo
Panuto: Makibahagi sa iyong pangkat, suriin ang larawan ng headline naitalaga sa inyo. Sagutin ang sumusunod na tanong na nakalakip sa Quizizz.
Isulat ang sagot sa diagram at ipasa ito sa google classwork.
Written By Riya Baibhawi
Written By ERIN BLAKEMORE
Written By KATERINA FRANCISCO
HALIMBAWA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO
Mahalagang malaman at masuri ang mga halimbawa ng paglabag sa karapatang pantao sa pamayanan, bansa, at daigdig. Ang sumusunod ay isang pagsusuri sa mga halimbawa ng paglabag sa karapatang pantao:
1. Modernong Pang-aalipin
- Maraming biktima sa sapilitang paggawa. Ayon sa International Labor Organization (ILO), isang organisasyong nagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa, ang modernong pang-aalipin ay ang paggamit ng dahas at pananakot upang pagtrabahuin ang isang tao para sa kabuhayang hindi niya pinili o ginusto at walang anumang naibibigay na sapat na kabayaran para sa kaniyang paggawa.
Ang modernong pang-aalipin ay nakapagdudulot ng matinding kahirapan sa maraming taong kabilang sa kalakarang ito. Nilalabag din nito ang karapatan ng isang tao na magkaroon ng mabuting kabuhayan, gayundin ang ilang karapatang sibil tulad ng pagbuo ng pamilya, pamamahinga at iba pang may kaugnayan sa pangangailangan sa lipunan.
Sa Pilipinas, mahigpit na ipinagbabawal ang pang-aalipin sa bisa ng Batas Republika Bilang 9208 o Anti- Trafficking of Persons Act at ng Batas Republika Bilang 9231 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
2. Kaharasan Laban sa mga Pangkat Minorya
- Ayon sa mga ulat, iba-iba ang dahilan ng karahasan laban sa mga minoryang pangkat. Ang iba ay tumutukoy sa kawalan ng kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng pangkat, at ang iba naman ay sa kaisipang pangkabuhayan dulot ng kinalalagyan ng kanilang lupain na napaliligiran ng mga minahan. Lubos na nakakasama ang ganitong uri ng karahasan laban sa mga minoryang pangkat na nagdudulot ng pagkawala ng kanilang tahanan at kabuhayan, labis na pagkagutom at pagkauhaw, kawalan ng kapayapan, kahirapan at pagkawalay sa pamilya, ang mga ito ay nagdudulot ng matinding paglabag sa karapatan ng mga pangkat minorya.
Ipinagtatanggol ng Konstitusyon ang karapatan ng mga pangkat minorya sa bisa ng Artikulo II, Seksiyon 22 at ng Batas Republika Bilang 8371 o ang Indigenous People’s Right Act of 1997.
3. Terorismo
- Ang terorismo ay tahasang paghasik ng lagim sa mga pamayanan sa loob ng bansa upang maiparating ang hangarin ng isang pangkat para sa pansariling kapakanan. May iba-ibang paraang ginagamit ang mga teroristang pangkat tulad ng pambobomba, pamamaril, pagdukot sa mga tao upang gawing hostage. Ang terorismo ay nagdudulot ng kaguluhan at kawalan ng kaayusan at kapayapaan. Maaaring maganap ito saang panig ng daigdig. Ang patuloy na karahasan sa Iraq at Syria dahil sa pag-usbong ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria). Sa kasalukuyan ang mga ISIS ay patuloy na naghahasik ng pangamba at krimen sa iba’t ibang bahagi ng daigdig
MGA HAKBANG UPANG MABIGYANG PROTEKSYON LABAN SA MGA PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO
May iilang paraan upang mabigyan tayo ng proteksyon at hindi malabag ang ating karapatan bilang tao. Ito ang mga hakbang:
1. Pagdulog sa mga lokal na hukuman
- Kapag nalabag ang iyong karapatan, maaring magsimulang dumulog sa katarungang pambarangay lalo na kapag ang uri ng paglabag ay sakop nito. Kapag hindi sakop, ang kaso ay ipapasa sa tamang hukuman. May mga libreng abogado ang Kagawaran ng Katarungan, ang Komisyon sa Karapatang Pantao, at iba pang institusyon na maaaring makatulong sa pagsasampa at paglilitis ng kaso. Ang mga karapatang sibil at pulitikal ang karaniwang dinidinig ng mga korte sa Pilipinas.
Ang mga kawani ng pamahalaan ay maaring magsampa ng reklamo sa kanilang mga opisina o sa Komisyon ng Serbisyo Sibil at kung ang pagkakasala ay may malakas na ebidensya, maari itong idulog sa Sandigang Bayan.
Ang Kagawaran ng Paggawa at Empleo ay tumutulong naman sa mga manggagawa hinggil sa paglabag ng kanilang karapatang may kinalaman sa paggawa.
Ang Komisyon ng Karapatang Pantao at Public Attorney’s Office ng Kagawaran ng Katarungan ay nagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga Pilipinong mahihirap.
2. Pagdulog sa Pandaigdigang Korteng Pangkatarungan (International Court of Justice)
- Kapag ang mga kaso ay patungkol na sa mga alitan ng tao na galing sa iba’t ibang nasyonalidad o alitan ng mga bansa, ito ay idinudulog sa Pandaigdigang Hukumang Pangkatarungan. Nililitis nila ang mga kaso na nagiging sagabal sa pagsusulong ng karapatang pantao.
3. Edukasyon para sa karapatang pantao
- Ito ang isa sa pinakamahusay na paraan upang hindi malabag ang karapatang pantao. Ang pag-alam sa iba’t ibang karapatan ng tao, maging ang mga paglabag, ay malaking tulong upang maging mapayapa ang ating lipunan. Ang pag-aaral ng ating karapatan ay siyang magmumulat ng ating kaisipan upang ito ay isabuhay.
4. Pagsasabuhay ng karapatang pantao Pagdulog sa mga lokal na hukuman.
- Mahalagang hindi huminto ang pag-aaral ng karapatang pantao sa pagsasaulo lamang ng mga probisyon ng mga batas. Ang pagsasabuhay ng mga natutuhan sa pang-araw-araw na pamumuhay ay isang hamon sa pagsusulong natin ng karapatang pantao. Ito ang tunay na pagkilos upang mapigilan ang paglabag sa ating karapatan at sa karapatan ng iba.
Ang mga sumusunod na links ay maaari mong bisitahin at pag-aralan para mas mapalawak ang inyong kaalaman at kaintindihan sa leksiyon:
1. Mga Halimbawa Ng Paglabag Sa Karapatang Pantao Sa Pamayanan, Bansa, At Daigdig.
· https://prezi.com/zptaj11wa_7h/mga-halimbawa-ng-paglabag-sa-karapatang-pantao-sa-bansa-at-daigdig/
· https://myinfobasket.com/mga-halimbawa-ng-paglabag-sa-karapatang-pantao-sa-pamayanan-bansa-at-daigdig/
2. Aralin 38; Ibat Ibang Anyo at Epekto ng Paglabag sa Karapatang Pantao.
Panuto: Bumuo ng isang spoken poetry bidyu na may mensahe ng karapatan. Ibahagi ito sa anumang platform ng social media (Facebook, YouTube, Tiktok, atbp.)
Mga Pamantayan Sa Spoken Word Poetry Bidyu:
https://www.scribd.com/document/356972517/Spoken-Word-Rubric-Tagalog