Anyo ng paglabag sa Karapatang Pantao
Bilang isang tao, alam mo ba ang iyong mga karapatan? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng karapatang pangtao? Alam mo ba kung bakit may mga isyu sa karapatang pantao?
Bilang isang mamamayan mahalaga na alam mo ang sagot sa mga katanungang tulad nito. Ito ay sa kadahilanang may mga taong walang alam o kulang ang kanilang kaalaman patungkol sa kanilang mga karapatan. Sila ang mga taong madalas na nilalamangan at minsan hindi nila namamalayan na inaapakan na pala ang kanilang mga karapatan. Sa kabilang banda, kung wala kang alam patungkol sa karapatang pantao maari ring ikaw mismo ang magkamali, makagawa ng mali sa iyong kapwa na hindi mo alam at wala sa iyong intensnyon. Kaya mahalaga na may alam ka.
Malalaman mo sa araling ito ang sumusunod:
Kahulugan ng Karapatang Pantao
Uri ng Karapatang Pantao
Anyo ng Paglabag sa Karapatang Pantao
Legal na Batayan ng Karapatan
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang:
1. Makapagpapaliwanag ng konsepto ng karapatang pantao at ang mga anyo ng paglabag nito;
2. Makasusuri ng mga uri ng karapatang pantao at makapagbibigay-halimbawa ng mga karapatan sa bawat uri; at
3. Makapagpapahayag ng mga kalagayan ng karapatang pantao
Sa bahaging ito ay susuriin ang iyong paunang kaalaman at pag-unawa. Simulan mo ito sa pamamagitan ng pagtupad sa susunod na Gawain.
Gawain 1: Mapa ng Konsepto
Bago ka magsimula sa modyul na ito, subukan mo munang sagutin ang pagsubok sa ibaba upang ma sukat ang iyong paunang nalalaman tungkol sa paksang “Karapatang Pantao”.
Panuto: Magbigay ng mga salitang may kaugnayan sa konsepto ng KARAPATANG PANTAO. Maaari mong sundin ang graph sa google classwork o lumikha ng iyong sarili gamit ang MindMeister Mind Map. Pagkatapos, sagutan ang pamprosesong tanong na nakalakip at ipasa ang iyong gawain sa google classroom.
Pamprosesong tanong:
1. Anu-ano ang mga karapatang tinatamasa at hindi tinatamasa?
________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.
2. Anu-ano pangangailangan ng tao upang mabuhay siya ang marangal? Ano ang mangyayari kapag tinangka ng isang tao o institusyon na alisin ang isang bagay na kinakailangan ng isang tao upang mabuhay siya nang marangal?
________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.
3. Ang ilang mga tao sa mundo ay nabubuhay lamang sa kung ano ang pangangailangan habang ang iba naman nabuhay ng may pribilehiyo at karangyaan. Sa tingin mo, ang ganitong sitwasyon ba ay makatwiran? Ito ba ay maituturing na paglabag sa karapatang pantao?
________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________.
KAHULUGAN NG KARAPATANG PANTAO
Sa pagkapanganak pa lamang ay nagtatamasa na ng tiyak, di- maihihiwalay, buo, at di-maitatangging mga karapatan ang tao na mananatili sa kaniya hanggang sa kaniyang libingan.
Pangunahin sa karapatan ng tao ang mabuhay nang Malaya sa anumang paninikil ng kahit na sino, kapwa man niya tao, grupo ng tao, o institusyon sa lipunan, Kaakibat ng “pagiging buhay” ang karapatang matugunan ang lahat ng mga pangangailangan upang “manatiling buhay” at mabuhay nang may dignidad at puno ng pagpapahalaga sa sariling kapakanan bilang tao. Tandaan na walang kinalaman dito ang pagiging makasarili dahil kailangang mabuhay nang matiwasay ang isang tao upang siya ay makatulong sa ibang tao na maging ganap ang kanila pagiging tao.
Konsepto at Kahulugan
Ang mga pangangailangan ng tao ay dapat matugunan upang siya ay mabuhay. Karapatan ng tao na matugunan ang kanyang mga pangangailangan upang siya ay mabuhay nang may dignidad bilang tao. Ang karapatang pantao ay ang mga karapatan na tinatamasa ng tao sa sandaling siya ay isilang. Ang pagkakamit ng tao ng mga pangangailangan niya tulad ng pagkain. Damit, bahay, edukasyon at iba pang pangangailangan ay nangangahulugan na nakakamit niya ang kanyang karapatan. Hindi maaaring mabuhay ang tao kung hindi niya nakakamit ang kanyang mga karapatan. Mayroon tayong karapatan dahil tayo ay tao. Ang pagkakaroon ng karapatang pantao ay bahagi na ng pagiging tao at hindi na kinakailangan pang ito ay kilalanin ng pamahalaan sa estado sapagkat likas na itong bahagi ng tao.
Mahalagang malaman natin ang ating karapatan upang matamasa natin ang mga pangunahing pangangailangan natin bilang tao. Sinumang umagaw sa ating mga pangangailangan o kumitil sa ating buhay ngang walang dahilan ay lumabag as ating karapatan bilang tao. Maari tayong dumulog sa hukuman kung sakaling nahahadlangan ang ating karapatan.
Ang pagkilala sa karapatang pantao ay pagkilala din sa karapatan ng iba. Ang pagkilala sa karapatan ng iba ay nasasaad ng ating obligasyon na igalang ang karapatan ng lahat ng tao. Kung lahat ng mamamayan ay kumikilala sa karapatan ng bawat isa, malaki ang posibilidad ng kapayapaan sa lahat ng aspeto ng ating buhay sa lipunang Pilipino.
URI NG KARAPATAN
1. Karapatang Likas o Natural – Ang bawat tao ay may karapatang mabuhay. Ang karapatang ito ay likas at wagas para sa lahat. Halimbawa nito ay ang mabuhay ng puspos; ang magkaroon ng sariling pangalan, identidad o pagkakakilanlan, at dignidad; at ang paunlarin ang iba’t-ibang aspekto ng pagiging tao gaya ng pisikal, mental at espiritwal.
2. Karapatang Ayon sa Batas – Mauuri pa rin sa dalawa ang ganitong mga
karapatan:
2.1 Constitutional Rights – Ito ang mga karapatang kaloob at
pinangangalagaan o binibigyang proteksiyon ng Konstitusyon ng bansa. Maaaring baguhin, dagdagan, o alisin ang mga ito sa pamamagitan ng mga susog sa Konstitusyon.
2.2 Statutory Rights – Ito ang mga karapatang kaloob ng mga batas na
pinagtibay ng Kongreso o Tagapagbatas. Halimbawa nito ang karapatang tumanggap nang hindi bababa sa itinakdang sahod o minimum wage, karapatang magmana ng mga pag-aari, at karapatang makapag-aral ng libre.
Kategorya ng Karapatan Ayon sa Batas
Binubuo ito ng mga personal na karapatan at karapatang ng mga grupo ng indibidwal o kolektibing karapatang na pinoprotektahan ng pamahalaan at institusyong panlipunan.
1. Karapatang Sibil o Panlipunan (Civil Liberties/Rights)
– Napakaloob dito ang karapatang magkaroon ng matiwasay at tahimik na pamumuhay, kalayaan sa pagsasalita, pag-iisip, pag-oorganisa, pamamahayag, malayang pagtitipon, pagpili ng lugar na titirahan, at karapatan laban sa diskriminasyon. Kabilan din dito ang karapatang maging Malaya at makapaglakbay.
2. Karapatang Pampolitika
– Kinakatawan nito ang karapatan na makilahok sa pagtatakda at pagdedesisyon sa pamumuno at proseso ng pamamahala sa bansa gaya ng pagboto, pagkandidato sa eleksiyon, pagwewelga bilang bahagi ng pagrereklamo sa gobyerno, at pagiging kasapi ng anumang partidong political.
3. Karapatang Pang-ekonomiya o Pangkabuhayan
– Nagpapatungkol ito samga karapatan sa pagpili, pagpupursige, at pagsusulong ng kabuhayan, negosyo, hanapbuhay, at disenteng pamumuhay nang ayon sa nais, nakahiligan, at nagustuhang karera. Naglalaman ito ng karapatan na magkaroon ng ari-arian, maging mayaman, at gamitin ang yaman, at ari-arian sa anumang nais basta’t ito ay naayon sa batas.
4. Karapatang Pangkultura
– Napakaloob dito ang karapatan na makibahagi at lumahok sa pagsasabuhay, pagpapatuloy, at pagpapalawak ng sariling tradisyon, gaw, at pag-uugali. Karapatan ng tao na ipakita sa iba ang katangian ng kinalakihang kultura bilang bahagi ng isang grupo, tribo, o lahi na iniingatan ang mga tradisyong nakagawian hangga’t ang mga ito ay sakop ng saligang batas.
5. Mga Karapatan ng Akusado/Nasasakdal (Rights of the Accused)
– Pinangangalagaan nito ang mga taong akusado o nasasakdal sa anumang paglabag sa batas. Angilan sa mga karapatang ito ang ay ang karapatan sa pagpapalagay na siya ay walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang kasalanan at may karapatan laban sa di-makataong parusa.
ANYO NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO
Ang lahat ng tao ay may karapatang mabuhay nang Malaya at may dignidad. Ang pagpatay, anumang uri, ng karahasan, at pang-aabuso ay paglabag sa karapatan ng taong mabuhay ng Malaya, mapayapa, at walang pangamba. Araw-araw, maraming nangyayaring paglabag sa karapatang pantao ang napababalita. Narito ang iba’t ibang anyo ng paglabag:
1. Pisikal na Paglabag
May mga magulang, guro, at iba pang matatanda ang nananakit at nagpapataw ng mabigat na parusa sa pag-aakalang ito ay mabisang paraan ng pagdidisiplina.
Ang pananakit at pagsugat sa katawan ng tao ay pisikal na paglabag sa karapatang pantao. Ang pagdukot, kidnapping, pagbubugbog gaya ng hazing, pagputol sa anumang parte ng katawan o mutilation, lalo na ang pagkitil ng buhay ay mga pisikal na paglabag.
Ang seksuwal na pananakit tulad ng panghahalay o rape, pagsasamantala, panghihipo, martial rape, at domestic violence ay halimbawa rin ng pisikal na paglabag sa karapatang pantao.
Gayundin, ang tinawag na police brutality o ang labis na pagiging marahas ng mga pulis at military sa mga napagbibintangang Kriminal at kaaway ng batas.
Ang extrajudicial killing at extralegal killing sa mga napagbibintangang kriminal o kaaway ng pamahalaan ay mga paglabag sa karapatang pantao. Ang mga biktima ng nasabing paglabag ay hindi nabigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa korte, bagkus sila ay agad na hinatulan at pinatay.
2. Sikolohikal at Emosyonal na Paglabag
Ang pag-aaway ng mag-asawa, magkamag-anak, o magkaibigan na nauuwi sa sigawan at pagbibitaw ng masasakit o malulupit na salita ay maituturing na paglabag sa karapatang pantao. Gayundin, ang panlalait at pang-aalipusta ay nagdudulot ng trauma sa isang tao. Nagiging mababa ang tingin ng isang tao sa kaniyang sarili at nagdudulot ng ito ng kawalan ng kapayapaan ng loob. Nawawala ang kaniyang kumpiyansa at hindi na makapamuhay ng matiwasay.
Ang simpleng tuksuhan at asaran sa paaralan ay maaaring mauwi sa bullying na sumusugat at lumalatay sa emosyonal na katatagan ng mga bata. Malimit na ito ay nagpapatuloy sa mga social networking site o tinatawag na cyberbullying. May mga kaso na kung saan ang mag-aaral, dahil sa sobrang kahihiyan, panlulumo, at panliliit sa sarili, ay nagpapakamatay.
Ang pananakot upang mapilit ang isang tao na gumawa ng isang bagay na labag sa kaniyang kagustuhan ay paglabag din sa karapatan, gayundin ang pamimilit na sumapi sa samahan.
3. Estruktural o Sistematikong Paglabag
Ang mga ganitong uri ng paglabag ay nagaganap dahil sa mga estrukturang umiiral sa ating pamahalaan at sa mga alituntunin o batas na ipinapatupad dito. Halimbawa, may mga serbisyo ang ating pamahalaan na hindi naipaparating sa mahirap na mamamayan na naninirahan sa mga probinsyadahil ang mga lugar na ito ay mahirap marating. Ang mga ito ay nalalasap lamang ng mga lungsod at sentro ng pamahalaan.
Isa pa rito ang pagkakaroon ng mga antas sa lipunan kung saan ang mga nabibilang sa mataas na antas at ang nakaririwasa ay mabilis na nabibigyan ng atensyon at preferential treatment samantalang ang ordinaryong mamamayan ay hindi mabigyan ng kaukulang atensyon. Kadalasan, kailangan pa nilang maglagay o manuhol para lamang mabigyan ng kinakailangang serbisyo.
LEGAL NA BATAYAN NG MGA KARAPATAN
Ang konstitusyon ng Pilipinas ang sandigan at saligang batas ng ating bansa. Ang Article III ng ating konstitusyon ay tungkol sa Bill of Rights kung saan nakapaloob ang karapatang pantao na dapat ay tinatamasa ng bawat mamamayan. Ang mga karapatan ay lalo pang pinagtibay at sinuportahan ng Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao o Universal Decalration of Human Rights. Ang lahat ng panuntunan at batas na nabuo at bubuuin pa ay kinakailangang makabatay sa Saligang Batas.
Ang mga sumusunod na links ay maaari mong bisitahin at pag-aralan para mas mapalawak ang inyong kaintindihan sa leksiyon:
1. Mga Karapatan ng Bawat Mamamayang Pilipino ayon sa Konstitusyon.
2. Ang Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao (Universal Decalration of Human Rights).
Gawain 2. Paglalapat
Panuto: Punan ang tsart. Magbigay ng mga tiyak na halimbawa ng uri ng karapatan. Ipaliwanag ang bawat isa. Ipasa ang iyong sagot sa google classroom.
Gawain 3: Suri-Larawan
Panuto: Suriin ang bawat icon at tukuyin kung anong Karapatang Pantao ang ipinakikita nito. Piliin ang sagot mula sa kahon at ipasa ito sa google classroom.