Ang Tán-aw ay taunang kumperensiya sa panitikan na naglalayong pagyamanin ang kritikal na diskurso at pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Hango sa salitang “tan-aw” na nangangahulugang “pagtingin” o “pagmamasid.” Layunin ng programa ang masinsinang pagsusuri sa mga anyo ng panitikang mula tradisyonal hanggang kontemporaryo, bilang salamin ng kasaysayan, lipunan, at kamalayang Pilipino. Sa pamamagitan ng tertulya, pagbasa, panayam, at palihan, nililinang ang kasanayang pampanitikan ng mga guro, mag-aaral, manunulat, at iskolar, upang higit na maunawaan ang gampanin ng panitikan bilang kasangkapan ng pagmulat, paglaban, at pagbabago sa lipunan.
Ang Bannuar na mula sa wikang Iloko, na nangangahulugang “modelo” o “huwaran," ay isang taunang kumperensiya at serye ng talakayan na nakatuon sa pananaliksik at diskurso hinggil sa wika. Layunin nitong itampok ang mga makabuluhang pag-aaral sa lingguwistika, sosyolingguwistika, wika at edukasyon, wika at midya, wika at batas, at iba pang usaping pangwika sa konteksto ng isang multilinggwal at makabagong lipunan. Sa tulong ng mga panayam, presentasyon ng papel, at panel discussion na pinangungunahan ng mga lingguwista, guro, mananaliksik, at eksperto sa wika, nilalayon ng Bannuar na maging inspirasyon at modelo sa pagpapayabong ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang instrumento ng pagkakakilanlan, komunikasyon, at pambansang pag-unlad.
Hango sa salitang Iloko na Innadal, na nangangahulugang “matuto” o “pag-aaral.” Ang programang ito ay pambansang kumperensiya para sa mga manunulat, guro, mag-aaral, at mga tagapagtaguyod ng malikhaing pagsulat upang magsanib-puwersa sa pagpapalitan ng kaalaman at kasanayan. Nakatuon ito sa pagpapalalim ng kaalaman sa iba’t ibang anyo ng malikhaing panitikan katulad ng tula, kuwento, dula, sanaysay, spoken word, at iba pa. Sa pamamagitan ng mga palihan, lecture, at malikhaing pagtatanghal, binibigyang-halaga ng Innadal ang malikhaing panulat bilang pundasyon ng kultural na sensibilidad, panlipunang komentaryo, at artistikong ekspresyon.
Ang Dalaydayan ay isang cultural exchange program na naglalayong magsilbing tulay ng ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang pamantasan, organisasyon, at pamayanang kultural sa loob at labas ng Pilipinas. Hango sa salitang “dalayday,” na nangangahulugang “maayos na pagkakasunod-sunod” o “ayos ng pagkakahanay.” Layunin ng programang ito na isulong ang makabuluhang pagpapalitan ng kaalaman, karanasan, at praktika ukol sa wika at kultura sa pamamagitan ng mga kultural na pagtatanghal, immersion, dokumentasyon, at seminar. Sa Dalaydayan, pinaiigting ang pakikipag-ugnayan at pakikiisa ng Sentro sa mga inisyatibang nagtataguyod sa lokal, pambansa, at pandaigdigang kultural na identidad.
Ang Salinsinan ay isang programang nakatuon sa pagpapalawak at pagpapalalim sa larangan ng pagsasalin sa loob ng akademya at mas malawak na lipunan. Kinikilala nito ang mahalagang papel ng pagsasalin sa pagbubuklod ng mga kultura, paglaganap ng karunungan, at pag-unlad ng pambansang panitikan. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, proyektong kolaboratibo, at publikasyon, tinutugunan ng Salinsinan ang pangangailangang maisalin ang mga mahahalagang tekstong lokal, rehiyonal, at internasyonal sa wikang Filipino at sa iba’t ibang katutubong wika. Layunin din nitong makabuo ng mga glosaryo, diksiyonaryo, at terminolohiyang akademiko na nakaugat sa sariling wika, upang higit pang mapaunlad ang mga larang propesyonal sa wikang Filipino.
Ang Tampok ay isang taunang gawad parangal na iginagawad ng ISU – Sentro ng Wika at Kultura bilang pagkilala sa mga natatanging indibidwal, samahan, proyekto, at inisyatiba na nagsusulong sa pagpapayabong ng wika at kultura. Layunin nitong itanghal ang mga huwarang gawaing makawika, makasining, at makabayan sa larangan ng pananaliksik, malikhaing pagsulat, kultural na inobasyon, community engagement, at edukasyong pangwika. Ang Tampok ay hindi lamang simpleng pagkilala kundi ito ay isang pagbibigay-inspirasyon sa mga tagapagtaguyod ng wika’t kultura na ipagpatuloy ang kanilang mahalagang ambag sa paghubog ng isang matalino, makatao, at makabayang pamayanan.