Konsepto ng Sentro ng Wika at Kultura
Konsepto ng Sentro ng Wika at Kultura
Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ang bagong pangalan sa sangay na panrehiyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ipinahihiwatig mismo ng bagong pangalan ang bago at higit na malawak na oryentasyon ng Sentro sa ilalim ng pangangasiwa ng KWF. Bukod sa mga gampaning pangwika, ang Sentro ay inaasahang lumahok at kung maaari’y manguna sa pagsusulong ng mga katangiang pangkultura ng pook (bayan, lalawigan, o rehiyon) na kinalalagyan nito. Ipinapakita sa pamamagitan ng naturang reoryentasyon sa direksyon ng Sentro ang pananalig ng KWF sa wika bilang aktibong bahagi ng buhay ng sambayanan at sa gayon ay imbakan ng karunungan at karanasan ng lipunan. Kultura ang nilalaman ng wika, kaya higit na kongretong saliksikin at pahalagahan ang wika kaugnay ng kultura ng madlang gumagamit nito.