Likha ni Jean Carla Villano
Likha ni Jean Carla Villano
ISPORTS - Ezekiel Eustaquio
KADALASANG NASUSUKAT ang pagiging kampeon ng mga atleta base sa mga panalo at medalyang kanilang naiuuwi. Ngunit mayroon ding naniniwala na ang tunay na tagumpay ay nakikita sa pasiyang manatili—hindi dahil wala nang ibang landas na tatahakin, kundi dahil may mga pangakong mas nanaiisin nilang tuparin.
Matapos makamit ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang korona sa UAAP Season 88 Women's Volleyball Tournament sa pangunguna ng Batch 122 na sina Angel Canino, Lyka De Leon, Shevana Laput, at Amie Provido, pinili nilang manatili dahil sa isang pangakong hindi nasusukat ng anumang karangalan—ang ipagpatuloy ang dinastiyang matagal nang naglalarawan sa ngalan ng pamantasan.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ng apat na beteranang manlalaro ang mga dahilan sa likod ng kanilang desisyong gamitin ang huling taon upang muling pangunahan ang kampanya ng La Salle sa pagtatanggol ng korona sa paparating na bagong yugto ng UAAP.
Pait ng nakaraan, tamis ng kasalukuyan
Hindi naging tuwid ang landas ng Batch 122 tungo sa muling pag-akyat sa trono. Matapos ang kampeonato noong Season 85 bilang rookies, kinailangan nilang tanggapin ang tansong medalya noong Season 86 na sinundan ng pilak noong Season 87—mga panahong nagtanim ng pagdududa, ngunit higit na nagturo ng pagtitiyaga.
Para kay opposite hitter Shevana Laput, ang pinakahuling kampeonato ang may pinakamalalim na kahulugan sapagkat sila na mismo ang nanguna sa pag-angat ng koponan. "Being a champion this time around is so much sweeter compared to when we were rookies because we were the ones that led this team to that championship," ani ng kapitana. Dagdag pa niya, hindi lamang hinilom ng Season 88 ang mga sugat ng nakaraan; nagsilbi rin itong kasagutan sa mga panalanging matagal na nilang pinag-uusapan.
Ganito rin ang pananaw nina Lyka De Leon at Amie Provido, libero at middle blocker ng berde at puting hanay. Para kay Provido, naging sulit ang lahat ng kabiguang kanilang pinagdaanan. "Sobrang na-heal niya talaga... kung hindi dahil sa season 86 at 87, hindi rin kami magiging ganito katatag," pagbabahagi niya. Samantala, inilarawan ni De Leon ang Season 88 bilang unang kampeonatong tunay na maituturing nilang sariling tagumpay bilang mga senyor. Hindi lamang nila nabawi ang korona—nabawi rin nila ang kumpiyansa at ang paniniwalang kaya nilang pamunuan ang koponan sa bisa ng pagkakaisa.
Ang pasiyang manatili
Sa panahon kung kailan maraming atleta ang pinipiling umalis habang nasa tuktok, mas naging buo ang desisyon ng apat na manatili at muling sumubok.
Sa panayam ng APP, inamin ni outside hitter Angel Canino na seryoso niyang pinag-isipan ang pagpasok sa international volleyball matapos ang SEA Games. Ngunit sa paglipas ng mga araw, isang katotohanan ang paulit-ulit na kumakatok sa kaniyang isipan. "I realized after SEA Games na it's really different when you're in La Salle. The feeling is different when you're playing with pride. You won't get the feeling that you're playing in the UAAP anywhere else," aniya. Higit pa sa oportunidad, pinili niyang tuparin ang pangakong binitiwan niya kay head coach Ramil De Jesus, at ito ang magpatuloy hanggang sa kaniyang huli at ikalimang taon.
Hindi rin nagdalawang-isip si Laput. "I made a promise to coach, I made a promise to my family, and I made a promise to myself that I will finish my degree and play my five years here in La Salle," saad niya. Bagama't maaari siyang bumalik sa Australia, mas nanaig ang ugnayang nabuo nila bilang magkakapatid sa bawat laban.
Tatak Lady Spikers Batch 122
May mga ibong isinilang upang sumalipadpad. Ngunit mayroon ding mga ibong pinipiling balikan ang pugad—hindi dahil hindi nila kayang lumayo, kundi dahil may mga pakpak na kailangan pa nilang turuang lumipad.
Hindi lamang nalilimita sa husay sa paglalaro ng volleyball ang kaakibat upang matawag kang Lady Spiker—kinakailangan mong isabuhay ang katapatan sa ngalan ng kapatiran. Sa nalalapit na UAAP Season 89, alam nilang sila na ang tatayong haligi ng koponan at magbibigay tanglaw sa mga nakababata nilang kasamahan. Gayunpaman, sa halip na makuntento sa nakamit, nais nilang higitan ang ipinakitang laro noong nakaraang taon at tapusin ang kanilang huling pagkakataon sa pinakamainam na paraan—ang matagumpay na maipagtanggol ang korona at magabayan ang mga batang susunod sa yapak nila.
Hindi nasusukat sa kulay ng medalya o dami ng tropeo ang nais nilang ipabaon sa kanilang mga kasama. Ipinaglalaban nila ang kulturang humubog sa kanila bilang Lady Spikers—isang pamana ng disiplina, tunay na may katapatan, at kapatirang handang magsakripisyo para sa pamantasan.
Sa huli, mananatiling buhay ang banal na sumpaang iniwan ng Batch 122—na ang tunay na kampeon, hindi lamang nalilimita sa pagkapanalo—marunong ding manatili upang muling sumubok; hindi lamang nagbibigay ng karangalan, kundi nag-iiwan ng pusong habambuhay nang mananahan sa luntiang kaharian.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH