EDITORYAL - Ang Pahayagang Plaridel
Hindi maikukubli ng anumang kinang ng mga natatanging personalidad ang masalimuot na kalakaran ng isang larong buhay, pangarap, at kinabukasan ang itinataya. Naglipana sa social media, telebisyon, at maski sa lansangan ang kaliwa’t kanang patalastas ng mga naglalakihang artistang ibinibida ang kani-kanilang ineendosong online gambling apps. Sa bawat post, sukbit nito ang mga paanyayang himukin ang masang Pilipino upang malasap ang tamis ng tagumpay nang daglian at walang kahirap-hirap.
Nitong Hulyo 15, pumutok ang libreng pamamahagi ng 100 mamahaling cellphone ng sikat na artista at content creator na si Ivana Alawi para sa mga masusuwerteng mapipili ng naturang inisyatiba. Mula sa simpleng like, comment, at share ng naturang content, agaran nang mapabibilang ang sinuman na maaaring mabasbasan ng biyaya. Sa mata ng nakararami, pawang pamamahagi lamang ito ngunit kapansin-pansin sa mismong comment section ng post ang pagbida sa isang kilalang online sugal app. Nagsisilbing patibong ang mga maaamong post upang lihim na mahikayat ng ganid na aplikasyon ang mga Pilipinong nag-aasam lamang ng konting ginhawa sa hirap ng buhay.
Walang panalo at walang libre sa mundo ng pagsusugal sapagkat tanging mga higanteng negosyo, korporasyon, at naghaharing-uri lamang ang tunay na nananaig sa roleta ng kapalaran. Tinutuligsa ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang patuloy na pagbida ng mga sikat na personalidad sa mga larong sugal na nakapapahamak sa direksiyon ng buhay ng mga Pilipino. Sa likod ng limpak-limpak ninyong kinikita sa pag-endoso ng sugal, nagiging galamay kayo ng mapang-abuso at nakapanlululong na adiksiyon ng tao, habang may mga buhay ng pamilyang inyong unti-unting kinikitil at pinagkakaitan ng maginhawang kinabukasan.
Ikinamumuhi rin ng APP ang mga online gambling app na tila isang sakit na kumakalat sa bawat sulok ng mga platapormang tinatangkilik ng sambayanan. Walang puwesto sa lipunan ang mga tulad ninyong pinagsasamantalahan ang katiting na kita ng mga ordinaryong Pilipino na tanging nais lamang mairaos ang pang-araw-araw na pamumuhay. Habang pinipiringan ninyo ng suwerte ang mga Pilipino, tinatahak ninyo lamang sila sa nakapangingilabot na mundo ng kamalasan.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH