Kuha at likha ni Kizabelle Aromin
Kuha at likha ni Kizabelle Aromin
BAYAN - Ziya Agulan, Adia Avendaño, at Jonathan Gutierrez Jr., at Kyla Mojares
PINUTOL ang mahigit 200 puno, kabilang ang mga 35 hanggang 40 taong gulang na Narra, sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Maynila upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng Southern Access Link Expressway (SALEX) nitong Mayo. Ipinangangatuwiran ng mga nagpapatupad ng proyekto ang mas episyenteng daloy ng biyahe sa Metro Manila. Sa kabilang banda, kinahaharap naman ng mga residente ang agarang epekto ng pagkawala ng mga punong matagal nang nagsilbing panangga laban sa init, polusyon, at pagbaha.
Sa pagitan ng pagpapalawak ng impraestruktura at pangangalaga sa kalikasan, madalas na ang mga puno ang unang nagiging kapalit. Tinatayang 15.3 bilyong puno ang pinuputol bawat taon sa buong mundo at 87 milyong ektarya ng makapal na kagubatan ang tuluyang nawawala. Sa gitna ng lumalalang epekto ng climate change, lalong tumitindi ang usapin ng balanse sa pagitan ng kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan.
Sa likod ng pahintulot
Inilatag ng San Miguel Corporation (SMC) ang SALEX bilang isa sa mga proyektong inaasahang magpapabilis sa daloy ng trapiko at magpapahusay sa akses sa transportasyon sa timog bahagi ng Metro Manila. Bahagi ito ng public-private partnership ng SMC at Department of Transportation na naglalayong paikliin ang oras ng biyahe ng mga motorista at mapabilis ang paggalaw ng mga produkto at serbisyo sa kalakhang Maynila.
Sa liham na ipinadala sa ANG PAHAYAGANG PLARIDEL (APP), ipinaliwanag ni Pelita Galvez, Director IV ng Public-Private Partnership Service ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na ang Toll Regulatory Board ang nangungunang ahensiya sa implementasyon ng SALEX. Aniya, nagsisilbi lamang ang DPWH bilang kasaping ahensiya na nagsusuri at nagbibigay ng kaukulang pag-apruba sa proyekto batay sa mga teknikal na pamantayang umiiral. Gayunman, hindi naipaliwanag ni Galvez ang partikular na mga pamantayan, teknikal na konsiderasyon, at prosesong naging batayan sa naturang pag-apruba.
Kasabay ng pagpapatuloy sa proyekto, ipinagkaloob ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang permit na nagpapahintulot sa pagpuputol at paglilipat ng kabuoang 617 puno sa kahabaan ng Quirino Avenue. Sa bisa ng naturang permit, isinagawa ang operasyon hanggang sa pansamantala itong ipahinto nitong Mayo 27 kasunod ng mga panawagan ng mga residente at mga grupong pangkalikasan. Ayon sa DENR, layunin ng suspensiyon na muling suriin ang implementasyon ng proyekto at ang mga usaping kaugnay ng pagputol ng mga puno.
Samantala, nilinaw ni James Christian Riveza, public services officer III ng Department of Environment and Public Services (DEPS) ng Maynila, sa APP na hindi ang kanilang tanggapan ang nagbibigay ng permit sa pagputol ng mga puno. Aniya, mandato ito ng DENR, at tinitiyak lamang ng DEPS na nasusunod ng nagpapatupad ng proyekto ang mga kondisyong nakasaad sa permit, kabilang ang earth-balling ng mga punong maaari pang mailipat at ang tree replacement program na iniaatas ng DENR. Dagdag pa niya, patuloy ring nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa DENR, mga barangay, at sa nagpapatupad ng proyekto upang maiparating ang mga reklamo at hinaing ng mga residente habang nagpapatuloy ang monitoring sa lugar.
Sa kabila ng mga permit, teknikal na pagsusuri, at mga prosesong sinunod ng mga kinauukulang ahensiya, nananatiling buhay ang usapin sa epekto ng proyekto sa kapaligiran. Higit na malinaw ang epekto ng proyekto sa mga residenteng araw-araw na humaharap sa pagbabagong iniwan ng pagkawala ng mga puno.
Kapalit ng ipinangakong kaginhawaan
Hindi pa man natatapos ang konstruksiyon ng SALEX, nararamdaman na ng ilang residente sa Quirino Avenue ang mga pagbabagong iniwan ng pagkawala ng mahigit 200 puno. Mula sa mas matinding init hanggang sa pagbabago ng kalidad ng hangin, unti-unti nang nararanasan ng mga naninirahan sa lugar ang mga pagbabagong dating napipigil ng mga punong nagsilbing likas na panangga sa kanilang komunidad.
Isa sa kanila si Bernadette Ojo, isang estudyante na 13 taon nang naninirahan malapit sa Quirino Avenue. Sa panayam ng APP, idiniin ni Ojo na bagaman sumusuporta siya sa mga proyektong naglalayong mapabilis ang transportasyon at mapaunlad ang ekonomiya, naniniwala siyang hindi makatarungan ang pag-apruba ng DENR sa pagputol ng 617 puno upang maisakatuparan ang SALEX. Para sa kaniya, maaari sanang isama sa disenyo ng proyekto ang mga puno sa halip na tuluyang alisin ang mga ito.
Napansin din ni Ojo ang pagbabago sa paligid ng Quirino Avenue mula nang simulan ang proyekto. “Dati tuwing umaga, makakaramdam ka ng sariwang hangin at hindi gaano amoy ang usok ng mga sasakyan. Ngayon, paglabas pa lamang maaamoy mo na agad ang usok,” pagbabahagi niya. Napansin din niyang mas madalas nang bahingin ang kaniyang pamilya at nasira ang ilang bahagi ng sidewalk na ginagamit ng mga naglalakad sa lugar dahil sa konstruksiyon.
Hindi lamang tao ang ikinababahala ni Ojo. Binigyang-diin niyang madalas na nilang nakikita ang mga ibon sa bangketa matapos mawala ang mga punong dati nilang pinamamahayan. Ikinababahala rin niya ang posibleng epekto ng konstruksiyon sa mga hayop sa kalapit na Manila Zoo. “Nakita ko rin ang pagputol ng mga puno malapit sa Manila Zoo, nababahala ako para sa magiging kalusugan ng mga hayop na inaalagaan doon sapagkat ang pagputol ng puno at construction ng SALEX ay maaaring magdulot sa kanila ng matinding stress,” aniya.
Bagaman inihayag ng San Miguel Corporation ang planong magtanim ng 50,700 punla bilang kapalit ng mga pinutol na puno, hindi ito nakikita ni Ojo bilang sapat na tugon. Para sa kaniya, hindi agad mapapalitan ng mga bagong punla ang benepisyong naibibigay ng mga dekada nang gulang na puno sa pagpigil ng init, polusyon, at pagbaha. Iminungkahi rin niyang dapat lamang pahintulutan ang malawakang pagputol kapag napatunayan nang lumaki at naalagaan ang mga punong ipapalit, upang matiyak na hindi lamang bilang ng mga punla ang naitatala, kundi maging ang kanilang aktuwal na pakinabang sa komunidad.
Pagitan ng dalawang layunin
Magkakaiba man ang pananaw ng mga sangkot sa SALEX, iisa ang kinikilalang layunin ng proyekto—ang pagbutihin ang daloy ng transportasyon at suportahan ang pag-unlad ng Metro Manila. Para sa mga ahensiya ng pamahalaan, nakabatay ang pagpapatupad nito sa mga umiiral na permit, teknikal na pagsusuri, at mga kondisyong pangkalikasan. Para naman sa mga residente, higit na nasusukat ang epekto ng proyekto sa mga pagbabagong araw-araw nilang nararanasan matapos mawala ang mga punong matagal nang bahagi ng kanilang komunidad.
Sa pagpapatuloy ng konstruksiyon, nananatiling bahagi ng usapin ang pagsasakatuparan ng mga pangakong hakbang tulad ng earth-balling at tree replacement. Patuloy namang sinusukat ng mga residente ang epekto ng proyekto hindi lamang sa bilis ng kanilang biyahe, kundi pati sa pagbabagong dulot nito sa lugar na kanilang tinitirhan.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH