Retrato mula sa Bulatlat
Likha ni Chiara Caballes
Retrato mula sa Bulatlat
Likha ni Chiara Caballes
BAYAN - Jill Pauline Ferrer
NANANATILING NAKADIIN bilang isang tusong oportunidad para sa mamamayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagtanggap sa mga ilegal na pag-alok sa mga trabaho o illegal recruitment. Bukod sa usapin ng etika sa pamamaraan ng pagrerekrut, nahaharap ang mga indibidwal na maaaring mahalina rito sa banta ng seguridad, legalidad, at lalong pananamantala sa kanilang mga karapatan.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng mahigit 2,000 taong nasagip sa loob at labas ng naturang rehiyon na naging biktima ng pinaghalong mga kaso ng illegal recruitment at human trafficking. Nitong Mayo, nailigtas naman ang dalawang menor de-edad galing sa Maguindanao del Sur na pinangakuan ng trabaho sa ibang bansa bilang mga domestic helper.
Sa pagitan ng tiyansa para maitaguyod ang kani-kanilang pangangailangan at panganib na kaakibat ng prosesong nangangako ng pag-angat sa buhay, mababakas ang mas malalaki pang mga rason sa pagpayag ng mga biktima sa illegal recruitment sa BARMM. Higit ding lumilitaw ang mga biyak sa sistemang burukratiko sa Pilipinas na tila mas itinutulak pa ang mga Pilipinong tumaya sa mga paraang nakababahala.
Kasunduang walang katiyakan
Saksi ang Kaagapay OFW Resource and Service Center Incorporated (Kaagapay OFW) sa maraming paraan ng pagrerekrut ng mga illegal recruiter sa mamamayan sa BARMM. Bilang isang organisasyong nakabase sa Cotabato City at itinatag upang tumutok sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa BARMM, patuloy nilang dinodokumento ang mga prosesong ginagamit ng mga ahente upang mahikayat ang mga indibidwal.
Kabilang sa mga paraang ito ang pamemeke ng mga dokumento, pag-aangkin sa ibang mga identidad, pagbibigay ng suportang pinansiyal sa kanila ng mga recruiter upang maisaayos ang mga dokumento, pagbabayad upang asikasuhin na ng mismong recruiter ang kakailanganing mga papeles ng mga mabibiktima, at pagrerekrut sa dihital na pamamaraan.
Sa pagbabahagi ni Kaagapay OFW Executive Director Goldy Luck Omelio sa panayam sa ANG PAHAYAGANG PLARIDEL (APP), “Nakakabahala ‘yan kasi ‘yung mga applicant na naging dependent sa mga agent parang sila ‘yung mas vulnerable sa rights violations in terms of ‘yung excessive collection of fees. Kasi kung hindi alam ni OFW ‘yung mga batas na nagpoprotekta sa kaniya, puwede talaga siyang singilin ng recruiter or ng agent ng lampas doon sa [i]tinalaga ng batas na recruitment fees.”
Bukod sa mga nabanggit na paraan, lumulutang din ang pagbiyahe sa pamamaraan ng backdoor upang maisakatuparan ang illegal recruitment sa BARMM. Dulot na rin ng heograpikong katangian ng nasabing rehiyon, lalo na’t pinalilibutan ang ibang mga bahagi nito ng katubigan, mas nagiging madali ang paglusot ng mga indibidwal sa mga karatig- bansa sa pagsakay lamang ng mga bangka.
Sambit ng tourist guide sa Tawi-Tawi na si Paul* sa panayam sa APP, “Wala silang passport or kung mayroon man, ‘yun na nga, iba ‘yung inaalok sa kanila, iba rin ‘yung magiging trabaho nila roon. So technically, backdoor talaga ‘yung labas nila. So, rito sa Bongao [Tawi-Tawi] sila manggagaling or from other islands and then they go to another island that is nearer to Malaysia and then doon, pumapasok sila sa Malaysia just to work there.”
Marka ng pagtugon sa pangangailangan
Kadalasang isinasagawa ang ilegal na pag-aalok sa mga biktima sa mga barangay sa BARMM at mula sa 30 biktimang nakausap ng Kaagapay OFW sa kanilang pananaliksik noong 2023, 20 rito ang hindi na sinuring maigi ang kredibilidad ng mga ahenteng kumausap sa kanila. Ilan sa mga trabahong iniaalok sa mga indibidwal ang paggawa sa konstruksiyon, prostitusyon, at pagiging isang domestic helper.
Lumalabas na mas bulnerable sa illegal recruitment ang kababaihan at menor de-edad batay na rin sa datos ng MSSD na karamihan sa mga nabibiktima ang mula sa naturang mga sektor. Pinapalitan ang edad ng mga menor de-edad tungo 20 hanggang 24 na taong gulang upang maabot nila ang legal na edad na kinakailangan para makapagtrabaho sa ibang bansa. Gayundin, tumutuon sa kababaihan ang mga naiulat na oportunidad sa paghahanapbuhay sa ibang bansa gaya ng pagiging domestic helper at prostitute.
Kapuwa ipinunto nina Omelio at Paul ang nananaig na suliranin sa kababaan ng kita at kakulangan ng trabaho sa BARMM bilang mga dahilan sa patuloy na pagtanggap ng mga mamamayan sa illegal recruitment. Bagaman inaprubahan ng Bangsamoro Tripartite Wage and Productivity Board ang Php50 umento sa sahod nitong Hulyo, malayo pa rin ito sa iminungkahi ng IBON Foundation na Php2,201 kabuoang halaga ng suweldo upang maipantustos ng isang pamilyang may limang miyembro sa pang-araw-araw.
Pagbibigay-diin pa ng executive director ng Kaagapay OFW, “Especially kapag ang pinag-uusapan natin ang mga rural communities [na] mga mataas ang risk sa armed conflict, and cyclical ‘yung armed conflict sa mga areas [na iyon], and hindi naman ganiyan kalakas ‘yung effort ng government to rehabilitate kung ano ‘yung na-destroy ng armed conflict. [Kumbaga] na-destroy ‘yung livelihood, na-displace [sila]. Talagang kung ano ‘yung pinresent sa’yo ng mga opportunities, iga-grab mo.”
Selyo ng mga awang sa sistema
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang pasikot-sikot na mga prosesong pagdadaanan upang makakuha ng mahahalagang dokumento gaya ng birth certificate, ID, working visa, at iba pa, bago pormal na makapagtrabaho. Para sa mga biktima ng illegal recruitment, ang pagba-backdoor at pakikipag-ugnayan sa ilegal na mga alok ang nakikita nilang mas mabisang paraan para mapadali ang inaasam na suweldo sa ibang dako.
Inilahad ni Paul na nadadaig ng pagbibigay ng higit-kumulang Php10,000 para makapag-backdoor ang perhuwisyo ng pagpila nang matagal sa mga tanggapan ng gobyerno, pagbayad ng mahal na tiket upang makalipad sa ibang bansa, at hindi tiyak na pagkakaroon ng trabaho sanhi ng hindi pagtatapos sa pag-aaral ng isang indibidwal. Sa kabila ng mga ito, ipinahayag ni Paul ang pagpapabuti sa opisina ng Philippine Statistics Authority sa kanilang lugar at palagiang pagpapaalala ng lokal na pamahalaan sa mga pabatid tungkol sa illegal recruitment upang maaksyunan ang nasabing isyu.
Sa panig naman ng Kaagapay OFW, binibigyang-halaga nila ang koneksiyon sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapatibay ng pagbabahagi ng mga tamang impormasyon, pagsusulong sa mga ordinansa ng mga lokal na pamahalaan, at pagpaparami sa mga epektibong OFW help desk sa mga munisipalidad. Pagdating sa mga inisyatiba ng Ministry of Labor and Employment, isa rito ang kampanya nilang nakasentro sa pagiging malay ng mamamayan ng BARMM sa karapatan ng mga OFW at problema ng illegal recruitment.
Gayunman, nagkaisa ang tinig nina Omelio at Paul sa pagsasaad na hindi pa sapat ang mga hakbang na ginagawa ng pambansa at lokal na pamahalaan para tuluyang sugpuin ang illegal recruitment sa BARMM. Ani Paul, “Sabihin nating kung kaya naman nilang mamigay ng magandang pangkabuhayan sa mga tao, ibigay nila para hindi lang talaga maengganyo ‘yung mga tao na pumunta ng ibang bansa kahit sabihin nating illegal recruitment, ‘yon. ‘Yun lang, ayusin lang nila ‘yung sistema.”
Kaakibat ng bawat trabaho ang mga nakaambang peligrong haharapin at hinaharap ng mga manggagawa. Ngunit para sa mga mamamayan sa BARMM, mas matimbang ang anumang pangamba kaysa umuwing kumakalam na naman ang sikmura ng pamilya. Mas nagiging abot-kamay ang inaasam na pagkakataon sa pamamagitan ng pagkapit sa talim ng nananaig na prosesong itinuturing na daan tungo sa kaginhawaan.
*Hindi tunay na pangalan
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH