Kuha ni Paulo Datu
Kuha ni Paulo Datu
BAYAN - Jovel Mae Escaño, Miguel Jae Asido, at Zedrick Roa
IGINIIT ng mga progresibong grupo ang paniningil ng katarungan para sa mga paglabag sa karapatang pantao noong Batas Militar bilang paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon nito ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., Setyembre 21. Kasabay nito, nagmartsa ang hanay ng mga multisektoral na grupo mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola, dala ang sari-saring panawagan sa lansangan.
Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang kilos-protesta at isinagawa ang pormal na programa sa Liwasang Bonifacio bago magmartsa ang hanay ng mga grupo patungong Mendiola. Gayunman, napilitang ihinto ang martsa at ipagpatuloy ang maikling programa sa panulukan ng Recto matapos bakuran ng mga puwersa ng kapulisan ang naturang lugar.
Nagkaisa ang iba’t ibang pangkat sa panawagan laban sa korapsiyon, para sa pananagutan at dagdag-sahod, gayundin sa pagkondena sa inisyatibang Pax Silica na naglalayong magtayo ng industrial hub sa Tarlac City.
Bagong dekada ‘70
Ilang dekada na ang lumipas mula nang mangyari ang isa sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan ng bansa. Gayunman, patuloy na nararanasan ng mga Pilipino ang iba’t ibang danas na iniuugnay sa mga iniwang sugat ng nakaraang rehimen hanggang sa kasalukuyang administrasyon. Kabilang dito si Clarice Palce, Secretary-General ng GABRIELA Alliance of Filipino Women, na patuloy na nasasaksihan ang mga anyo ng karahasang politikal at paglabag sa karapatang pantao.
Tahasang ipinahayag ni Palce sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang pagkadismaya sa nagpapatuloy na mga paglabag. Pagbabahagi niya, “Nagpapatuloy ang paglaban ng mga mamamayang Pilipino dahil nananatili pa rin kung ano ang naranasan nating krisis sa panahon ng Batas Militar. . . Kitang-kita natin kung paano tayo hinaharang ng [kapulisan], nagaganap pa rin ang pamamaslang, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, at [pandurukot].” Idinagdag din ni Palce na hindi sapat ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control project sapagkat hindi pa napapanagot ang mga pangunahing maysala.
Mariin namang kinondena ni Clarence Mindo, kalihim ng University of Santo Tomas Central Student Council, ang pagpapawalang-sala ng Korte Suprema sa pitong kaso ng graft laban kay Imelda Marcos. Para kay Mindo, kabastusan ito sa mga biktima ng Batas Militar. Aniya, “Alalahanin natin ‘yung kalagayan noon sa Negros, lubhang [nahihirapan] habang si Imelda Marcos nagpapakasasa sa mga alahas at sapatos, at ‘yung pagkakaabsuwelto niya sa mga kaso ay kabastusan doon sa mga [namatay] at kagutuman noong [panahon] ng Martial Law.”
Binigyang-diin ni Palce ang patuloy na paglaganap ng represyong politikal sa Pilipinas. Ayon sa kaniya, isang paglabag ito sa karapatang pantao na ipahayag at ipagtanggol ang kanilang karapatan. Ikinalungkot niya ang patuloy na pagdanas ng mga Pilipino sa ganitong uri ng karahasan.
Iginiit ni Palce na hindi dapat pumayag ang mga Pilipino sa patuloy na pang-aapi; sa halip, dapat ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga karapatan ng bawat sektor.
Paninilbihan sa dayuhan
Naninindigan ang iba’t ibang sektor na pinagsisilbihan lamang ng inisyatibang Pax Silica ang interes ng mga dayuhang bansa. Lumilitaw ito sa mga bantang nararanasan ng mga magsasaka at katutubo sa kanilang kabuhayan at lupain. Bukod sa kakulangan ng reporma sa lupa, ibinahagi ni Ronnie Manalo sa APP, kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang banta ng Pax Silica sa lupain ng mga magsasaka at katutubo.
Saad ni Manalo, “Ang 1,620 ektarya na ibibigay sa Pax Silica ay aagawin ‘yan sa mga magsasaka at sa mga katutubo.” Dagdag pa niya, “Ang Pax Silica ay inilihim sa sambayanang Pilipino at pabor sa interes ng Estados Unidos.” Aniya, lumitaw lamang ang usapin matapos humingi ng paglilinaw ang kanilang kinatawan sa pagdinig ukol sa panukalang pondo ng Department of Environment and Natural Resources.
Inilalahad din ni Mindo na hindi lamang nanganganib ang magsasaka at katutubo, kundi ang mas malawak na publiko. Bukod sa mga pangamba hinggil sa lupain at kabuhayan ng mga magsasaka at katutubo, iginiit niya na maaaring magdulot ang Pax Silica ng mga panganib sa Pilipinas, kabilang ang paglala ng tensyon sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos.
54 na taong paniningil sa katarungan
Patuloy na kinokondena nina Manalo, Mindo, at Palce ang mga suliraning patuloy na nararanasan ng taumbayan mula nang ideklara ang Batas Militar. Nanawagan din si Mindo na higit na bigyang-priyoridad ang edukasyon kaysa sa mga inisyatibang higit aniyang pakikinabangan ng mga dayuhang bansa. Binigyang-diin din niya ang pagbaba ng antas ng literasiya sa kabataan at mga pagbawas sa badyet ng mga pampublikong pamantasan.
Buong tapang ding hinamon ni Mindo ang administrasyong Marcos Jr., “Huwag matakot [ang administrasyon] sa pagiging kritikal ng mga kabataan dahil sa pamamagitan ng mga ito ay nasisikil ‘yung kapasidad at ‘yung potensiyal ng ating mga kabataan na future molder[s] of our nation.” Tindig din niyang kaakibat ng pagkalimot sa mga karumal-dumal na mga krimen ng Batas Militar ang pagbaon sa mga paglabag sa karapatang pantaong patuloy na tinatalikuran ng administrasyong Marcos Jr. at Duterte.
Hindi maikakailang nananatili sa mga hinaing ng iba’t ibang sektor ang mga usaping iniwan ng Batas Militar. Sa gitna ng mga bagong anyo ng pang-aabuso at paninikil, patuloy nilang isinusulong ang pananagutan at katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH