Dibuho ni Louisse Lauren Gonzales
Dibuho ni Louisse Lauren Gonzales
BALITA - Jehsie Ann Nikole Villamor at Prince Jheffyruzhen Angeles
HUMAHARAP sa masalimuot na proseso ang mga kasong pang-akademikong idinudulog sa Student Discipline Formation Office (SDFO) habang sumasailalim ito sa iba’t ibang hakbang bago humantong sa pinal na pagpapasiya. Patuloy na nagsisilbing hamon ang haba ng panahon ng imbestigasyon, pagkuha ng pahayag ng mga sangkot, at iskedyul ng mga pagdinig para sa naturang tanggapan upang matiyak lamang ang patas na proseso sa mga kaso.
Pinaunlakan ng panayam ng SDFO ang Ang Pahayagang Plaridel upang ilantad ang mga dahilan ng mabagal na proseso, kabilang ang mga isinasagawang hakbang ng tanggapan upang mapabilis ang pagresolba ng mga reklamo at pagtiyak ng values at character formation.
Disiplina bilang mukha ng paghubog
Ipinaliwanag ni SDFO Director Mark Christian Reyes na isinasagawa ng tanggapan ang pre-hearing conference sa mga sangkot upang ihanda ang mga ito sa maaaring kaharapin sa pagdinig. Iniuugnay nila ang referral sa Counseling and Psychological Services sakaling kinakailangan ang mga ito.
Pinahahalagahan naman ng tanggapan ang pagiging kumpidensiyal sa pamamaraan ng pribadong pakikipag-ugnayan sa mismong email ng mga estudyanteng sangkot. Iniiwasan ng mga discipline officer ang pagpunta sa silid-aralan upang hindi magdulot ng maling interpretasyon sa ibang estudyante o propesor hinggil sa kasong kinahaharap ng mga ito.
Sumasangguni naman ang SDFO at Student Discipline Formation Board (SDFB) sa mga eksperto ukol sa ebidensya ng imbestigasyon at desisyon sa mga kasong plagiarism at may kaugnayan sa artificial intelligence. Naglalaan din ang opisina ng formative intervention tasks, maliban sa karampatang parusa, upang matulungan ang mga respondenteng maunawaan ang kahalagahan ng integridad at katapatan sa akademikong gawain.
Gayunman, kinikilala ng SDFO ang pangangailangang mapabilis ang pagtugon sa mga kaso. Saad ni Reyes, “Kaya commitment na lang namin sa Pamantasan sa lahat ng nagsasampa o nasasampahan ng kaso ng academic dishonesty na patuloy namin ginagawa ang lahat para mapabilis ang pag-usad ng mga kaso.”
Sa timbangan ng hustisya
Tinukoy ni Reyes ang mahabang due process at limitadong iskedyul ng tanggapan bilang mga salik sa pagkaantala ng mga reklamo. Sinasala ng SDFO ang mga reklamong sinusundan ng pangangalap ng mga salaysay at ebidensiya bago buoin ang ulat ng imbestigasyon. Mariin namang tinitimbang ng Office of the University Legal Counsel ang batayan ng reklamo bago ito pormal na iharap sa SDFB.
May limang araw ang respondente upang makapagsumite ng kasagutan sa kaniyang kaso ngunit maaaring humaba ang proseso sa tuwing nangangailangan ng karagdagang panahon ang estudyante upang maihanda ang kaniyang paliwanag. Isinusulong lamang ang ulat kapag natatanggap na ang panig ng nasasakdal, alinsunod sa karapatan nitong marinig at maipagtanggol ang sarili.
Dagdag pa sa hamon ang nakabinbin na mga pagdinig sa SDFB at pagtutugma ng mga iskedyul ng lupong binubuo ng kinatawan mula sa administrasyon, kaguruan, at mga estudyante. Naaantala rin ang mga pagdinig dulot ng mga suspensiyon ng klase at iba pang hindi inaasahang pangyayari.
Nilinaw naman ni Reyes na hiwalay ang pagdidisiplina sa usapin ng grado. Nananatili sa propesor ang pagpapasiya sa marka ng estudyante, habang nakatuon ang SDFO at SDFB sa pagresolba ng mga paglabag sa Student Handbook.
Saloobin ng Lasalyano
Ipinabatid ni Brittany Aquino, ID123 mula AB English Language Studies, na hindi madaling maunawaan ang mga termino sa impormasyong ibinabahagi ng SDFO sa mga help desk announcement (HDA) ukol sa Student Handbook.
“Information overload lalo na sa mga HDA na parang mas maganda kung may publication materials na maglilinaw ng mga proseso at terminong nakasaad sa mga proseso. Hindi kasi papansinin ng mga estudyante kung sobrang daming impormasyon ang ibinabagsak,” paliwanag niya.
Sinariwa ni Aquino ang naturang hamon sa karanasan ng kaniyang mga kaklase sa General Education courses na nagkaroon ng mga kaso kaugnay ng plagiarism. Tinukoy niyang may ilang mga terminong ginagamit sa proseso na hindi madaling maunawaan.
Hinihiling ni Aquino na magkaroon ng kalidad na pagbabahagi ng impormasyon para sa kamalayan ng mga estudyante sa mga alituntunin ng Pamantasan. Iminungkahi niyang makatutulong ang pagsasagawa ng publication materials upang mas maunawaan ang mga karapatan at ang mga prosesong maaaring harapin sa isang kasong pang-akademiko.
Nananatiling hamon para sa SDFO ang pagtitimbang sa bilis ng pagresolba at pagtiyak sa karapatan ng bawat panig sa pag-usad ng mga kasong pang-akademiko. Patuloy naman ang panawagan ng pamayanang Lasalyano para sa malinaw na impormasyon tungo sa kamalayan ukol sa Student Handbook.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH