Dibuho ni Aragorn Demoral
Dibuho ni Aragorn Demoral
BALITA - Nadine Nicdao
INULAN ng hinaing ang inilunsad na Archers Hub, ang bagong enrollment website para sa ikatlong termino ng akademikong taon 2025–2026 nitong Abril 21. Nagdulot ng pagkadismaya sa pamayanang Lasalyano sa naging estado ng paggamit nito lalo na sa kasagsagan ng enlistment matapos makaranas ng mga teknikal na suliranin sa pag-akses ng naturang sistema.
Daing ng pamayanang Lasalyano
Nanawagan si Diego Yason, ID123 mula College of Computer Studies, sa kaniyang liham para kay De La Salle University (DLSU) President Br. Bernard Oca FSC na isaalang-alang ang karanasan ng mga Lasalyano upang maiwasan ang paulit-ulit na mga teknikal na suliranin sa sistema. Nagsumamo rin siyang konsultahin din ang mga estudyante bago ilunsad ang malaking pagbabago sa sistema ng Pamantasan.
Iginiit din ni Dan Reyna, ID122 mula College of Liberal Arts, na nangangailangan ng karampatang paghahanda ang paglulunsad ng Archers Hub. Hiniling niyang magsagawa ng masusing pagsusuri sa sistema upang matukoy at maresolba ang mga posibleng suliranin bago ito ipagamit sa mga estudyante.
Paliwanag mula Provost
Binigyang-linaw ni DLSU Provost Dr. Robert Roleda na naging hadlang ang pandemya sa planong pagpapalit ng MyLasalle at Animo.Sys at paglulunsad ng isang website para sa mga transaksiyon at pangangailangan ng mga estudyante na unang isinulong noong 2018.
Tinukoy din niya ang pangangailangan ng pagpapalit ng mga naturang website bunsod ng kalumaan na maaaring magkompromiso sa seguridad ng mga datos. Ipinunto niyang walang kakayahan ang Pamantasan na isagawa ang pag-upgrade o pag-update sa MyLaSalle at Animo.Sys dahil hindi na bahagi ng administrasyon ang mga developer nito.
Nilinaw naman ni Dr. Roleda na dulot ng isinagawang configuration ng mga datos at hindi sa dami ng mga gumagamit ang mga pagkaantala ng website na iniulat noong enlistment.
Tugon ng mga opisina
Inihalintulad nina Information Systems and Technology Services Vice President Martin Ledesma at Archers Hub Project Ascension Head Criscel Lamsin ang mga isyu hinggil sa Archers Hub bilang “birth pains” sa paglulunsad ng bagong website. Depensa rin nilang naging masusi ang paghahandang isinagawa ng opisina bago tuluyang ilunsad ang naturang website.
Nanindigan silang sapat ang naging bilang ng mga estudyanteng nakibahagi sa user acceptance testing (UAT) upang matukoy ang mga isyu kaugnay ng paggamit nito. “May mga pagkukulang ngunit ginawa namin ang aming makakaya, sa kabila ng kakulangan ng detalye at sa pagkokompleto ng data na mina-migrate,” paliwanag nina Lamsin at Ledesma.
Sumang-ayon si Dr. Roleda na may kaukulang paghahanda ang Archers Hub bago ito inilunsad sa pamayanang Lasalyano subalit aminado siyang nagkaroon ng mga suliranin sa mga datos ng mga estudyante na hindi natukoy noong UAT. Ipinaliwanag niyang hindi rin agarang matutukoy ang naturang problema sapagkat nasa humigit 20,000 estudyante ang kinakailangang suriin.
Sa kabila ng mga aberya, ikinatuwa niyang nakatanggap ang administrasyon ng mga testamentong mas naging madali ang proseso ng enlistment sa Archers Hub.
Kinabukasan ng Archers Hub
Ipinangako ni Dr. Roleda ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng DLSU sa sistemang MasterSoft para sa pagpapabuti ng Archers Hub. Pinaiigting din ang paglilinis ng mga datos at ang pagsasaayos ng mga function ng naturang website, kabilang ang planong integrasyon ng mga platapormang ginagamit ng Pamantasan tulad ng Canvas.
Kumpiyansa si Dr. Roleda na mas magiging maayos ang karanasan ng pamayanang Lasalyano sa mga susunod na enlistment matapos itong matukoy ng Project Ascension at ng MasterSoft ang mga suliraning kinaharap. “Marami mang problema, nakaraos din tayo,” pagbabalik-tanaw ng Provost.
Bukod sa mga inaasahang pagpapabuti ng Archers Hub, sinusuri din ng administrasyon ang posibilidad na bumuo ng Archers Hub mobile application upang higit na mapadali ang pag-akses ng mga estudyante sa kanilang mga datos.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH