Laruang Pasalubong ng inang OFW, ipinasira dahil sa hinalang may kontrabando
Laruang Pasalubong ng inang OFW, ipinasira dahil sa hinalang may kontrabando
"Akala nila may droga nga o something inside so doon na ako nagtaka," ayon kay Ramos. Kuhang larawan sa Pepnews.ph
NAIA -Ipinasira ng isang inang Overseas Filipino Worker (OFW) ang laruang eroplano na pasalubong sana niya sa kaniyang anak dahil sa hinala ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na di umanong pinaghihinalaang may lamang kontrabando sa loob.
Habang hinihintay ang kaniyang biyahe, sinabi ni Rachell Anne Ramos na nilapitan siya ng isang kawani dahil may nakita raw na kahinahinala sa kanyang bagahe. Dalawang beses umanong idinaan sa X-ray machine ang kaniyang bagahe at ipina-amoy din sa K-9 unit o aso.
"Akala nila may droga nga o something inside so doon na ako nagtaka," ayon kay Ramos.
Para matapos na umano ang hinala at para hindi siya maiwan ng eroplano, sinabi ni Ramos sa kawani ng BOC na wasakin na lang ang laruan upang malaman kung mayroon talagang kontrabando sa loob.
Ngunit wala namang nakita na anuman sa laruan na itinapon na lang sa basurahan, kaya mungkahi ni Ramos sa BOC na mag-upgrade ng makina sa paliparan upang mas malinaw na makita ang laman ng mga bagahe para hindi na maulit ang nangyari sa kaniya.
Sinabi rin sa ulat na humingi ng paumanhin si Atty. Vincent Maronilla, Assistant Commissioner at Spokesperson ng BOC sa OFW dahil sa nangyari.
Sisikapin din umano nila na sundin ang minungkahi ni Ramos.-- FRJ, GMA Integrated News